Sa Kawalan ng Pagpipilian ay Nakiusap Siya sa Kaniyang Amo na Makitulog Muna sa Bahay Nito; Papayag Kaya Ito sa Kaniyang Pakiusap?
Mahinang katok ang nagpabalikwas kay Greg sa kama. Alas dose na ng hatinggabi at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakatulog sapagkat tinatapos pa niya ang kaniyang binabasang libro.
Sino nga kaya ang kaniyang magiging bisita sa ganitong oras?
“Oh! Alvin?” gulat na wika ni Greg nang mapagbuksan ang empleyadong si Alvin, kasama ang buong pamilya nito, bibit ang dalawang anak na ngayon ay mahimbing nang natutulog sa braso ng lalaki at ang asawa nitong may bitbit ring tatlong malalaking bag. “Anong nangyari sa inyo?”
“Sir Greg, kakapalan ko na po talaga ang mukha ko. Wala na po kasi akong ibang maisip na pwedeng tumulong sa’min kung ‘di ikaw lang. Pinalayas kasi kami ng inuupahang bahay namin, kasi hindi ako nakabayad sa buwang ito.
Nagkasakit po kasi si bunso kaya mas inuna ko ang pagpapagamot sa kaniya, kaysa sa upa ng bahay. Kanina pa po kami nagpalaboy-laboy sa daan. Maaari po bang makituloy muna kami rito sa inyo Sir Greg? Kahit ngayong gabi lang,” nahihiyang paikusap ni Alvin.
Nahahabag na tinitigan ni Greg si Alvin at ang pamilya nito. Bakas na sa mukha ng asawa nito ang pagod at antok. “Sige, tumuloy kayo,” ani Greg saka niluwagan ang pinto.
“Salamat po, sir. Kahit doon na lang kami matulog sa bodega ninyo, sir. Sobrang nakakahiya po pero wala na akong pagpipilian,” nakayukong wika ni Alvin, matapos tulungang magbuhat ang asawa.
“Dito na lang kayo matulog sa bakanteng kwarto sa baba, Alvin. Wala namang natutulog d’yan. Bakit ko naman kayo patutulugin sa bodega, e marumi pa roon. May bakanteng kwarto naman,” ani Greg.
Nang matapos ipasok ni Alvin ang dala-dalang bag sa sinabing kwartong kanilang tutulugan ay muli niyang kinausap ang among si Greg.
“Pangako sir, hindi po kami magtatagal ng pamilya ko. Pasensiya na po sa abala sir ah, at maraming salamat po sa pagpapatuloy,” walang humpay na pasasalamat ni Alvin kay Greg.
Totoong hindi na niya alam kung saan sila matutulog ng kaniyang pamilya kanina. Ayaw naman niyang matulog sila sa kalsada, baka mapano pa sila. Kaya kinapalan na lamang niya ang kaniyang mukha, masiguro lamang ang kanilang kaligtasan.
“Walang anuman iyon, Alvin. Matulog ka na’t maaga pa ang trabaho natin bukas. Huwag mo munang alalahanin ang lahat ng iyan. Mas mabuti ang naisip mong lumapit sa’kin, kaysa hayaan mong matulog ang pamilya mo sa kalsada,” wika ni Greg.
“Oo nga pala. Sabi mo’y may sakit ang bunso mong anak. Kumusta na ang pakiramdam niya ngayon?” habol niyang tanong ng maalala ang sinabi ni Alvin kanina.
“Maayos na po ang lagay niya, sir. Hindi na po siya nagtata*e at nagsusuka. Isa nga sa dahilan ang bunso ko kaya ayokong matulog kami sa kalsada. Kagagaling lang niya kasi sa sakit.”
“Mabuti naman kung gano’n. Sige na’t bukas na natin pag-usapan iyan, Alvin at matulog ka na,” ani Greg at muli nang umakyat sa silid upang matulog na rin.
Kinabukasan habang abala ang lahat sa kaniya-kaniyang trabaho’y abala rin si Greg, kung paano niya matutulungan si Alvin. Nang malaman ng kaniyang asawang si Sarah ang naging sitwasyon ni Alvin at ng pamilya nito’y nahabag rin ito at sinabing tulungan nila ang pamilya ni Alvin.
Isa si Alvin sa mabait at mapagkakatiwalaang empleyado sa kaniyang negosyo. Masipag rin si Alvin at masayahin, kaya nga hindi siya makapaniwalang may dinadala pa lang problema ang lalaki.
Mabilis ring utusan si Alvin at hindi nakikitaan ng pagreklamo, kahit na ito na lang ang lagi-lagi niyang nauutusan. Kaya sa kaniyang palagay ay nararapat rin na tulungan nila ito.
Kinahapunan ay pinatawag niya si Alvin, upang kausapin ito nang personal.
“Pasensiya na po kayo sir kung naabala namin kayo ng pamilya ko. Hayaan niyo po sir, mamayang uwian ay lalabas ako’t maghahanap ng bahay na mauupahan namin ng pamilya ko.
Sana bigyan niyo pa ako ng isa pang gabi upang makitulog sa bahay niyo sir,” nagmamakaawa’t kinakabahang wika ni Alvin. Iniisip na baka kaya siya pinatawag ni Sir Greg ay upang sabihan na umalis na sila sa bahay nito.
“May pera ka bang ipang-do-down sa bahay, Alvin?”
Nakayukong umiling si Alvin, na ang ibig sabihin ay wala.
“Hindi pa naman kita pinapaalis. Naisip namin ng Ma’am Sarah mo na tutulungan ka na lang naming makakuha ka ng rent-to-own na bahay. Kami na ang bahala sa down payment para wala ka nang po-problemahin pa. Pansamantala, habang inaasikaso pa ang bahay na iyon ay mas maiging sa bahay na muna kayo tumira. Malaki naman ang bahay ko at alam kong kakasya pa tayong lahat doon. Saka na lamang kayo lumipat kapag maayos na ang bahay na kinuha namin para sa inyo. Pasensiya ka na, Alvin, kung iyon lamang ang nakayanan namin ng ma’am mo. Alam kong malaking tulong na iyon sa inyo ng pamilya mo,” mahabang wika ni Greg.
Sa labis na tuwa ni Alvin ay agad itong umiyak habang nagpapasalamat sa butihing amo.
“Hindi ko alam kung paano kayo pasasalamatan sir,” tumatangis na wika ni Alvin.
“Naku! Sapat na sa’kin ang pinapakita mong kasipagan sa trabaho, Alvin. Ako pa nga ang dapat na magpasalamat sa’yo. Kung wala ang isang kagaya mo’y baka nahihirapan ako sa araw-araw. Kasi ikaw agad ang natatawag ko kapag may mga kailangan akong gawin. Maliit na bagay lamang ang ginawa ko,” ani Greg.
“Maraming-maraming salamat po talaga sir. Pangako, mas pagbubutihan ko pa ang aking trabaho,” ani Alvin na kulang ang salitang saya sa nararamdaman niya ngayon.
Minsan ka lang makahanap ng among handang tumulong sa oras ng iyong kagipitan, kaya sana pahalagahan natin ang mga ito. Salamat din sa ugaling taglay ni Alvin, bilang isang mabuti at masipag na empleyado, dahilan upang hindi magdalawang-isip ang among si Greg na tulungan siya.