Kahit Inaamag na’y Kinain ng Bata ang Napulot na Pizza sa Basurahan; Magsisilbing Daan Pala Iyon sa Malaking Pagbabago sa Kaniyang Buhay

Mahirap pa sa daga ang pamilya ni Boy. Ang kaniyang mga magulang ay mga basurero. Dati silang nakatira sa lansangan ngunit dahil sa pandemya ay nilipat sila sa isang iskwaters area. Maski nakakatakot ang lumabas ng bahay ay tumatakas si Boy upang mangalkal ng basura at maghanap ng puwedeng pagkakitaan.

Nag-iipon siya ng mga boteng plastik at ibinebenta iyon. Kumikita siya ng bente pesos sa isang araw at agad namang ibinibigay iyon sa ina pambili ng asukal upang kahit paano ay magkalasa ang nakukuha nilang NFA rice tuwing kapos na kapos at walang pambili ng ulam.

Nang minsang nagkakalkal ng basura ay may isang sasakyang dumaan. Nakita niya ang isang batang lalaki na tila kasing edad niya. Kumportable ang pagkakaupo nito sa loob ng magarang sasakyan at ang sarap ng kain ng batang mataba. Punong-puno ang bibig nito at nang makita niya kung ano ang kinakain ng batang mayaman ay napalunok na lamang siya at saktong bigla namang kumulo ang kaniyang tiyan.

Tila napansin siya ng ama ng bata at inabot sa kaniya ang hawak nitong supot.

“Salamat po, ser,” magalang na wika ng bata.

Pagtingin niya ay may laman iyong kanin at ulam.

Imbes kainin ay inuwi niya ito sa inang halos buto’t balat na rin ang katawan gaya niya at ng apat pa niyang mga kapatid. Ang kaniyang ama ay nangangalakal pa rin sa mga oras na iyon.

“Pagsalu-saluhan na natin ito, anak,” wika ni Nanay Ibyang.

Advertisement

“Ayos lang ako, ‘nay. Kumain na ako kanina,” pagsisinungaling ni Boy.

Tila hinipan ng hangin ang kanin at ulam na ibinigay ng mama sa bata nang paghati-hatian ito ng ina at mga kapatid.

“Huwag kayong mag-alala, beh. Magtratrabahong maigi si kuya para marami na tayong pagkain. Baka liparin na tayo ng hangin sa payat natin lahat dito sa bahay,” pagbibiro pa niya sa nakababatang kapatid na si Emily.

Agad namang lumabas muli si Boy ng bahay gamit ang butas nang face mask at muling naghalungkat ng basura. Tila nahalungkat na iyon ng ibang mga basurero at wala na siyang mahanap na kahit anong mapakikinabangan doon.

Napukaw ang atensyon ni Boy ng isang puting supot na tila pagkain ang laman.

“Wow, pizza! Pangarap ko lang makakain nito, ngayon ay malalasahan ko na rin,” inosenteng saad ng pobreng paslit.

Pagkita niya rito’y may itim-itim na ang pizza sa gilid na tila parang amag.

Inalis na lamang niya ang parteng may amag at dali-daling kinain iyon.

Advertisement

“Tay, ang sakit sakit ng tiyan ko! Dahil yata ito sa kinain kong pizza na may amag,” namimilipit na daing ni Boy sa kaniyang Tatay Tonyo.

“Mahal, pahingi ng tubig na may asukal! Dali!” natatarantang saad ng ama.

“Wala na tayong asukal, naubos na,” paiyak na sagot ng kaniyang ina.

Ilang beses nang dumumi at nagsuka si Boy at tila hindi na ito makakilos.

Hindi na nag-atubili ang mag-asawa at agad na dinala si Boy sa isang pampublikong ospital.

“Parang awa niyo na ho. Unahin niyo na sana ang anak namin. Parang ang bagal na ng tibok ng puso niya,” pagmamakaawa ng kaniyang ama.

Ngunit sa dami ng pasyente ay wala nang espasyo sa emergency room ng naturang ospital.

Habang humahagulgol ang mag-asawa ay may isang lalaking lumapit sa kanila.

Advertisement

“Halika, dadalhin ko kayo sa aking klinika,” saad ng lalaking mukhang mayaman.

Agad naman silang pinasakay nito sa magarang sasakyan.

Nang pagmasdan ng lalaki ang batang naghihingalo ay agad niyang namukhaan ito. Ito ang batang inabutan niya ng pagkain dahil sa awa nang makita niyang tila naglalaway ito habang pinanonood ang anak na kumakain.

“Pangarap ho kasi ng anak namin na makatikim ng pizza. Sa hirap ng buhay ay wala kami ni pambili ng bigas at ulam. Nakakita siya ng pizza sa basurahan at kinain iyon maski may amag na dahil sa sobrang gutom,” nakayukong kuwento ng ama.

Awang-awa ang lalaki sa narinig. Isa pala siyang doktor at espesyalista sa mga bata.

Tatlong araw ring nanatili si Boy sa klinika ni Doctor Bonifacio. Unti-unting lumakas ang pangangatawan ni Boy matapos mabigyan ng gamot at maswerohan.

Napagdesisyunan ng doktor na tulungan ang pamilya ni Boy at bigyan ng trabaho ang ama nito. Mabuti na lamang at marunong sa pagkakarpintero ang kaniyang Tatay Tonyo.

Mula noon ay hindi na naging problema pa nila Boy ang pangkain sa araw-araw.

Advertisement

Tinulungan silang magkakapatid ni Doctor Bonifacio na makapag-enrol sa pampublikong paaralan at binigyan pa sila nito ng tablet.

“Gusto kong maging isang doktor paglaki ko,” ito ang naging tugon ni Boy nang tanungin ng guro kung ano’ng gusto niyang maging sa kaniyang paglaki.