Ipapasalo ng Babae ang Ipinagbubuntis Niya sa Iba, Nakakapanginig ang Magiging Sukli ng Tadhana sa Kaniya

“Sa tingin mo ba Kath ay may tatanggap pa sa mga babaeng katulad natin? Kung mayroon man siguro ay himala na kung hindi tayo pagmamalupitan sa tuwing tatanggi tayo sa gusto nila. Himala na kapag hindi nila binanggit ang nakaraan natin sa tuwing magkakaroon ng hindi pagkakaintindihan at isang himala na kung mataas na babae pa rin ang tingin nila sa atin pagkatapos ng lahat,” malungkot na wika ni Sel sa kaniyang kaibigan.

“Pero Sel, hindi ko kayang ipalaglag ang batang ito. Bukod sa mahal ko na si Sir Romeo ay itong batang ito na ang magpapaahon sa akin sa kahirapan. Kailangan ko lang ng may sasalo sa akin at sa anak ko, kapag dumating ang araw ay alam kong maambunan ito ng mana. Malakas ang paniniwala ko,” sagot naman ni Kath habang hawak ang kaniyang sinapupunan.

“May isang lalaking baliw na baliw sa akin at alam kong tatanggapin niya pa rin ako. Lalo pa ngayon na lugmok na lugmok din siya, magiging masama ba akong babae kung hihilingin kong makaahon man lang sa hirap? Hindi naman siguro dahil mamahalin ko rin naman siya,” dagdag pa ng babae at inilayo ang kaniyang tingin sa kaibigan.

Bago pa man magdalaga ay sumugal na sa Maynila si Kath at iniwan ang buhay probinsya sa pag-aakalang nasa siyudad ang swerte niya. Kaya lamang ay nauwi siya sa pagkapit sa patalim, sa nakakalulong na dr*ga, at sa pagbebenta ng laman para mabuhay. Naging bayarang babae at naging paanakan na rin ito ngunit sa dami ng dinala niya sa sinapupunan ay ngayon lamang siya nagkaroon ng pag-asa. Nagdadalantao ngayon si Kath sa masugid na parokyano niya na sobrang yaman ngunit katulad ng inaasahan ay hindi naniniwala ang lalaki na sa kaniya ang bata. Alam niyang tila gaya sa isang pelikula ang kaniyang kwento ngunit gusto niyang sumugal ngayon at buhayin ang bata upang magamit ito pagdating ng araw.

“Enoc, nandito na ulit ako,” wika ni Kath sa kababata niya nang mapagpasyahang umuwi ng babae kung saan siya nagmula.

Hindi naman sumagot si Enoc at mabilis itong tumakbo para yakapin ang babae.

“Pagpasensyahan mo na kung ngayon lang ako nakauwi, condolences nga pala sa pagkawala nila tito at tita. Pero huwag kang malungkot ha, nandito na ako ulit. Hindi na kita iiwan,” sabi ni Kath sa lalaki. Ngumiti lamang si Enoc at tinitigan ang kaniyang mga mata.

“Kath, ganda mo pa rin,” dahan-dahan na sinabi iyon ng lalaki habang nakatitig pa rin sa mata ni Kath.

Advertisement

Mabilis na hinalikan ni Kath ang lalaki at mas nilaliman pa niya ito ngunit siya na rin ang tumigil nang walang balik na halik sa kaniya si Enoc.

“Magpakasal na tayo, Enoc, papakasalan na kita katulad ng lagi mong hinihiling sa akin noon,” biglang sabi ni Kath kay Enoc. Ngumiti lamang ang lalaki sa kaniya at niyaya na siya nitong umuwi.

Isa si Enoc sa pinakamayaman sa kanilang lugar, bukod sa ekta-ektaryang lupain nito ay kaliwa’t kanan din ang asukalan, kape, at iba-iba pang ari-ariang mayroon ang lalaki ngunit sa kabila ng lahat ng iyon ay may kakulangan pa rin ang binata. May problema sa emosyon ang lalaki. Hindi ito nakakaramdam ng saya o lungkot at huli rin ang usad ng kaniyang pag-iisip kaysa sa kaniyang edad kaya naman kahit ubod nang yaman ay sinto-sinto pa rin ang tawag ng iba sa kaniya.

“Sabi ko naman sa’yo, Sel, tatanggapin pa rin ako ni Enoc! Halos ilang buwan pa lang akong narito ay ang bilis na kaagad ng asenso ng buhay ko. Pumayag na rin siyang magpakasal, baka pag nagkataon ay hindi ko na kailanganin ang tatay nitong dinadala ko dahil sa yaman pa lang ni Enoc ay buhay na buhay na ako!” masayang kwento ng babae sa kaniyang kaibigan habang kausap ito sa telepono.

“O, siya basta huwag mo akong kakalimutan na imbitahan at pamasahihan mo na rin ako! Gusto ko rin makaranas ng buhay mayaman kahit papano,” masayang sagot sa kaniya ni Sel at nagkwentuhan pa ang magkaibigan tungkol sa mga plano niya sa buhay.

Magkasamang lumaki sina Kath at Enoc at simula noong bata pa lamang sila ay baliw na baliw na ang lalaki sa kaniya ngunit noon pa man din ay hindi na niya gusto ang lalaki. Nariyang kinaibigan niya ito dahil naawa siya at sinasabi niya ang lahat ng hirap na nararanasan niya sa Maynila ngunit paulit-ulit pa rin siyang tinanggap ng lalaki. Kaya ngayon ay walang kahirap-hirap na nagagawa ni Kath ang plano niya. Hanggang sa isang gabi habang nalalapit na ang nakatakdang kasalan ng dalawa ay naisip ng babae na pilitin na si Enoc na may mangyari sa kanila. Pinuntahan niya ito habang suot ang nakakaakit niyang pangtulog. Kaagad siyang pumaibabaw sa lalaki at hinalikan ito.

“Kath, huwag, malapit na ang kasal natin. Ginagalang kita,” sabi ni Enoc sabay awat sa babae.

“Galang-galang, alam ko naman ‘yun pero init na init na kasi talaga ako, Enoc. Huwag mo na akong pigilan at hayaan mo na paligayahin kita,” sabi ni Kath at patuloy lamang ito sa paghalik sa lalaki.

Advertisement

“Hindi mo kailangang gawin ‘to, Kath,” seryoso ngunit putol-putol na sinabi iyon ni Enoc.

“Kung gusto mo ng pera para sa baby mo, pwede kitang bigyan para hindi mo na lokohin ang sarili mo. Pero kung gusto mo talaga akong maging asawa, huwag ganito, ayaw ko nang ganito. Mahal na mahal kita at hindi ko kayang bastusin ka,” wika ni Enoc sabay tayo.

“P-paano?” nanginginig na tanong ni Kath dito.

“Unang tingin ko pa lang sa’yo, alam kong buntis ka, inutil man ako sa paningin ng iba pero alam ko ang pagmamahal, Kath. Alam ko ang pag-ibig kaya alam ko na hindi iyon ang nararamdaman mo nung dumating ka ulit sa akin. Hindi kita pipilitin bagkus aantayin kong maramdaman mo iyon para sa akin, pero kung kailangan mo lang ng pera, may itinabi ako sa aparador mo.  Pwede mong kuhanin iyon… Mahal na mahal kita,” wika ni Enoc at saka lumabas.

Naiwan naman na namumutla at pinagpapawisan nang malamig si Kath dahil buong akala niya’y mangmang ang lalaki at pwede niyang paglaruan ngunit mas masakit pala na marinig ito sa lalaking minahal siya nang totoo. Kaya naman dala ng hiya ay kusang umalis si Kath at hindi na muling nagparamdam kay Enoc. Alam ng babae na hindi ang klase niya ang nababagay kay Enoc. Naging masama man siguro ang plano niya ngunit mas nangibabaw ang kunsensiya niya dahil alam niyang wala siyang maisusukli na kahit ano sa lalaki. 

Hindi nagtagal ay nakatagpo si Enoc ng babaeng para sa kaniya at nagkaroon ng masayang pamilya habang si Kath naman ay nagbagong buhay na kasama ng kaniyang anak. Binuhay niya ang bata kahit na bumalik siya sa pagiging mas mahirap pa sa daga at nagpakalayo-layo sa lungsod kung saan ibinenta niya ang kaniyang kaluluwa. Ngayon ay wala nang mas mahalaga pa sa babae kung ‘di ang magampanan ang pagiging isang mabuting ina.