Ginamit ng Dalaga ang Talino Upang Makaganti sa Inang Nang-Abandona; Magtagumpay Kaya Siya?

“Congratulations, Vanessa! Dati pa, I knew that one day ay magiging parte ka ng kompanya,” sabi ni Mr. Suarez at saka kinamayan ang dalaga. Paglabas ng opisina ay nabura agad ang malawak na ngiti ni Vanessa. Buong akala niya ay nandoon ang pinaka-boss ng kompanya na si Ms. Irene Consuelo, ngunit nabigo siyang makita ito.

Bata pa lang siya ay sinabi na sa kaniya ng kaniyang lolo kung sino si Ms. Irene – walang iba kung hindi ang kaniyang tunay na ina. Hindi na niya naabutang buhay ang ama at namulat siya sa pangangalaga ng lolo. Ayon sa kaniyang lolo ay ang babaeng may-ari nga ng pinakamalaking kompanya sa industriya ay ang tunay niyang ina. Dahil daw sa ambisyon nitong magpayaman ay pinagtaksilan at iniwan siya nito at ang kaniyang ama. Hindi lang iyon, ang Consuelo Company rin daw ang dahilan kaya bumagsak naman ang kompanya ng kaniyang lolo. Dahil dito kaya lumaking may galit sa puso si Irene. Nangako siyang pagbabayarin ang ina sa mga ginawa nito, lalong-lalo na sa pang-iiwan sa kanila.

Noong kolehiyo ay nag-apply at nakapasa siya bilang isa sa mga iskolar ng kompanya nito. Ginalingan niya sa pag-aaral dahil baling araw, gagamitin niya ang lahat ng nalalaman para matalo sa negosyo ang ina. Ito naman ang makakaranas ng paghihirap katulad ng naranasan niya. At ngayon nga na nakapagtapos na siya, apply agad siya sa kompanya mismo para mapalapit dito. Plano niyang pag-aralan ang lahat ng mga pasikot-sikot sa kompanya at kung may makikita siyang anomalya ay agad niyang ipagkakanulo sa awtoridad.

Ngunit mag-iisang buwan na siya sa kompanya ay wala siyang butas na mahanap. Malinis at maayos ang pamamalakad doon. ‘Di tulad sa mga kwento ng kaniyang lolo, hindi niya nakikitaan ng pagkamataas si Ms. Irene, sa halip ay masasabi niyang patas at mabait na boss ito. Ang mga empleyado ay ginaganahang magtrabaho dahil magaling at madaling lapitan ang kanilang boss. Maging siya ay ilang beses nilapitan ni Ms. Irene upang personal na i-check ang kaniyang trabaho. Nagulat pa siya nang tanungin siya nito kung kumusta ang kaniyang trabaho roon.

“Isa ka sa pinakamahuhusay na iskolar ng aming kompanya, hija, kaya’t gusto ko rin sanang marinig ang opinyon mo tungkol sa pinakamalaking proyekto ngayon ng kompanya. Gusto kong mapabilang ka sa team,” sabi nito sa kaniya isang araw. Magkakahalong gulat, tuwa, at pagkasabik ang naramdaman niya. Kinastigo niya ang sarili sa naramdaman.

“Hindi ako dapat matuwa, kaaway ko ang babaeng iyon,” pagpapaalala niya sa sarili. Papunta siya sa pantry upang kumuha ng tubig upang kalmahin ang sarili ngunit napatigil siya nang may marinig na pamilyar na boses.

“Kapag nasabotahe natin ang project na iyon, tiyak na malaking dagok iyon sa kompanya. Maaari ring ma-kwestyon ang posisyon ni Irene, at kapag nangyari iyon, ikaw na ang papalit sa kaniya.”

Nagulat si Vanessa sa narinig, at hindi siya nagkakamaling kay Mr. Suarez nanggagaling ang tinig na iyon. Pagsilip niya ay tama nga siya ng hinala, nagulat siya nang makitang ang taong kausap nito ay ang bise presidente naman ng kompanya. Balak ng mga itong nakawin ang mga papeles at iba pang mahahalagang dokumento upang sirain ang pangalan ni Ms. Irene!

Advertisement

Kung tutuusin ay pabor iyon kay Vanessa upang mapagtagumpayan ang paghihiganti niya sa inang nang-iwan sa kaniya, ngunit ewan ba niya at nakaramdam siya ng awa at galit sa mga taong nagtataksil kay Ms. Irene.

Nagpasya siya nang gabing iyon na magpagabi sa opisina upang pigilan ang masasamang plano ng mga ito. Sa kasamaang palad ay nakatulog siya at naalimpungatan lang nang may marinig na kaluskos. Nagtago siya sa likod ng lamesa nang makita ang isang lalaking pilit binubuksan ang pinto ng opisina ni Ms. Irene. ‘Di niya malaman ang gagawin, nagulat na lang siya nang biglang bumukas ang ilaw at lumabas doon si Ms. Irene. Nagkatapatan ito at ang lalaking naka-bonet na kulay itim. Napasigaw si Ms. Irene sa gulat at naglabas naman ng baril ang lalaki at itinutok dito. Walang pagdadalawang-isip na dinampot ni Vanessa ang babasaging vase at saka inihampas sa ulo ng lalaki. Pumutok ang baril na hawak nito ngunit buti na lang at salamin lang ang natamaan. Mabuti’t agad na rumesponde ang mga pulis at nahuli ang walang malay na lalaki. Sa presinto ay umamin din itong napag-utusan lang. Kasama nitong nakulong si Mr. Suarez at ang bise president ng kompanya.

“Ayos ka lang ba, anak? Nasaktan ka ba? Saan masakit?” umiiyak na tanong ni Ms. Irene sabay yakap sa kaniya.

“Anak?” tila namamanhid na sabi ni Vanessa. Matagal bago nagsalita ang babae.

“Oo, Vanessa… anak. Ang tagal kong pinangarap na makasama ka, natatakot lang ako dahil sa… dahil sa pagbabanta ng lolo mo,” sabi ni Irene.

“Huwag mo ngang binabaligtad ang istorya! Ikaw ang nang-iwan sa amin dahil mas mahalaga sa iyo ang pera!” iyon lang at umalis na si Vanessa. Pagdating sa bahay ay pinagpaliwanag niya ang lolo. May sakit na ito at laging sinasabi na malapit na itong kunin. Nagulat siya dahil may luha sa mga mata nitong inamin ang mga kasinungalingan nito. Ang totoo ay pinalayas niya ang ina dahil mahirap lang ito. ‘Di niya akalaing magtatagumpay ito at babagsak naman ang kompanya nila. Dahil sa inggit ay nagawa nitong ilayo siya dito at pagbantaan ng kung ano-ano.

Nang malaman ang totoo ay ‘di niya alam kung paano muling lalapitan ang ina. Mabuti na lang at ito na mismo ang pumunta sa kanilang tahanan. Imbes na magalit sa lolo ay lumuhod pa ito at nagmakaawang hayaan na silang mabuhay nang magkasama. Humingi naman din ng tawad ang matanda sa mga nagawa nito. Ngayong nasa dulo na ito ng buhay nito ay napagtatanto na nito ang kalikuang ginawa.

Nasaksihan ito lahat ni Vanessa at niyakap ang ina. Simula noon ay pinunan nila ang mga panahong nawala sa kanila. Pumanaw na ang lolo na ikinalungkot niya dahil napatawad na niya ito. Mabuti na lang at bago ito kinuha ng Diyos ay naging maayos na ang lahat sa kanilang pamilya.