Inday TrendingInday Trending
Itinatanggi ng Anak ang Amang Payaso dahil sa Takot na Mapagtawanan; Upang Makabawi sa Ama ay Ito ang Kaniyang Ginawa

Itinatanggi ng Anak ang Amang Payaso dahil sa Takot na Mapagtawanan; Upang Makabawi sa Ama ay Ito ang Kaniyang Ginawa

“Anak, nariyan ka na pala. Kumain ka na muna at sigurado akong pagod ka sa eskwela. Nagluto ako ng paborito mong adobong paa ng manok. Nariyan na sa mesa. Gusto mo bang sumama sa akin sa party? Hindi kasi ako nagagalingan sa umaasiste sa akin. Baka gusto mong ikaw na lang?” bungad ni Mang Ador sa kaniyang anak na si Cedrick.

“H-hindi na po, ‘tay. Marami pa po akong kailangang gawin na takdang aralin. Kayo na lang po,” tugon naman ng binata.

“O siya, sige. Akala ko ay makakasama na kita ngayon sa pagtatanghal. Ikaw na ang bahala rito, anak, ha. Kailangan ko nang umalis at baka mahuli pa ako sa party. Baka makatulad ng dati na hindi na naman buo ang ibayad sa akin,” paalam pa ng ama.

Isang payaso itong si Mang Ador. Ito na ang kaniyang ikinabubuhay binata pa lang siya. Ngayong nagkakaedad na siya at dapat nang magretiro ay hindi niya magawa dahil nag-aaral pa ng kolehiyo ang anak niyang si Cedrick.

Ngunit ang hindi alam ni Mang Ador ay kinahihiya ni Cedrick ang trabaho niya bilang payaso. Kaya kahit ilang beses mang yayain ng ama ang binata ay todo ang pagtanggi nito at lagi pang gumagawa ng dahilan.

Isang araw ay nagkaroon ng programa sa paaralan ni Cedrick. Kailangang dumalo ng kanilang mga magulang upang makakilala ang bawat isa.

“Inaasahan ko ang partisipasyon ng lahat sa inyo. Sa inyo nakasalalay ang tagumpay ng programang ito,” saad ng propesor na si Ginoong Santiago.

“Sir, baka naman po p’wedeng hindi na po ako dumalo? W-wala na po kasi akong nanay. ‘Yung tatay ko naman po ay may trabaho. Hindi po siya makakapunta,” wika naman ni Cedrick.

“Bakit? Nasaan ba ang tatay mo, hijo?” tanong naman ng guro.

“Ah, ang tatay ko po? OFW po kasi ang tatay ko at wala po siya rito sa Pilipinas. Kaya hindi na lang po ako dadalo,” tugon muli ng binata.

“Hijo, kakaunti lang kayong mga estudyante. At kailangan na makiisa ang lahat. ‘Yung ibang mga kaklase mo na nasa ibang bansa ang mga magulang ay kakatawanin ng kanilang mga guardian. Baka maaaring pumunta ang tito o tita mo? O ‘di kaya naman ay ang lolo at lola mo,” muling sambit ni Ginoong Santiago.

“Nakikiusap ako, hijo, kahit ako na lang ang makipag-usap sa iyong ama para kausapin ang iba mong kamag-anak,” dagdag pa ng guro.

“A-ako na po ang gagawa ng paraan, sir,” kinakabahang sambit pa ni Cedrick.

Bago ang takdang araw ng programa ay kailangan na niyang makaisip ng paraan. Ayaw niya rin namang masaktan ang kalooban ng kaniyang ama. Pero ayaw rin naman niyang maging tampulan ng tukso dahil lang sa trabaho nito.

Kaya naisipan niyang lapitan ang kaniyang Lola Selma.

“May pagdiriwang po kasing pagtatanghalan noon si tatay, lola. Kaya nga po pinapunta rin niya ako rito para po kayo na lang ang sumama sa akin. Sandali lang naman po iyon,” pakiusap ng binata.

“Walang problema sa akin, apo. Sige at hayaan mo na ang tatay mo na gawin ang trabaho niya. Ako na ang bahalang dumalo sa programa mo sa eskwela,” tugon naman ng matanda.

Ang akala ni Cedrick ay plantsado na ang lahat. Inilihim niya sa kaniyang ama ang programa sa paaralan at ang lola niya ang dadalo.

Nang dumating ang araw ng programa ay nagulat siya nang makita ang ama.

“A-ano pong ginagawa n’yo rito, ‘tay? P-paano n’yo po nalaman ang tungkol dito?” pagtataka ni Cedrick.

“Nakausap ko kasi ang Lola Selma mo. Ang sabi niya sa akin ay nahihiya kang sabihin sa akin dahil makakaabala ito sa trabaho ko. Alam mo namang kapag para sa iyo ay handa kong talikuran ang lahat, anak. Kaya, heto, ako na lang ang dumalo!” masaya pang sambit ni Mang Ador.

Napabuntong hininga na lang si Cedrick. Lalo na nang makita niya na dala pa ng ama ang kasuotan nito sa pagiging payaso. Inilibot niya ang kaniyang mga mata sa mga magulang na kasama ng kaniyang mga kaklase. Makikita mo sa kasuotan ng mga ito ang malaking kaibahan sa kaniyang ama.

Nang magsimula na ang programa ay balisa si Cedrick.

“’Tay, umuwi na lang kaya tayo? Hindi na rin kasi maganda ang pakiramdam ko. Saka baka mamaya ay mahuli na naman kayo sa pagtatanghal ninyo. Hindi naman ito masyadong importante,” saad pa ng binata.

“Ayos lang, anak. Naurong naman ang oras ng party kaya tiyak akong aabot ako. Ito nga’t dinalhan pa kita ng costume. Baka kasi mamaya ay nais mong tumulong sa akin. Kahit isang beses lang. Magiging masaya ‘yun. Ikaw at ako sa entablado!” saad ng ama.

Habang papalapit nang papalapit sa pangalan ni Cedrick ang mga tinatawag ay hindi na niya alam ang gagawin. Pumunta siyang sandali sa palikuran upang tanggalin ang kaniyang kaba. Alam niya kasing pagkatapos ng araw na ito ay magiging tampulan na siya ng tukso.

Pagbalik niya sa silid ay nakita niya ang ama na nakikipag-usap sa mga kaklase niya.

“Payaso pala ang tatay mo, Cedrick. Ayos, a! E ‘di lagi siyang nagpapatawa sa bahay n’yo?” natatawang biro ng isang kaklase.

“Siguro hindi ka umiyak kahit kailan kasi magaling siyang magpatawa, e!” saad naman ng isa pa niyang kaklase.

Dahil dito ay nilapitan niya ang ama at niyaya nang umuwi.

“Bakit, anak? Malapit na tayong dalawang tawagin. Ito na ‘yung pagkakataon kong ipagmalaki kita sa kanila. Huwag mo nang alalahanin ang trabaho ko at ako na nga ang bahala. Tapusin na natin ang programa,” wika pa ng ama.

“‘Tay, tara na! Hindi mo ba nararamdaman? Ayaw kong mapahiya sa kanila nang dahil lang sa trabaho mo! Tingnan mo nga ang mga kasuotan ng mga magulang nila. Doktor, inhinyero, arkitekto, nagtatrabahong klerk sa opisina, sa bangko. Gusto n’yo ba talagang maging katawa-tawa ako? ‘Tay naman, kahit sa isang pagkakataon lang bigyan n’yo naman ako ng dignidad!” sambit pa ni Cedrick sa ama.

Labis na nasaktan si Mang Ador sa sinabing ito ni Cedrick. Pero hindi naman niya masisisi ang anak. Marahil ay nag-aasam din ito ng isang magulang na maipagmamalaki nito sa madla.

“P-pasensiya ka na, anak, kung ito lang ang kaya kong trabaho. Tama ka, tara na. Aalis na ako at baka mahuli pa ako sa trabaho ko. Baka magkulang na naman ang bayad sa akin,” pinipigil ni Mang Ador ang pagbagsak ng kaniyang mga luha.

Batid ni Cedrick na nasaktan niya ang ama. Nais sana niyang pigilan ang pag-alis nito ngunit wala na rin siyang nagawa pa.

Maya-maya ay lumapit sa binata ang kaniyang propesor.

“Kanina pa ako nakatingin sa inyong dalawa. Siya ang tatay mo, hindi ba? Kaya ba sinabi mong OFW siya dahil nahihiya ka na makasama siya dahil sa kaniyang trabaho? Cedrick, tingnan mo ang mga taong narito ngayon. Tanging ang ama mo lang ang maluwag sa kaniyang puso ang pagpunta ngayon dito. Maraming mga ama ang nasa labas at may kausap sa kanilang selpon. Ang iba ay panay tingin sa kanilang relos at hindi man lang magawang kausapin ang kanilang anak. Alam mo, sa palagay ko, sa silid na ito ay ikaw ang pinakaswerte. Dahil kitang kita ko kung paano ka mahalin at pahalagahan ng iyong ama,” saad pa ni Ginoong Santiago.

Bigla na lang pumatak ang luha ni Cedrick. Napatingin na lamang siya sa kaniyang propesor.

“H-hindi pa nakakalayo ang tatay mo. Habulin mo siya at bumalik kayong dalawa rito. Ipagmalaki mo sa lahat kung gaano siya kabuting ama,” dagdag pa ng guro.

Dali-daling lumabas ng silid si Cedrick upang habulin ang ama. Nang maabutan niya ito ay labis-labis ang paghingi niya ng tawad.

“Hindi ko po sinasadya ang mga nasabi ko, ‘tay. Mali po ako. Hindi ko po dapat kayo ikahiya dahil isa kayong payaso. Patawarin po ninyo ako at hindi ako naging mabuting anak. Patawad po, ‘tay,” lumuluhang sambit ni Cedrick.

Niyakap na lang ni Mang Ador si Cedrick. Magkahawak kamay silang bumalik sa auditorium upang tapusin ang programa.

Ilang sandali bago ang pag-akyat ng mag-ama sa entablado ay napansin ni Mang Ador na nawawala ang anak.

Paglingon niya ay nakita niya si Cedrick na nakasuot ng pang-payaso.

“Suotin mo na rin ang costume mo, ‘tay! Ngayong araw ay ako na ang assistant mo,” masayang sambit ni Cedrick.

Buong pusong nagpakilala ang mag-ama na nakasuot ng pampayaso. Imbes na maging tampulan ng tukso si Cedrick ay marami ang humanga sa kaniya. Lalo na sa amang si Mang Ador dahil ginagawa nito ang lahat upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang anak.

“Magtatanghal ako, anak, hanggang masigurado kong nasa mabuting kalagayan na ang buhay mo. Dahil ito lang ang maiiwan kong pamana para sa iyo,” saad ni Mang Ador sa anak.

“Sisikapin ko, ‘tay, na dumating ang panahon na ako ang magdadala sa iyo sa magandang buhay. Salamat sa Diyos at ikaw ang binigay Niyang ama para sa akin,” saad naman ni Cedrick.

Mula noon ay hindi na ikinahiya ni Cedrick ang trabaho ng ama. Madalas ay sinasamahan pa niya ito bilang suporta. Dahil sa mga nangyari ay mas naging matatag at matibay pa ang samahan ng mag-ama.

Advertisement