
Inaruga ng Binabae ang Sanggol na Hindi Kaano-ano; Grabe Pala ang Isusukli Nito sa Kaniya
Isang masiyahing binabae si Brando o kilala bilang Brenda kapag gabi. Mag-isa lamang siya sa buhay dahil itinaboy siya ng kaniyang pamilya sa pagiging binabae niya.
Lahat ng masasakit na salita ay natanggap na niya mula sa pamilya, kamag-anak at ilang mga kakilala dahil lamang pusong babae siya.
“Makasalanan!”
“Kasuklam-suklam.”
“Abominasyon!”
“Walang patutunguhan.”
At marami pang iba…
Hindi ininda lahat ni Brando lahat ng iyon, bagkus, taas-noo siyang umalis at pinilit na mamuhay ng tama kahit mag-isa.
“Hoy Brando! Magpapalinis ako ng kuko at saka papa-pedicure ako mamaya ha?” sigaw ng isang kapitbahay.
“Tse! Kung kalbuhin ko kaya ‘yong bumbunan mo! Brenda ha?! Brenda!” pabirong tugon naman ng binabae.
Ganito ang buhay ni Brando. Kahit na nilalait-lait, tuloy pa rin ang pagiging masiyahin at mabait sa kapwa, kaya’t marami rin tao ang nakakaunawa at nagmamahal sa kaniya.
“Nako Brenda, dapat kasi mag jowa ka na! Para naman ‘di ka nag-iisa sa buhay ‘no?” sabi ng isa sam ga kaibigan ni Brando.
“Teh, hindi ko kailangan. Sakit lang sa ulo ‘yan at saka masaya na ako sa buhay ko,” diin naman ni Brando.
Tunay ngang hindi humahanap ng karelasyon kay Brando. Masaya na siya sa buhay nang pagiging malaya, pero isang pangyayari pala ang babago sa buhay niya.
“Ano?! Teka, anong gagawin ko rito?” tili ng binabae isang umaga.
“Pasensiya ka na Brenda, kailangan ko kasi makaalis at saka wala akong ipapakain sa batang iyan,” pakiusap ng isang kakilala ni Brando.
Ipinapaampon sa kanya ang isang lalaking sanggol. Paalis kasi ang ina nito upang mangibang bansa kaya’t kapalit ng limang libong piso, iiwan niya ang sanggol sa pangangalaga ng binabae.
Tatanggihan pa sana ni Brando ang alok nito, ngunit nabingwit ng mala-anghel na ngiti ng sanggol ang puso ng binabae. Kaya’t inampon niya ito at tumayo bilang nanay at tatay.
Buong-buo ang pagmamahal ng binabae sa anak. Tinuring niya itong para bang sa kanya mismo nanggaling. Siya ang nagpuyat pagtitimpla ng gatas, pagpapalit ng lampin at pag-aalaga tuwing may sakit ito.
Sa unang pagkakataon, may minahal na lalaki si Brando at iyon ay ang kaniyang anak na hindi man galing sa binhi niya, pero nanggaling naman sa kaniyang puso.
“Mamu, sobrang swerte ko na ikaw ang magulang ko,” nakangiting sabi ng bata na pitong taong gulang na noon.
“Bakit naman anak?” tanong naman ng binabae.
“Kasi kahit mag-isa ka lang, inaalagaan at binubuhay mo pa rin ako. Tapos kahit pagod ka na, nakikipaglaro ka pa rin sa’kin. I love you, mamu!” paglalambing pa ng bata.
“Nako, ang anak ko, naglalambing na naman. Mas mahal na mahal ka ni mamu. Kaya magpapakabait ka ha? O siya, magdasal ka na doon at matulog na ha?” malambing na tugon rin naman ni Brandon.
Lumaki ngang may takot sa Diyos at mabait ang bata na pinangalanan niyang Luke. Kahit na tampulan ng tukso ito ng mga kalaro noon, hindi nito ininda. Mas minahal pa niya ang kanyang mamu. Tanging kabutihan ng kaniyang amain ang nakikita niya.
Sa ika-15 na kaarawan ni Luke, isang malaking surpresa ang sumambulat sa kanila.
“Ano?! Teka bakit? Paano? Hindi pwede!” sigaw ni Brandon.
“Ako ang tunay na magulang na batang iyan! May karapatan ako sa kaniya!” sigaw ng babae na nagpaampon noon kay Brando.
May kasamang pulis, abogado, at bitbit na mga papeles pa ang babae upang patunay na may karapatan siya kay Luke.
“Babayaran kita, Brando! Kahit magkano pa, ibalik mo lamang ang anak ko,” sigaw pa ng babae.
“Hindi kayang tumbasan ng pera mo ang pagmamahal at pag-aaruga ko sa anak ko! Hindi mo siya pwedeng kunin!” pagmamatigas pa ng binabae.
“Mamu, ‘wag niyo po akong ibibigay!” takot na sabi ni Luke noon.
“May mas maganda kang hinaharap sa akin anak, sumama ka na may mama ha?” pagmamakaawa naman ng tunay na ina ng binatilyo.
“Hindi! Hindi maari!” pagpipigil muli ni Brando.
Ngunit tinakot siyang ipapadampot sa pulis at kakasuhan kung hindi ibibigay ang anak, dahil minor de edad pa ito.
Walang nagawa si Brando, dahil sa batas, wala naman talaga siyang laban.
“Anak ko!” sigaw ng binabae.
“Ibalik niyo ako sa mamu ko!” pagpupumiglas ng bata.
“Ibalik niyo po sabi ako sa mamu ko e!” mga salita ni Luke na parang bang paulit-ulit na nag e-echo sa tainga ni Brando. “Mamu, babalik ako pangako po! Mamu intayin mo ako ha?” iyak pa ng bata.
Naiwanan lamang ang kawawang binabae na nakaupo sa semento habang humihikbi. Kahit na hindi niya tunay na anak si Luke, labis-labis ang pagmamahal niya rito.
Lumipas ang mga araw, linggo at buwan, palaging nalulungkot pa rin si Brando. Bumagsak na ang katawan nito sa sobrang puyat, hindi pagkain ang matinding pag-iisip.
Isinugod pa siya sa ospital nang malaman na dinala na pala si Luke ng kaniyang tunay na ina sa Belgium at doon na nanirahan. Nawalan ng malay si Brandon noon at hindi na kinaya pa ang matinding nadarama.
Ginusto na sana ng binabae na ‘wag nang ituloy ang buhay pa. Ngunit isang sulat mula kay Luke ang kanyang natatanggap kalakip ang mga litrato nito.
Dahil doon, nagkaroon si Brando ng rason para lumaban pa ulit. Kahit na malayo ay damang-dama niya ang pagmamahal ng anak. Pinilit niyang bumangon at lumaban pang muli.
“Para ito sa’yo anak. Hindi titigil si mamu hangga’t ‘di tayo muling nagkakasama at nagkikita!” determinadong sabi ni Brando habang nakayakap sa litrato ng anak.
Isa, dalawa, tatlo hanggang labing tatlong tao nang lumipas…
Unti-unti nang humina si Brando at tinamaan ng sakit na c*ncer. Mahina na ang kaniyang pangangatawan at nauubos na rin ang kaniyang mga buhok. Pero tanging si Luke ang rason niya para lumaban pa. Hindi siya mawawala sa mundong ito hangga’t hindi niya nakikita ang anak.
Nagdiwang si Brando ng kanyang ika-limampu’t siyam na kaarawan naman sa ospital. Subalit isang masamang pangyayari ang naganap. Nag flat noon ang linya ng heartbeat monitor ng binabae at nalagay sa bingit ng kam*tayan.
Ibubuga na lamang sana niya ang huling hininga nang may maulanigan na boses. Boses na kahit malaki ang pagbabago’y kilalang-kilala niya. Ang boses na yumayakap pa rin sa kaniyang puso.
“Mamu!” unang sigaw nito.
“Mamu lumaban ka! Nandito na ako mamu!” hagulgol pa ng lalaki.
“Mamu, ‘wag mo akong iwan please! Mamu, please!” pagmamakaawa pa nito.
“Luke, anak ko…” paulit-ulit itong tumatakbo sa memorya ni Brandon noon.
Tila isang himala ang nangyari, ang nagdiretsong linya ay nakasagap nang muling pagtibok ng puso.
Mula sa bingit ng kamat*yan ay nagbalik si Brando at nagkaroon ng pulso. Hindi makapaniwala ang mga doktor at nars sa naganap. Paanong nangyari ang ganito?
Inilagay si Brando sa Intensive Care Unit at makalipas ang isang linggo nagkamalay na siya. Nang makasigurong ayos na ang karamdaman, inilipat ang binabae sa isang pribadong kwarto.
Mahimbing na natutulog noon si Brando nang maramdaman niyang may humawak sa kaniyang kamay.
Iminulat niya ang mga mata ang napaluha ng may mga ngiti sa nakita…
“Luke, anak ko… nagbalik ka na ba talaga? Hindi ba ito isang panaginip lang?” naguguluhang tanong ni Brando.
“Totoong nandito na ako mamu… hindi na kita muling iiwan pa. ‘Di ba nangako ako sa’yo noon na babalik ako? Tinupad ko na mamu.
Akala ko ako yung iiwan mo, pero lumaban ka pa rin… miss na miss kita mamu! Walang araw na hindi ginustong muli kang makita at makasama. Nagsumikap ako doon upang makaipon para makauwi at makasama ka ulit,” lumuluhang kwento ni Luke.
“Ikaw ang rason kung bakit pinili kong kayanin ang lahat anak. Ikaw ang dahilan ko kung bakit naririto pa rin ako. Umaasa kasi akong isang araw ay muli kitang mayayakap at makikita, hindi nga ako nagkamali.
Ngayon, unti-unti nang napapawi ang mga taong kinuha sa ating dalawa. Mahal na mahal ka ni mamu, anak ko,” puno ng luhang tugon ng binabae.
“Salamat mamu! Mahal na mahal din kita. Ikaw ang nagpakita sa’kin ng tunay na pagmamahal. Kahit hindi mo naman talaga ako kadugo, pero ikaw ang nag-aruga at bumusog ng pagmamahal sa’kin.
Kaya magpagaling ka mamu! Babawi pa ako sa’yo. Ipagmamalaki ko pa sa lahat na ikaw ang mamu ko at ikaw ang nagpalaki sa’kin, kaya bilisan mo magpagaling ha?” Pahayag pa ng binata.
Yumakap nang napakahigpit si Luke sa kaniyang mamu. Yakap na puno ng pagmamahal at pananabik. Para bang unti-unting natabunan ang lahat ng panahon na sa kanila’y nawala.
Unti-unti namang bumuti ang pakiramdam ni Brando noon. Si Luke naman ang nag-aruga sa kaniya at tumulong sa mga gastusin sa ospital. Kung paanong inaruga niya ang batang hindi kaano-ano noon, gayon din siyang inalagaan nito ngayon.
Hindi isinuko ni Brandon ang laban. Natalo niya ang karamdaman at masayang ibinalita na c*ncer free na siya.
“Kung kunin man ako ng Diyos kahit na anong oras, masasabing kong handa na ako. Muli na kasi kita nakasama anak ko. Kinompleto mo ang magulo kong buhay noon. Ikaw ang nagbigay direksyon sa akin.
Ikaw ang nagpatunay na kahit ganito ako, kahit na nilalait ako dahil binabae ako, pero minahal mo pa rin ako. Tinanggap mo akong bilang mamu mo at nirespeto bilang tunay na magulang. Napakaswerte ko sa’yo anak ko,” malumanay na saad ni Brandon.
“Hindi pa pwede mamu, iikutin pa natin ang buong mundo, ‘di ba? Kaya hindi mo pa ako pwedeng iwan. Hindi mo pa nakikita ang mga magiging apo mo sa’kin kaya, kukulitin ko ang Diyos na pahabain pa ang buhay mo.
Pero mamu, ako ang dapat magpasalamat. Kasi ipinagkait sa akin noon ng mga magulang ko ang pagmamahal na dapat sana ay sa kanila galing, pero pinunan mong lahat ng iyon. Lumaki akong maayos at may takot sa Diyos dahil ikaw ang kinagisnan kong magulang.
Kaya sa susunod na buhay, gusto ko ikaw pa rin ang maging mamu ko. Sana ikaw pa rin ang magulang ko. Kasi ikaw ang nagpakita sa akin kung gaano kaganda ang mabuhay sa mundong ito,” paglalambing ni Luke at saka muling yumakap sa kaniyang mamu.
Bawat segundo, minuto at oras ay pinagkasya ng mag-ama upang mapunan ang mga taon na lumipas na hindi sila nagkasama. Nagawa na nilang maglakbay sa iba’t ibang bansa. Pinaayos naman ni Luke ang maliit na negosyo ng ama at pinalakihan pa ito. Ngayon, masayang namumuhay ang mag-ama kasama ang asawa ni Luke at kambal na anak nito.
Minsan, kung sino pa ang mga taong nilalait at inaalipusta ay sila pa palang may kakayahang magmahal nang higit pa sa kayang ibigay ng iba. Minsan kung sino pa ang hindi natin kadugo, sila pa pala ang pwedeng magmahal sa atin at magpahalaga ng sobra-sobra.