Pinagdamutan ng Dalaga ang mga Kapwa Empleyado Niyang Mas Nangangailangan sa Kaniya, Sa Huli’y Sila Pala ang Makakaramay Niya

“Sir, bakit po kulang na naman ang sweldo ko ngayon? Halos wala pa kalahati lang po ang natanggap ko!” inis na pang-uusisa ni Iza sa kaniyang boss.

“Ay, Ms. Iza, hindi ba nabanggit sa’yo ng sekretarya ko?” tanong ng kaniyang boss agad naman siyang umiling, “Naku, pasensya ka na, sa katunayan, mababa kasi ang bigay sa atin ng mas nakakataas, at marami sa mga manggagawa natin ang higit na nangangailangan kaya yung sweldo muna nating dalawa ang pinarte ko sa kanila,” paliwanag pa nito habang inaayos ang ilang papeles ngunit tila mas nag-init pa ang ulo ng dalaga.

“Hindi naman pwede ‘yon, sir! Kailangan ko rin ng pera!” sigaw nito dahilan upang mapatigil ang kaniyang boss sa ginagawa nito.

“Ako rin naman, Ms. Iza, pero aminin natin, may madudukot pa naman tayo, eh. Ang mga manggagawa natin, wala na. Hayaan mo, sa susunod na sahuran naman, maibibigay na sa’yo ang kulang,” pagpapakalma nito sa kaniya.

“Hindi pa rin po ako papayag! Akin na ang sweldo ko! Ikaw ang nakakataas sa amin, hindi ba? Dapat ikaw lang ang magsakripisyo! Dinamay mo pa ako,” bulyaw ng dalaga, napabuntong hininga na lamang ang kaniyang boss dahil sa ugaling kaniyang pinapakita. 

“Kung ‘yan ang prinsipyo mo sa buhay, sige. Ito o, ang sahod ng dalawang empleyado natin. Sila na lang ang pakikiusapan ko,” sambit nito saka inabot sa kaniya ang dalawang sobre.

“Mabuti pa nga!” singhal niya sabay hablot sa sobre saka mabilis na lumisan sa silid. 

Kilala bilang istrikta’t tikom sa pera ang dalagang si Iza. Simula kasi noong pumasok siya sa pinagtatrabahuhan niyang kumpanya ngayon bilang isa sa mga nakatataas, ni isang beses, hindi niya nagawang dumukot sa sariling bulsa upang tulungan ang kanilang mga mangagawa. 

Advertisement

Lalo na ngayong buwang tila unti-unting bumabagsak ang kanilang kumpanya nang dahil sa isang kumakalat na tsismis sa kanilang produkto. Ilang beses siyang pinakiusapan ng kanilang boss na hatiin muna ang kanilang sweldo, ngunit lagi niyang ginigiit na kunin ang kaniyang pera na labis na ikinagalit ng ilan sa kanilang manggagawang walang ni isang sentimong pera.

Noong araw ding ‘yon, agad na umuwi ang dalaga matapos kunin ang kulang sa kaniyang sweldo.

“Nakakainis ‘yan sila! Lagi na lang sweldo ko ang pinagdidiskitahan sa tuwing krisis sa kumpanya! Ano, porket alam nilang may kaya na ako gaganyanin nila ako? Hindi ako papayag, hoy!” inis na inis niyang sambit saka tinabi sa kaniyang damitan ang pera at agad na humiga upang magpahinga.

Ngunit ipipikit niya pa lamang ang kaniyang mga mata, bigla naman niyang narinig na nagsisigawan ang kaniyang mga kapitbahay.

“Mga peste talagang matatanda ‘to, lagi na lang nagsisigawan!” sambit niya saka siya bahagyang sumilip sa bintana upang makita ang nangyayari. Tila nanlambot siya sa kaniyang nakita.

“Iza! Iha! Lumabas ka na d’yan! Nadidilaan na ng apoy ang bubong ng bahay mo!” sambit ng isang matanda, ngunit imbis na lumabas kaagad, agad niyang binuksan ang kaniyang damitan upang isilid sa isang malaking bag ang lahat ng kaniyang pera.

“Hindi ko pwedeng iwan lang ‘to! Pinaghirapan ko lahat ng ‘to. Kaya nga hindi ko ‘to binangko dahil ayokong biglang mawala, tapos masusunog naman ang bahay ko! Nakakainis!” sambit niya habang nagmamadaling kunin ang mga pera nang biglang may bumagsak sa kaniyang mabigat na bagay.

Nagising na lamang siyang nasa ospital na. Nakita niya sa isang sulok ang isa sa kaniyang mga kapitbahay dahilan upang tanungin niya agad ito tungkol sa perang kaniyang iniimis bago siya mawalan ng malay.

Advertisement

“Naku, iha, natupok na lahat ng apoy. Maswerte ka pa’t nailigtas ka ng isang bumbero,” sambit nito, tila nanlumo ang dalaga sa mga narinig.

Halos walang natira sa kaniya ni isang sentimo. Ni hindi niya alam kung paano makakabayad sa ospital dahilan upang humagulgol na lamang siya sa hinihigaan.

Laking gulat naman niyang biglang dumating ang kaniyang boss. May bitbit-bitbit itong mga pagkain at isang sobre.

“Alam kong walang natira sa’yo, kaya ito, nag-ambag-ambag kami ng ating mga empleyado para makapagsimula ka. Pasensiya na’t maliit na halaga lamang iyan,” ika nito dahilan upang lalo siyang maiyak. 

Doon niya napagtanto kung gaano kabuti ang mga tao sa paligid niya habang siya, puro sarili ang iniisip dahilan upang naisin niyang bumawi sa mga ito.

Nang umigi na ang pakiramdam ng dalaga, agad siyang bumalik sa trabaho at ginawa ang lahat upang maipakitang nagbago na siya. Wala man siyang ipong pera, nakaipon naman siya ng kaibigan at pagmamahal mula sa kaniyang mga manggagawa’t boss.

Madalas, natatakot tayong bitawan ang ating pera dahil nga malaki ang posibilidad na mawala itong parang bula, ngunit paano nga ba tayo bibiyayaan pa kung tikom na ang ating palad? Maging mapagbigay tayo sa mas nangangailangan, dahil biniyayaan tayo hindi para sa sarili nating ikabubuti, kundi para sa ikabubuti ng iba.