May Napulot na Pera ang Babae sa Kalsada, Hindi Niya Inasahang May Makakapulot Naman ng Puso Niya

Patungo sa palengke si Mae, 23 taong gulang, upang mamili ng mga sangkap para sa kaniyang lulutuing ulam. May sakit kasi ang kaniyang nanay. Balak niyang magluto ng sinigang na bangus na paborito nito upang makahigop ng sabaw. Isasabay na rin niya ang pagbili ng gamot.

Habang naglalakad, napansin niyang may kulumpon ng nakatuping pera sa kalsada. Agad niya itong pinulot. Lumingon siya sa paligid upang tingnan kung may nakakita sa kaniya. Walang ibang tao sa paligid. Binilang niya ang pera. 3,500 piso. Malaki-laking halaga.

Naisip ni Mae na magagamit niya ang napulot na pera pambili ng gamot ng kaniyang nanay, at pampacheck up na rin. Wala rin namang pagkakakilanlan kung kanino ito. Ibinulsa ni Mae ang pera at nagpatuloy sa paglalakad.

Subalit napahinto siya. Naisip niya, paano kung napakaimportante para sa taong nagmamay-ari nito ang pera? Paano kung ito na lamang ang pera niya? Paano kung suweldo pala ito ng isang tatay na karpintero, o kaya ng service crew na working student, o isang matanda kaya?

Nabagbag ang kalooban ni Mae. Hindi niya maaatim na gastahin ang perang hindi naman kaniya.

Nagdesisyon si Mae na maghintay ng kahit sampung minuto sa lugar na iyon. Baka kasi may bumalik upang hanapin kung saan niya nahulog ang pera niya. Kapag lumipas ang sampung minuto ay wala pa rin, ganap na niyang kukunin ang pera. Marahil ay regalo ito ng langit para sa kaniya.

Sa unang limang minuto ay walang dumating. Naiinip na si Mae. May limang minuto pa siya para maghintay. Maya-maya, isang matandang babae ang tila may hinahanap.

“Lola, ano po ang hinahanap ninyo?” tanong ni Mae.

Advertisement

“Nawawala kasi ang panyolito ko. Bigay sa akin ng aking apo,” sabi ng matanda. Hindi ito ang may-ari ng pera, sa loob ni Mae. Lumagpas na rin ang matanda nang hindi makita ang nalaglag na panyolito.

Sumunod, isang batang lalaki naman ang tila hindi mapakali at panay kapkap sa kaniyang bulsa.

“Anong hinahanap mo bata?” tanong ni Mae.

“Nawawala po kasi yung resibo ng pinamili ko… magagalit ang tatay ko kapag ‘di ko nahanap,” namumutla ang bata.

“May kasama bang pera yung resibo kaya hinahanap mo pa?” tanong ni Mae.

“Ah wala po. Ganoon lang po talaga si Tatay. Gusto niya laging may resibo at patunay,” sagot ng bata. Hindi ito ang may-ari nito, muling naisaloob ni Mae. Umalis na ito nang hindi makita ang hinahanap.

Napabuntong-hininga si Mae. Mukhang wala nang maghahanap ng nawawalang pera. Malapit nang matapos ang 10 minuto. Maya-maya, isang lalaki ang humahangos ang tila naghahanap ng nawawalang bagay. Nakatingin ito sa kalsada.

Guwapo at maganda ang pangangatawan ng lalaki. Medyo naasiwang magtanong si Mae. Baka kung ano ang isipin nito sa kaniya kapag tinanong niyang Anong hinahanap mo? Ako ba? Kinilig nang kaunti si Mae.

Advertisement

“Kuya… hanap mo?” lakas-loob na tanong ni Mae.

Napatingin sa kaniya ang lalaki. Tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Miss sorry maaga pa para diyan…” sagot nito.

Namula si Mae. Sira-ulo ito ah! At napagkamalan pa siyang bayarang babae! Kapal!

“Hoy! Ang kapal ng mukha mo kuya. Hindi ako bayaran! Tinatanong ko kung ano ang hinahanap mo? May nawawala ka bang gamit? Para ka kasing ta*nga diyan,” bulalas ni Mae.

Tila naman natauhan ang lalaki. Humingi agad ito ng paumanhin kay Mae.

“Sorry miss hinahanap ko kasi yung nalaglag kong pera. Pambili ko kasi iyon ng gamot para sa lola kong may sakit. Pasensiya na,” paliwanag ng lalaki.

“Magkano ba?” tanong ni Mae.

“Mga nasa 3,500 pesos. Sakto,” tugon ng lalaki.

Advertisement

Kinuha ni Mae ang napulot na pera at inilapat sa dibdib ng lalaki. Medyo malakas kaya napaurong ito.

“Oh hayan. Pasalamat ka ako ang nakapulot, kung hindi itinakbo na iyan ng iba. Sa susunod kasi huwag burara!” inis na sabi ni Mae. Tumalikod na siya at nagdudumaling naglakad. Hinabol naman siya ng lalaki.

“Miss… miss… sorry naman. Sorry talaga. Hindi ko naman sinasadya yung sinabi ko kanina eh. Salamat pala rito,” paghingi ng pasensya ng lalaki. Huminto si Mae at tinitigan ang lalaki.

Mas gwapo ito sa hitsurang nagsusumamo. Ngumiti ito sa kaniya at tila matutunaw ang puso ni Mae sa magandang ngiti nito. Malalim din ang biloy nito sa kaliwang pisngi.

“I’m Justin nga pala. Siguro para makabawi ako sa iyo, libre kita? Hingin ko na lang cell number mo para kapag available na tayo pareho, meet tayo ulit?”

Ibinigay na lamang ni Mae ang kaniyang cellphone number kay Justin. Kahit nainis siya sa sinabi nito kanina, pakiramdam niya ay hindi naman masamang tao ito.

Ilang araw din silang magkatext hanggang sa maging friends sa mga social media nila. Nagkapalagayan sila ng loob hanggang sa niligawan ni Justin si Mae. Matapos ang ilang linggo, sinagot ni Mae si Justin.

Tumagal ng dalawang taon ang kanilang relasyon hanggang sa maisipan nilang magpakasal na.

Advertisement

“Sinong mag-aakalang magkakakilala tayo dahil sa 3,500 pesos?” nakangiting sabi ni Mae sa asawa.

“Oo nga eh. Buti na lang ikaw ang nakapulot. Salamat ha?” nakangiting sabi ni Justin sa asawa habang tinataniman siya ng maliliit na halik sa pisngi.

“Salamat dahil ako ang nakapulot ng pera mo noon?” tanong ni Mae.

“Bukod doon, salamat kasi ikaw ang nakapulot sa nahulog na puso ko,” natatawang banat ni Justin.

Nagkatawanan ang bagong mag-asawa habang isa-isang nahuhulog sa sahig ang kanilang mga saplot.