Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Lalaki sa Kaniyang Misis dahil sa Hinala; Isang Sikreto ang Mabubuko Niya Nang Komprontahin ang Asawa

Nagalit ang Lalaki sa Kaniyang Misis dahil sa Hinala; Isang Sikreto ang Mabubuko Niya Nang Komprontahin ang Asawa

Napapalatak si Micheal. Hawak niya pa ang strap ng kaniyang bag na nakasukbit sa balikat niya habang naglalakad papalapit sa kanilang bahay. Pagod na pagod siyaʼt galing sa trabaho, pagkatapos, aabutan pa niyang nakikipagngitian ang kaniyang misis sa isang lalaking hindi niya nakikilala kung sino. Ilang araw nang naabutan ni Micheal ang lalaking iyon sa gate ng kanilang bahay habang masayang nakikipag-usap dito si Teresita. Nilulukob na ng paghihinala ang isip niya na ang lalaking ito ay kalaguyo ng kaniyang misis!

Kitang-kita pa niya nang yakapin ni Teresita ang naturang lalaki bago ito umalis at may pahabol pang halik sa pisngi! Isinara naman ng kaniyang asawa ang kanilang gate, pagkaalis na pagkaalis ng lalaki.

Minabuti ni Micheal na tumahimik munaʼt huwag munang komprontahin ang kaniyang misis. Gusto niyang pakiramdaman muna kung may magbabago kay Teresita kayaʼt tiniis niya ang pangangati ng kaniyang dilang komprontahin agad ito.

“Mahal, nandiyan ka na pala.” Nilapitan siya ni Teresita. “Akin na ʼyang bag mo. Magpahinga ka muna,” masiglang anang kaniyang asawa na halata ang pagkaaliwalas ng mukha.

Napailing si Micheal. Hindi naman kasi natural na ganito ang kaniyang asawa. Katunayan ngaʼy nasanay na siyang palaging mainit ang ulo nito sa tuwing uuwi siya, galing sa trabaho. Nasasaktan si Micheal sa isiping masaya ang kaniyang misis sa kalaguyo nito.

Maraming tanong na tumatakbo sa utak niya tulad ng: “Paano sila kung mas piliin ni Teresita ang kalaguyo nito?”

Kinabukasan ay kapansin-pansin pa rin ang pagiging masigla ni Teresita, kayaʼt nasasaktan man ay pinilit ni Micheal na magpanggap na parang natural lang upang hindi ito maghinalang may alam siya sa ginagawa nito.

“Alis na ako, mahal,” paalam ni Micheal sa asawa bago siya pumasok sa trabaho.

Lutang ang utak ni Micheal sa buong oras niya sa opisina. Napagalitan pa siya ng kaniyang boss kanina dahil tulala siya habang nasa kalagitnaan sila ng isang importanteng meeting. Nang makababa si Micheal sa sinakyang taxi pauwi ay natanawan niya agad ang kaparehong lalaking pinaghihinalaan niyang kalaguyo ni Teresita sa gate ng kanilang bahay. Tulad noon ay kausap na naman ito ng kaniyang misis. May iniaabot pa nga ang lalaki kay Teresita… isang regalo.

Doon ay hindi na nakapagpigil pa si Micheal. Dali-dali siyang naglakad upang abutan niya ang dalawa. Galit niyang tinawag ang asawa.

“Teresita! Sino ang lalaking ʼyan? Akala mo ba hindi ko alam na halos araw-araw siyang narito sa atin? Sabihin mo sa akin ang totoo!” nanggagalaiting ani Micheal. Halos magsilitawan na ang ugat sa kaniyang leeg at noo dahil sa galit at namumula na rin ang kaniyang mukha.

Hindi agad nakapagsalita si Teresita, ngunit maya-maya ay nakabawi rin naman agad ito mula sa pagkabigla.

“M-mahal, kumalma ka nga! Mali ʼyang iniisip mo,” kalmadong ani Teresita at lumapit sa kaniya, “halikaʼt sa loob tayo mag-usap.”

Hindi alam ni Micheal kung bakit nagpatianod lang siya habang hinihila siya ni Teresita papasok sa kanilang bahay. Hindi na nga rin niya napansing kasunod pala nilang pumasok ang lalaking pinaghihinalaan niyang kalaguyo nito.

“Hindi mo ba siya nakikilala, Micheal?” bungad na tanong ni Teresita sa kaniya pagkapasok na pagkapasok nila sa kanilang bahay. Itinuro nito ang lalaki.

Kumunot lamang ang noo ni Micheal. Kahit anong isip niyaʼy hindi niya talata makilala ito. Ni hindi ito pamilyar sa kaniyang isipan.

“Sa bagay, maliit ka pa naman noong iwan ko kayo ng mama mo… anak,” anang lalaki na agad na ikinabigla ni Micheal. Nanlaki ang kaniyang mga mata at halos hindi makapaniwalang kaharap niya ngayon ang amang noon ay umabandona sa kanila!

“Ang sabi sa akin ng mama mo, ni ang tingnan daw ako sa litrato ay hindi mo kayang gawin kaya naman minabuti kong huwag na lang magpakita sa tuwing dadalawin kita rito sa inyo. Pero sadyang magaling kang pumili ng mamahalin, anak, dahil napakatalas ng isip ng asawa mo. Madalas pala niyang tingnan ang mga lumang litrato sa bahay nʼyo ng mama mo, kaya naman nang makita niya akoʼy agad niya akong nakilala. Pinakiusapan ko lang siyang huwag na munang sabihin sa iyo ito.”

Mahaba ang paliwanag ng ama ni Micheal ngunit wala na siyang naintindihan pa roon. Tumayo siya mula sa kaniyang kinauupuan at agad na sinunggaban ng yakap ang ama, na ngayon niya lang ulit nakita.

Matagal na niya itong pinatawad, sa totoo lang. Iyon nga lang ay ayaw iyong aminin ng kaniyang utak.

Agad na nagkabati ang mag-amang Micheal at Mang Mikael. Ngayon, ang kailangan na lamang harapin ni Micheal ay ang tampo ng kaniyang misis, dahil pinaghinalaan niya itong may kalaguyo. Iyon palaʼy palihim itong nakikipag-usap sa kaniyang ama upang ihanda ito sa muli nilang pagkikita.

Napagtanto ni Micheal na wala talagang maidudulot na maganda ang kakulangan ng tiwala, pero naniniwala siyang mabilis lang nilang maaayos ang kanilang tampuhan.

Advertisement