Inday TrendingInday Trending
Naabutan ng Binatilyong Ito ang Kaniyang Tatang na May Ginagawang Kalokohan sa Loob ng Kanilang Bahay; Paano Nito Mababago ang Kaniyang Buhay?

Naabutan ng Binatilyong Ito ang Kaniyang Tatang na May Ginagawang Kalokohan sa Loob ng Kanilang Bahay; Paano Nito Mababago ang Kaniyang Buhay?

“Kay tagal naman ng Tatang mong bumalik. Sabi niya’y may kukunin lamang siya sa bahay. Hanggang ngayon ay wala pa. Magsisimula na ulit ang taniman. Baka napaano na iyo,” saad ni Aling Lucia habang inililigpit ang pinagkainan nila habang nasa bukid.

Sila ay pamilya ng mga magsasaka. Nakalakihan na ni Alfred ang pagsasaka dahil parehong gumagawa nito ang kaniyang mga magulang. Masasabing laking-bukid si Alfred at sa gulang na 15 ay mapipintog na ang kaniyang mga braso, batak sa mabigat na paghila ng araro at pagpigil sa kalabaw.

“Ang mabuti pa’y bumalik muna tayo sa bahay anak. Tulungan mo akong magbuhat ng mga kaldero at pinagkainan natin,” utos ni Aling Lucia. Kadalasan kasi, hindi talaga sila bumabalik sa bahay pagkatapos mananghalian; sabak kaagad sa trabaho.

Subalit nang mga sandaling iyon, hindi nila mawari kung bakit nila naisipang umuwi sa bahay, siguro’y nag-alala silang bigla na hindi kaagad bumalik si Mang Temyo.

Nauna nang bahagya si Alfred sa kaniyang nanang. Siya ang may bitbit ng kanilang malaking kaldero, ang malaking buslo na pinaglagyan ng mga ulam, at ang sakong ginagamit nila sa pag-upo sa lupa kapag kakain.

Pagsapit sa kanilang kubol, narinig na ni Alfred ang tila impit na tunog, tila halinghing—hindi sa hayop kung hindi mula sa isang tao, sa isang babae.

“Sino ‘yun?” naitanong ni Alfred sa kaniyang sarili.

Pagkapasok sa loob ng bahay ay narinig ang pagbagsak ng kaldero sa lapag.

Kitang-kita ni Alfred ang lahat: kung paano bumab*yo ang kaniyang tatang sa ibabaw ni Aling Milagrosa, kaibigan pa man din ng kaniyang nanang. Tila mga nahuling pusa ang dalawa na biglang nagkalasan sa isa’t isa, kaniya-kaniyang dampot ng kanilang mga saplot na nasa sahig ng bahay, nagkahalo-halo na.

Sumulak ang dugo sa ulo ni Alfred. Nagdilim ang kaniyang paningin sa kaniyang nasaksihan.

Hindi niya alam kung paano niya nadampot nang mabilis ang kanilang itak. Magkakasunod na unday ng taga ang pinakawalan niya sa kaniyang tatang. Sindak na sindak si Aling Milagrosa, na hindi na nagawa pang magsuot ng pang-itaas. Nagtatakbo ito palabas, at sa malaking pagkagulat ni Aling Lucia, ay nagtaka siya kung ano ang ginagawa ni Aling Milagrosa sa loob ng kaniyang bahay.

“Anong nangyayari sa iyo, Milagrosa? Bakit wala kang pang-itaas? Bakit nanggaling ka sa loob ng bahay namin?”

Subalit hindi na inalintana pa ni Aling Lucia ang mga sagot sa kaniyang mga tanong, nang bumungad sa kaniya ang lalong nakabibiglang eksena sa loob ng kanilang bahay.

Tigmak ng dugo ang mister, at tila demonyo si Alfred sa pagtadtad sa katawan nito.

“Anak! Anak! Itigil mo ‘yan! Anong nangyari? Bakit mo tinataga ang Tatang mo?!” hilakbot na tanong ni Aling Lucia. Niyakap niya si Alfred. Kinuha mula rito ang duguang itak.

“Sila… sila ni Aling Milagrosa…” humihingal na tugon ni Alfred. Saka napagtagni ni Aling Lucia ang lahat; kung bakit nakahubad si Aling Milagrosa, at kung bakit nanggaling ito sa loob ng kanilang bahay.

“Anak, ang tatang mo… dalhin natin siya sa ospital…”

Subalit nakahingi na ng saklolo si Aling Milagrosa, sumugod na ang mga pulis sa kanilang bahay.

“Sino ang tumaga sa biktima?” tanong ng isang pulis.

“Ako! Ako ang tumaga sa asawa ko,” biglang sabi ni Aling Lucia. Napatda si Alfred.

“Nang… anong sinasabi mo…”

“Pin*slang ko ang asawa ko! Ako ang may sala!”

Agad na pinosasan ng mga pulis si Aling Lucia at dinala sa presinto ikinulong.

“Nanang, bakit mo inako ang kasalanan ko? Ako ang gumawa nito kay Tatang. Nagdilim ang paningin ko…” umiiyak na tanong ni Alfred sa kaniyang inang nasa rehas na bakal.

“Anak, matanda na ako. Ayos lamang ako. Menor de edad ka pa lamang at hindi ko kakayanin kapag ikaw ang nabilanggo. Hayaan mo na ko…”

Hindi na malaman ni Alfred kung ano ang gagawin.

Agad na kumalat sa kanilang baryo ang mga nangyari. Iisa ang itinuturong may kasalanan: si Aling Milagrosa.

Kaya naman nang umusad ang kaso, naging saksi si Alfred sa kung ano talaga ang mga naganap sa kanilang bahay. Dulot naman ng kurot ng konsensya, ay umamin naman si Aling Milagrosa sa relasyon nila ni Mang Temyo.

Napag-alaman din na ang tunay na tumaga kay Mang Temyo ay si Alfred. Subalit dahil menor de edad pa lamang siya, hindi pa siya maaaring ikulong. Sa takdang panahon, itinakda ng korte na siya ay kailangang mahatulan ng pagkakakulong sa loob ng 10 taon.

“Anak, huwag kang mag-alala, hindi kita iiwan. Hindi kita pababayaan,” lumuluhang pangako ni Aling Lucia sa kaniyang anak.

Pagsapit ng ika-18 taon ni Alfred ay nakulong na nga siya. Walang mintis si Aling Lucia sa pagdalaw sa kaniya sa bilangguan. Lagi niya itong pinagdadalhan ng pagkain.

Dahil naging mabuting preso si Alfred, isa siya sa mga nagawaran ng parole ng pangulo ng bansa, matapos i-rebyu ang dahilan ng kaniyang pagkakakulong.

“Anak, magsisimula tayong muli. Lilimutin natin ang bangungot ng nakaraan,” saad ni Aling Lucia sa anak.

At bumalik na nga sa pagsasaka sina Aling Lucia at Alfred, ibinaon nila sa limot ang bangungot ng nakaraan, at hinarap ang kanilang buhay nang magaan at masaya.

Advertisement