
Nahuli ng Ginang na Ito ang Dalawang Batang Nangangalakal na Naninilip sa Kanilang Kapitbahay; Sino Kaya ang Sinisilipan ng mga Ito?
Maagang nagwawalis ng kaniyang bakuran si Aling Mildred upang nang sa gayon ay makapag-ehersisyo na rin siya at makapagpaaraw. Pagkatapos magwalis ng mga kalat sa kaniyang bakuran, nagdidilig naman siya ng mga tanim na halaman.
Isang araw, napansin niya ang dalawang batang nangangalakal na tila naninilip sa butas ng dingding ng kanilang kapitbahay. Tantiya niya ay magkapatid ang dalawang ito. Noong una ay hindi ito pinakialaman ni Aling Mildred, subalit nang mapansin niyang araw-araw nila itong ginagawa, ay sinita na niya ang mga ito.
“Hoy! Kaliliit pa ninyo ay kay babastos na ninyo!” asik ni Aling Mildred sa mga bata. Pulasan ang mga ito. Kinatok niya ang may-ari ng bahay, na isang babae pa mandin.
“Naku miss, kung ako sa iyo ay tatakpan ko ang butas sa dingding ng bahay mo. Sinita ko ang tatlong batang naninilip sa iyo,” sabi ni Aling Mildred sa babaeng kapitbahay.
“Naku talaga po ba? Maraming salamat po, Aling Mildred. Sige po, tatapalan ko na lang po.”
Subalit hindi ito nagawa ng babae dahil siguro abala o nakalimutan.
Nang sumunod na araw ay muling nakita ni Aling Mildred na sumisilip-silip sa butas ang dalawang bata. Pawang marurusing. Ang isa, na parang bunso, ay kumakain pa ng ice cream na nasa stick. Dahan-dahan siyang lumapit sa mga ito. Nagulat ang mga ito nang bigla niyang hawakan sa damit ang mga ito.
“Bakit kayo naninilip ha? Mga bata pa lang kayo mga ganyan na kayo!”
“Ale, hindi po kami naninilip. Nakikinood lang po kami sa telebisyon!” katwiran ng isa.
“Nakikinood ha? Sige nga, tingnan ko,” sabi ni Aling Mildred. Sinilip niya ang butas na tinitingnan ng mga bata. Sakto ngang panoorin sa telebisyon ang bubungad sa mga mata ng sinumang sisilip dito. Tila nanonood ang babaeng may-ari ng bahay ng cartoons.
Nakaramdam naman ng awa si Aling Mildred sa mga batang nakikinood.
“Bakit kasi kailangan pa ninyong sumilip sa butas? Paano kung iba ang nakakita sa inyo, baka kung ano ang isiping malisya. Ako nga eh, akala ko sinisilipan ninyo yung babaeng may-ari ng bahay na ito,” tanong ni Aling Mildred sa mga bata.
“Eh kasi po wala po kaming TV sa bahay,” simpleng sagot ng isa sa mga bata.
Lalong nakaramdam ng habag sa mga bata si Aling Mildred. Nanumbalik sa kaniyang alaala ang panahon ng kaniyang pagkabata. Noon, nakikitira lamang sila sa kaniyang masungit na tiyahin. Nagagalit ito kapag binubuksan niya ang telebisyon upang manood.
“Sinong may sabi sa iyong puwede kang magbukas ng telebisyon dito sa pamamahay ko? Huwag na huwag kang gagalaw ng mga gamit ko na hindi nagpapaalam sa akin, naiintindihan mo ba?” naaalala ni Aling Mildred na sabi ng kaniyang tiyahin noon.
“Opo pasensya na po, tita. Hindi na po mauulit.”
“Constancia, pagsabihan mo nga ang anak mong si Mildred na huwag pakialamera sa mga gamit ko. Kayo na nga lang itong nakikitira sa akin, ganyan pa ang mga ugali ninyo.”
Tinandaang maigi iyon ni Aling Mildred kaya naman nagsumikap siya na makaalis sila sa bahay na iyon ng kaniyang tiyahin.
Hindi man sila naging napakayaman, masaya siya dahil nagawa nilang bumukod, at walang sinuman ang sumisita sa kanila sa mga nais nilang mangyari sa loob ng kanilang pamamahay. Walang nakabantay. Walang mga matang nakamanman sa kanilang mga kilos, na para bang anumang oras ay may kukunin o nanakawin sila.
“Sige ganito na lang mga bata, may ibibigay na lamang ako sa inyong lumang TV. Pero sana ingatan ninyo ha?”
“Talaga po?” at namilog ang mga mata ng dalawang bata na magkapatid pala.
“Oo, pero ang tanong ko muna, may kuryente ba sa bahay ninyo?”
“Meron po kaya lang wala po kaming TV,” sagot ng isa sa mga bata.
“Sige, magpunta kayo sa bahay at nang makapagmeryenda rin kayo. Mukhang gutom na kayo eh.”
Habang inihahanda ang lumang TV na ibibigay sa mga bata ay binigyan niya ng tinapay ang mga ito. Sarap na sarap naman ang mga ito sa libreng pagkaing idinulot niya.
Maya-maya, inilabas na niya ang lumang TV. Maliit lamang ito subalit gumagana pa.
“Oh heto na ang pamana ko sa inyo, ha. Ingatan ninyo ito. Gumagana pa ito, huwag kayong mag-alala. Ito ang kauna-unahang telebisyong nabili namin noong bata pa lamang ako,” bilin ni Aling Mildred. Isinaksak niya ang kurdon ng telebisyon sa outlet at umandar nga ito.
“Opo, ale! Iingatan po namin ito. Maraming-maraming salamat po!” tuwang-tuwang pasasalamat ng isang bata sa kaniya. At dahan-dahan na nga nila itong binuhat pauwi.
Masayang-masaya ang puso ni Aling Mildred.
Kaya naman araw-araw, hindi na siya namomroblema sa kaniyang ulam, dahil lagi siyang pinagdadalhan ng mga batang ito ng gulay tulad ng malunggay, kamatis, sibuyas, kangkong, at talbos ng kamote na tanim daw nila sa kanilang bahay.