Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Binatang Ito nang Malamang Lumang Anting-anting ang Pamana sa Kaniya ng Matanda, Hindi nga ba Siya Paborito Nito?

Nagalit ang Binatang Ito nang Malamang Lumang Anting-anting ang Pamana sa Kaniya ng Matanda, Hindi nga ba Siya Paborito Nito?

“O, ito, may iniwang tseke si Lolo Cardo sa inyo, Carlo at Juan, huwag niyo raw iyang gagastusin sa walang kabuluhan, ha? Kabilin-bilan niya sa akin bago siya mawalan ng hininga, gamitin niyo raw ‘yan para makatungtong kayo sa kolehiyo,” sabi ni Tinay sa kaniyang mga pamangkin saka iniabot ang tsekeng iniwan ng ama para sa mga batang ito.

“Totoo ba ‘to, tita? Isang daang libong piso? Diyos ko! Makakapag-enroll na ako sa pangarap kong eskwelahan sa darating na pasukan!” masiglang sagot ni Carlo habang nagtatatalon pa.

“Ako naman, ipangpupuhunan ko ‘to sa naiisip kong negosyo! Hulog talaga ng langit si lolo!” mangiyak-ngiyak na segunda naman ni Juan.

“Ano kayang pakiramdam na maging isang paboritong apo? Mabuti pa kayo may minana sa matandang ‘yon,” sabat ni Gelo habang pinagmamasdan kung gaano kasaya ang mga pinsan sa natanggap na pamana mula sa matanda.

“Hoy, nagtampo ka naman kaagad sa lolo mo, hijo! Ito, o, iniwan niya sa’yo ang pinakamamahal niyang anting-anting! Tiyak, maliligtas ka nito sa kung ano mang kapahamakan!” wika ng kaniyang tiyahin saka dali-daling iniabot sa kaniya ang naturang anting-anting na ikinakunot ng noo niya.

“Aanuhin ko naman ‘yan, tita? Pagtatawanan pa ako ng mga tropa ko kapag nakita ‘yan, eh! Kahit kailan talaga, hindi ako tinuring na apo niyang matandang ‘yan!” sigaw niya rito saka agad na umalis harapan ng mga ito nang hindi man lang pinansin ang pamana ng matanda.

Simula pa lang nang magkamuwang sa buhay ang binatang si Gelo, pansin na niyang hindi siya ang paboritong apo ng kaniyang lolo. Bukod sa siya na ang palaging sinesermunan nito tuwing nag-aaway silang tatlong magpipinsan kahit hindi siya ang may kasalanan, siya pa ang palaging hindi nito nabibigyan ng regalo tuwing Pasko.

Palagi pang sabi nito, “Ay, pasensya ka na, nakalimutan kitang bilhan ng regalo. Sa bagay, hindi ka talaga dapat binibigyan ng regalo dahil matigas ang ulo mo,” na labis niyang dinamdam dahilan para siya’y magtanim ng sama ng loob dito na nadala niya hanggang sa pagtanda.

Sa katunayan, nang mga araw na patuloy nang nanghihina ang matanda, ni hindi niya ito nagawang alagaan. Kahit hanapin siya nito o tawagin, siya’y nagtatago o kung hindi naman, nagbibingi-bingihan.

Lalo pang sumama ang loob niya rito nang araw na ‘yon. Sa sobrang galit at inggit na naramdaman niya dahil nga anting-anting lang ang iniwan nitong pamana para sa kaniya, nasira niya ang pintuan ng kaniyang silid dahil sa labis na pagdadabog.

“Talaga bang wala akong halaga sa bahay na ‘to? Bakit gan’yan ka sa akin, ha?” sigaw niya na tila ba kausap ang matanda.

Mayamaya, pumasok ang tiyahin niya sa kaniyang silid upang siya’y silipin. Nang makita nitong kalmado na siya, nilagay lang nito sa lamesa ang anting-anting saka agad na lumabas ng silid.

“Itapon mo na lang ‘yan, tita, hindi naman ako mapapag-aral niyan!” sigaw niya rito.

“Paano ka nakakasigurado? Tingnan mo kaya sa internet ang presyo ng angking na ‘yan,” sagot nito na ikinagulat niya dahilan para dali-dali niya itong hanapin sa internet.

At halos lumuwa ang mata niya nang malamang bukod sa antigo ang anting-anting na ito, nagkakahalaga pa ito ng halos isang milyong piso.

“Totoo ba ‘to, tita? Baka peke naman ‘to!” pag-aalinlangan niya pa habang panay ang sipat sa anting-anting.

“Totoo ‘yan! Gusto kasing makabawi sa’yo ng lolo mo. Alam niyang nasasaktan ka niya dati dahil palagi siyang pumapabor sa dalawa mong pinsan. Bago siya tuluyang mawala, lagi ka niyang hinahanap dahil gusto niyang humingi ng tawad at personal na maibigay ito sa’yo. Gusto niya ring sabihing ikaw ang pinakapaborito niyang apo bago siya sumama sa Panginoon,” paliwanag ng kaniyang tita na talagang kaniyang kinaluha.

Dahil doon, nagdali-dali siyang dumalaw sa puntod nito. Mangiyak-ngiyak siyang humingi ng tawad dito at labis na nagpasalamat.

“Pasensya ka na, lolo, ha? Nagtanim ako ng galit sa’yo kaya hindi kita nagawang maalagaan bago ka mawala,” iyak niya rito.

Hindi kalaunan, tuluyan niya ngang ibinenta ang anting-anting na iyon. Ginamit niya ang pera upang makapagsimula ng isang maliit na grocery store at bigasan na kaniyang pinapalakad habang siya’y nag-aaral.

Napagdesisyunan niya ring magbigay tulong sa isang home for the aged at tuwing araw ng Linggo, siya’y nagboboluntaryong tumulong mag-alaga ng mga matatanda rito.

Hindi man niya nasulit ang mga nalalabing araw ng mapagmahal niyang lolo noon, alam niyang napapangiti niya ito dahil sa kabutihang kaniyang ginagawa ngayon.

Advertisement