Inday TrendingInday Trending
Isang Sindikato ang Nagpalaki sa Akin

Isang Sindikato ang Nagpalaki sa Akin

Simula’t sapul alam ni Brix na ang nagpalaki sa kanya na si Mang Rudy ay hindi nya tunay na ama. Magmula kasi ng magkaisip ang binata ay pinamukha na sa kanya nito na hindi sila magkadugo. Hirap man dahil sa pakikitungo sa kanya ng ginoo si Brix ay pilit niyang inilalapit ang kanyang luob sa ama-amahan. Dahil hindi niya kilala ang kanyang mga magulang ay wala na siyang ibang magagawa kundi pakisamahan ito.

Kahit kasi masama ang ugali nito lalo pagdating sa kanya, hindi naman ito nagkulang ng pagbibigay sa kaniya ng kanyang mga pangangailangan. Nag-aaral siya, nakakakain ng tama sa oras at higit sa lahat ay may natitirahang bahay.

Binuhay ni Mang Rudy si Brix sa pamamagitan ng pagsama sa mga operasyon ng sindikato. Ayon nga sa mga bulung-bulungan ng kanilang mga kapitbahay maging si Brix ay nakuha lamang ni Mang Rudy mula sa pagnanakaw nito. Ang sabi ng iba ay hindi na naibigay pa ang bata kahit na nakuha na nila ang hiningi nilang pera mula sa pamilya ng binata dahil alam nilang matutunton na sila ng mga pulis.

Ang sabi naman ng iba ay naloko daw si Mang Rudy ng dating kinakasama at ninakaw niya ang anak ng mga ito bilang ganti. Tanging si Mang Rudy lamang ang nakakaalam ng katotohanan.

Kahit anong pagtatanong ang gawin ni Brix ay ito lamang ang tanging sagot ng ginoo.

“Paniwalaan mo kahit ano sa mga naririnig mo. Wala akong pakialam,” sambit ni Mang Rudy. Kaya hindi na muling nagtanong pa si Brix.

Isang gabi ay narinig ni Brix na may kausap ang kanyang ama sa telepono nito.

“Sige, pare, sasama ako. Nanginginig na rin ako sa yabang n’yang intsik na ‘yan. Akala mo kung sino makaasta. Wala pa sa patakaran ang sanglaan nila. Gusto ko ring makaganti,” gigil ngunit pabulong na wika ni Mang Rudy.

Nakita ni Mang Rudy na nakikinig ng palihim si Brix.

“Anong pinapakinggan mo? Wala kang tamang asal, bata!” sambit ng ginoo.

“T-tay, baka pwedeng sumama ako sa inyo d’yan. Kahit look out lang! Kayang kaya ko naman ‘yun!” giit ni Brix.

“Tumigil ka nga. Ni hindi mo nga mapagtanggol ang sarili mo sa kalampahan mo, gusto mo pang sumama sa amin. H’wag na baka ipahamak mo pa kami!” bulyaw ni Mang Rudy.

Natigilan si Brix sa kanyang pagsasalita. Kahit na tila sanay na sya sa masasakit na salita na binibitawan sa kanya ni Mang Rudy ay hindi niya maalis na masaktan pa rin ang kanyang damdamin.

Kaya ganoon na lamang ang kanyang pagpupurisge upang kahit paano ay mag-iba ang tingin sa kanya ng taong nagpalaki sa kanya. Naisip niya na sa ganitong paraan ay matututunan din siyang mahalin ni Mang Rudy at mag-iiba na ang pagtrato nito sa kanya.

Napagdesisyunan niya na kahit na sinabihan na siya ni mang Rudy na huwag makialam sa gagawin nilang pagnanakaw ngayong gabi ay nagpunta pa rin siya sa tagpuan ng mga ito.

“Rudy, anong ginagawa ng bata mo dito? Anak ng teteng baka sumabit tayo niyan!” sambit ng isang lalaki.

“Anak ng tokwa naman, Brix. Tanga ka ba o sadyang bobo? Hindi ka ba marunong makaintindi na hindi ka pwede dito?” galit na sambit ni Mang Rudy.

“Pero ‘tay, kaya ko po ang ginagawa niyo. Titimbrehan ko kayo kapag nariyan na ang mga pulis,” giit ng binata.

“H’wag ka nang makialam dito. Umuwi ka na! Hindi para sa iyo ang trabaho na ito! Huwag mong sirain ang diskarte namin! Kahit kailan ay wala ka talagang silbi. Simpleng direksyon hindi ka makaintindi! Umuwi ka na!” kitang-kita sa mata ni Mang Rudy ang galit.

Dahil ayaw ni Brix na umuwi at nagpipilit pa rin siyang sumama sa gagawing pagnanakaw ng grupo ng ama-amahan ay napilitan na lamang ang mga ito na hindi ituloy ang plano. Pagkauwi nila sa bahay ay isang sapak ang inabot ni Brix kay Mang Rudy.

“Pinahiya mo ako! Ang hina ng kokote mo! Hindi ba sabi ko sa’yo manatili ka dito at huwag kang makialam. Pero ano ang ginawa mo? Nagpunta ka ro’n at nagmamalaki ka pa! Hangal ka!” halos malagutan ng ugat sa leeg si Mang Rudy sa pagkakasigaw nito dahil sa tindi ng galit.

“‘Yan ang naman ang mahalaga sa inyo. Iyang inaalagaan niyong imahe. Ang gusto ko lang naman ay magkasilbi sa inyo nang sa gayon ay baka ituring nyo akong isang tunay na anak!” bulalas ni Brix.

“Bakit kasi hindi nyo na lang ako ibalik sa tunay kong mga magulang. Bakit kasi ninakaw niyo ako sa kanila. Ninakaw nyo na rin ang masayang buhay na mayron dapat ako. Ngayon narito ako at miserable!” dagdag pa ng binata habang umiiyak sa galit.

“Kayo ang walang puso! Kayo ang walang kaluluwa! Kayo ang walang silbi! Napakasama niyong tao!”

“Tumigil ka na, Brix, wala kang alam. Tama na ‘tong usapan na ito. Sa susunod ay huwag kang makialam sa akin!” sigaw ni Mang Rudy.

“Wala kang kwentang tao! Wala kang kaluluwa, masahol ka pa sa demonyo!” muling sambit ng binata.

“Tumigil ka na sinabi! Gusto mong ibalik kita sa mga magulang mo? Sige! Dapat nga ay pinabayaan na kita sana ay hindi mo na inabot ang edad mo ngayon!” hindi sinasadyang sambit ni Mang Rudy.

“Sinama ako ng isang kaibigan ko sa isang sindikato. Ang akala ko noon ay aakyat lamang kami ng bahay. ‘Yun pala ay ihahatid namin ang mga batang pinagbili ng mga magulang nila sa mga taga-ibang bansa. Ginagamit nila ang mga sanggol para sa isang eksperimento. Walang puso ang mga magulang mo. Halos ibigay ka na lang sa amin dahil malaki ka raw pagkakamali. Bonus na lamang sa kanila na nakatanggap sila ng malaking pera.”

“Hindi ko maintindihan kung bakit habang tangan kita ay hindi ka umiiyak. Dahil siguro sa mura mong isipan ay hindi mo batid ang panganib na nag-aabang sa’yo. Hindi ko maatim na sa mga kamay ko huli mong mararanasan ang iyong huling hininga, kaya ginawa ko ang bagay na pinaka naglagay sa akin sa alanganin. Itinakas kita at iniuwi,” pag-amin ni Mang Rudy.

“Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa’yo! Ano bang alam ng isang sindikato sa pagpapalaki ng isang bata upang hindi niya maging katulad? Iyan ang dahilan kung bakit ayaw kong mapalapit ka sa akin dahil hindi ko na matalikdan ang nasimulan kong masamang gawain. Ilalagay ko sa alanganin ang buhay natin kapag umalis ako sa grupo. Ayaw kitang mapahamak, Brix. At kung ako naman ang mapahamak, ayokong maging malungkot ka sa pagkawala ko. Kaya hindi ko nais na maging malapit tayo sa isa’t isa,” dagdag pa ng ginoo.

Laking gulat ng binata sa lahat ng kanyang narinig. Ni sa hinagap ay hindi niya alam na sa matigas na puso pala ni Mang Rudy ay mag natatago itong pagmamahal sa kanya. Wala na siyang nagawa pa kundi yakapin ang taong nagpalaki sa kanya.

“‘Tay, maraming salamat! Salamat sa pagmamahal mo sa akin. Alam kong mahal na mahal mo ako. Patawad!” umiiyak na wika ni Brix.

Hindi na napigilan pa ni Mang Rudy na yakapin pabalik ang binata. “Sana naiintindihan mo ako. Patawarin mo ako sa lahat ng pagkakataon na minaliit kita at pilit kong inilalayo ang sarili ko sa’yo. Mahal kita na parang nanggaling ka sa akin. Tandaan mo ‘yan,” bulong ng ginoo.

Dahil sa pangyayaring ito ay pinilit ni Mang Rudy na umalis na sa masamang gawain. Nilisan nila ang kanilang lugar at nagpakalayu-layo at nagsimula muli ng bagong buhay. Sa pagkakataong ito ipinakita na siya ang kanyang pagmamahal sa nag-iisa niyang anak na si Brix.

Advertisement