Inday TrendingInday Trending
Kung Hindi Medalya, Ano?

Kung Hindi Medalya, Ano?

“Sa totoo lang, ayaw talaga kitang kasamang mag-apply ng trabaho. Palagi kasi akong naho-hopia kapag ikaw ang kasabay ko,” malungkot na wika ni Jenny.

“Uy! ito naman! Alam ko naman na magaling ako at mas maganda rin sa’yo pero wala ‘yun. Talagang swerte lang siguro,” matining na sagot ni Dianne sa kaibigan.

“Totoo naman, ang dami nang tumatanggap sa’yo na kompanya bakit hindi mo pa kuhanin? Sayang lang oras mo sa paghahanap kung mayroon naman na. Kung ako ‘yan nag-umpisa na kaagad ako,” wikang muli ni Jenny sa kaniya.

“Ayan ang mahirap sa mga bobang katulad mo, Jenny, e!” mabilis na nasabi ni Dianne.

“Ay sorry, ang ibig ko sabihin, ayan ang hirap sa mga gusto lang magkatrabaho. Dapat tayo ang namimili, hindi sila ang namimili ng trabaho para sa atin. Hindi ko pa nakikita ‘yung “the one” na trabaho para sa akin kaya nag-a-apply pa rin ako,” mabilis din niyang dagdag dito.

Hindi na sumagot pa si Jenny sa kaniya at bumuntong hininga na lamang ito. Magkaklase at magkababata ang at dahil magkapitbahay lamang ito ay napagpasyahan nilang magsabay na sa paghahanap ng trabaho. Noong una ay masaya si Jenny dahil mas marunong si Dianne sa mga lugar na pinupuntahan nila at hindi rin siya natatakot na magpasa sa iba’t-ibang opisina dahil palagi siyang may kasama.

Kaya lamang, napapansin niyang si Dianne lamang ang palaging natatanggap sa kanilang dalawa. Pakiramdam niya’y nasasapawan siya ni Dianne dahil sa ganda nitong mag-ayos. Nawawala ang kompyansa niya sa sarili.

“Iinisin lang kita, tutal palaging sinasabi ng mga kapitbahay natin na mas matalino ka. Ano ka ngayon na walang tumatanggap na trabaho sa’yo?” isip-isip ni Dianne habang naglalagay ng foundation sa kaniyang mukha. Palaging nakukumpara ang dalawa dahil mas maramimg medalya si Jenny palagi kaysa sa kaniya.

“Bakit, hija? Sa tingin mo ba siya ang dahilan kung bakit hindi ka natatanggap sa trabaho?” singit ng isang lalaki na may edad na rin ngunit mukhang naghahanap pa rin ng trabaho.

“Ha? A, opo,” gulat ngunit mabilis na sumagot si Jenny sa lalaki.

“Hello, sir, nag-apply ka rin ba? Naku, baka hindi ka matanggap niyan. Matanda ka na, mga bata ang mas nakukuha ngayon,” singit naman kaagad ni Dianne.

“May experience naman ako,” natatawang sagot ng lalaki.

“Hay naku, kahit pumusta pa kayo. Anim tayo ngayon dito, ako lang ang matatanggap,” mayabang na sagot ni Dianne saka niya inayos ang kaniyang paldang hapit na hapit sa kaniya.

“E ano ba sa tingin mo ang mayroon ka? Ba’t ikaw ang matatanggap sa atin?” baling ng lalaki at mukhang nainis ito sa yabang ni Dianne dahil sa tono ng kaniyang pagtatanong.

“Lahat ng mga trabaho, napag-aaralan ‘yan. Kayang-kaya ko ‘yan, pero ‘yung personal appearance, ganyan. Ako lang ang mayron nun! Kahit ‘yang si Jenny ay matalino lang, pero walang kasing lakas na aura ko, walang dating. Matagal ko nang sinasabi sa pamilya ko na ang mga honor at medal ay sa school lang pero sa labas at sa trabaho, ganda ang nauuna. Itsura ang unang huhusgahan, kaya kayong mga pangit? Huwag na kayong umasa,” walang awat na sinabi iyon ni Dianne. Masamang-masama ang tingin sa kaniya ni Jenny.

“Hayaan niyo na po ‘yan,” mahinahong pamamagitan ni Jenny sa dalawa at baka mag-away pa ito.

Hindi na nag-usap pa ang tatlo at hinintay na lamang matapos ang proseso para sa araw na iyon. Alam na rin naman ni Jenny na hindi siya matatanggap dahil mukhang tama si Dianne sa kaniyang sinabi. Hindi niya kailanman magagamit ang kaniyang medalya sa paghahanap ng trabaho.

“Jenny Velasquez, you are hired,” wika ng lalaki sa kaniyang likuran. Mabilis na napalingon si Dianne sa kaniyang narinig.

“F*ck,” bulong kaagad ni Dianne.

“Wow, ano ‘yan? Lakas mo mag-joke manong ha,” sabi ni Dianne nang makita niya ang lalaking nagsalita ay ang kasamahan lang din nila kanina.

“Alam mo, Dianne, may tama ka. Hindi nagagamit ang medalya sa paghahanap ng trabaho dahil kaya naman matutunan ang lahat ng bagay. Ngunit alam mo kung saan ka nagkamali? Hindi pisikal na kaanyuan ang hanap namin, kung ‘di ang ugali. Ugali ang tinitingnan namin sa isang aplikante. Dahil ang talino, husay at trabaho ay kayang maituro ngunit ang ugali ng tao ay hindi. Napakagaspang ng ugali mo, balat sibuyas ka rin dahil magaling kang magpanggap sa mga interview ngunit noong tayo-tayo na lamang ang nag-uusap ay lumabas ang tunay mong ugali na hindi ko nagustuhan,” pahayag ng lalaki.

Hindi nakapagsalita si Dianne at ramdam niyang lumalaki ang kaniyang ulo na parang sasabog sa sobrang kahihiyan. Tsaka niya nalaman na HR head pala ang nakausap at nakatabi nila kanina. Nagkunwari lamang ito para makita niya ang tunay na ugali ng mga aplikante.

Ngayon ay assitant marketing manager na si Jenny samantalang si Dianne ay cashier naman sa isang pamilihang malapit sa kanila. Tinamaan daw ng karma o malas si Dianne dahil walang nang tumanggap na trabaho sa kaniya pagkatapos ng araw na iyon.

Bago ang lahat, unahin ang pagpapa-iral ng magandang asal. Tiyak na malayo ang mararating mo kung isa kang mabuting tao.

Advertisement