Inday TrendingInday Trending
May Kakaiba sa Dormitoryong Inuupahan ng Dalaga; Isang Malaking Misteryo Pala ang Mabubunyag

May Kakaiba sa Dormitoryong Inuupahan ng Dalaga; Isang Malaking Misteryo Pala ang Mabubunyag

Nangungupahan si Joanna sa isang lumang dormitoryo noon sa Maynila. Bago lamang siya noon kaya’t wala pa siyang alam sa lugar at buhay roon.

Luma ang dormitoryo at may nakakatakot na pakiramdam, pero maganda naman ang looban at mura kaya pumayag na rin si Joanna.

“Hi! Bago ka rito?” tanong ng babae sa kwarto.

“H-hello! ‘Di nila nasabi na may makakasama pala ako rito sa kwarto. Pero buti na ‘yun at least hindi ako matatakot,” biro ni Joanna.

“You can call me Ate Kelsy. Sure kasi akong mas matanda ako sa’yo,” nakangiting sabi ng magandang dalaga.

“Joanna. Nice meeting you, Ate Kelsy!”

Naging komportable naman ang unang araw at gabi para kay Joanna. Mukhang hindi rin naman nakakatakot ang dormitoryo gaya ng mga kwento-kwento ng iba.

Subalit noong pangatlong araw, doon naranasan ni Joanna ang mga kababalaghan. Hindi niya inaasahang makakaramdam siya ng matinding takot sa buong buhay niya.

Alas tres ng madaling araw na noon, pero hindi pa rin dinadapuan ng antok si Joanna. Hindi niya maipaliwanag kung bakit ba balisa siya at pakiramdam niya’y may mga matang nakatingin sa kaniya.

“Mas mabuting ipikit ko na lang ang mga mata ko, baka sakaling makatulog ako,” bulong ng dalaga.

“Tulong…” tila ba may mahinang tinig siyang narinig, ngunit sa isip niya’y guni-guni lamang siguro iyon.

“Tulungan mo ako!” muli na naman niyang narinig. Pero pinili ni Joanna na ‘wag intindihin. Baka niloloko lang siya at tinatakot ng roommate.

“Joanna…”

“Ate Kelsy naman e, tina-try ko na ngang matulog tapos mananakot ka pa,” may pagkairitang sabi ng babae.

“Tulong…”

“TULUNGAN MO AKO!!!” nanindig ang lahat ng balahibo si Joanna nang parang bang isinigaw mismo sa tenga niya ang mga salitang iyon.

Napabalikwas siya at saka napatingin sa kasama na tulog na tulog na pala ng mga oras na iyon. Nagtalukbong ng kumot si Joanna ngunit damang-dama niya ang biglaang paglamig na paligid.

Nasa pagitan na ng pagkahimbing si Joanna nang maramdaman niya ang sunod-sunod na yabag sa tabi niya. Tila ba nananakbo ito papalapit sa kaniya. Napapigil siya ng hininga dahil hindi na niya ang ang kasunod na mangyayari.

Nakarinig siya ng malakas na pagkalabog sa tabi na hindi maipaliwanag nang biglang may humawak sa kaniya at humugot ng kumot.

“Joanna! Joanna!”

Napasigaw si Joanna at saka napabangon.

“A-ate Kelsy…”

“Binabangungot ka ata. Gusto mo ba ng tubig?” alok ng dalaga habang pinipispisan ang likod ni Joanna.

Hindi maipaliwanag ni Joanna pero alam niyang gising siya at hindi panaginip lamang ang lahat.

“Ate Kelsy, wala ka bang ibang nararamdaman rito?” tanong ng dalaga.

“Ano ibig mong sabihin?”

“Kung may nakakatakot ba o ano?”

“Wala naman. Maraming kwento tungkol sa dormitoryo na ‘to, pero tanging tayo lang naman ang makakaalam kung totoo ba o hindi.

Pero may chismis noon na may nagpaparamdam daw, simula nung may isang boarder na biglang nawala. Ang sabi, nakipagtanan daw. Pero sigurado ako na hindi,” kwento naman ni Kelsy.

Lumabas saglit si Joanna upang bumili ng pagkain nang makasalubong niya ang caretaker doon na si Mang Nestor.

“Kumusta, Joanna? Okay ka ba sa kwarto mo?” bati ng lalaki.

“Opo, Mang Nestor. Komportable naman po,” sagot ni Joanna. “Ay, Mang Nestor, siya nga po pala, ano po ang nangyari daw doon sa boarder na nawala noon? Nahanap na po ba siya?”

Gulat na gulat ang lalaki. “S-sinong nagsabi sa’yo niyan?”

“Si Ate Kelsy po.”

“Ikaw talaga. Mapagbiro kang bata ka,” pilit na ngumiti ang lalaki at saka umalis.

Magmula ng araw na iyon, napansin ni Joanna na palaging masama ang tingin sa kaniya ng lalaki at iba ang pakiramdam niya rito.

Nagpaalam si Kelsy na hindi raw ito uuwi upang tapusin ang project sa bahay ng kagrupo kaya matutulog si Joanna mag-isa nang gabing iyon.

Nilakasan na lang ni Joanna ang loob at saka nagpatugtog hanggang makatulog. Naalimpungatan siya nang makitang kumikislap-kislap ang ilaw.

“Tulong…” narinig niyang muli ang boses ng isang babae.

Napalunok si Joanna at napasigaw nang makita niyang nakatayo sa ulunan niya ang isang babaeng basang-basa habang nakasuot ng puting damit.

Gumulong pababa ng kama si Joanna sa sobrang takot.

“Tulungan mo ako,” iyak ng white lady na nakatalikod sa kaniya.

Kitang-kita ni Joanna kung paano tumagos sa pader ang babae. Tumayo si Joanna at natanaw niya sa binatana na nakatayo ang babae sa pintuan kung saan nakatira si Mang Nestor.

Sa lugar na iyon nakatayo ang babae at parang bang may itinituro sa loob at saka biglang naglaho.

Kinabukasan may kung anong nagtulak kay Joanna na magtungo sa tinitirahan ni Mang Nestor. Kumatok siya ngunit walang tao. Pinihit niya ang pinto at biglang bumukas.

Alam niyang mali, pero pumasok siya. Kakaiba ang pakiramdam niya doon at hindi nga siya nagkamali.

Biglang nagbukas ang pintuan sa likurang bahagi ng bahay ni Mang Nestor. Nagtungo si Joanna doon at nakita ang isang malaking blue na drum.

Kumakabog ang kaniyang dibdib na lumapit doon. Masangsang ang amoy at marami ring langaw. Dahan-dahan niyang inangat ang takip at lalong sumingaw ang mabahong amoy.

Muntikan na siyang mapasigaw nang makitang may katawan ng babae na nakababad sa tubig. Tinakpan niya ang bibig at halos maduwal. Nakita rin niya ang mga bote ng formalin na nakakalat roon.

Tinakpan ni Joanna ang drum at saka mabilis na tumakbo palayo. Lumapit siya sa presinto at nagsumbong sa mga pulis sa nakita.

Kasama niyang nagtungo ang mga pulis doon. Gulat na gulat si Mang Nestor na may search warrant doon. At doon, natimbog ang ginawang kawalanghiyaan noon ng caretaker.

Nagtungo naman si Joanna sa kwarto niya upang ayusin ang mga gamit nang makita niyang nakaupo si Kelsy.

“A-Ate Kelsy… alam mo na ba ang nangyari?”

Tumingin lang si Kelsy at ngumiti. Napatingin naman si Joanna sa braso ng dalaga. Naalala niya ang detalye ng babaeng nasa loob ng drum. Ang pulseras na suot ng babae doon ay ang parehong pulseras na suot din ni Kelsy ngayon.

“I-ikaw… yung babae… sa…” nauutal-utal na sabi ni Joanna.

“Ako nga Joanna,” lumuluhang sabi ni Kelsy.

Napaiyak naman si Joanna ngunit kahit papaano’y magaan ang loob niya na nabigyan na ng hustisya si Kelsy.

“Maraming salamat, Joanna…”

“Magpahinga ka na, Ate Kelsy. Tapos na ang paghingi mo ng katarungan,” nakangiting sabi ni Joanna habang may mga luha sa mata.

Ngumiti si Kelsy sa huling pagkakataon at saka biglang naglaho sa hangin.

Umamin naman si Mang Nestor na siya ang salarin sa nangyari sa dalaga. Ginawa niya itong preso sa tinitirahang bahay at paulit-ulit na pinagsamantalahan at sinasaktan hanggang sa bawian na ng buhay ang dalaga.

Habangbuhay na pagkakakulong ang parusang ipinataw sa lalaki. Nagpadasal naman at pinabendisyunan ang lumang dormitoryo. Labis ang pasasalamat ng pamilya ni Kelsy kay Joanna dahil natuldukan na ang kanilang pangungulila sa dalaga. Ngayon, nakuha na ni Kelsy ang hustisya at makapapahinga na rin siya ng payapa at tahimik.

Advertisement