Palaging Nakatambay ang Binata sa Bilihan ng mga Pampaganda; Naroon Kasi ang Gusto Niyang Dalaga
Madalas na pumupunta si Zach sa cosmetic section ng department store na pinagtatrabahuhan ni Abby.
“Nandito ka na naman! May cosmetic ka bang nabili? Nagdududa na talaga ako sa iyo, eh. Gabi ka ba naglaladlad ng kapa?” natatawang sabi ng dalaga.
“Uy, huwag kang maingay, baka may makarinig sa iyo at maniwala. ‘Di sa akin ‘yung binili ko ‘no,” pagtanggi ng binata.
Malapit lang ang pinapasukang opisina ni Zach sa department store kung saan saleslady naman si Abby. Hindi nila alam ang pangalan ng isa’t isa, palagi lang sila nagkikita sa section na paboritong puntahan at tambayan ng binata.
“Ewan ko sa iyo, ang mabuti pa ay bumalik ka na sa trabaho mo. Hindi ‘yung palagi kang tumatambay dito. Napaghihinalaan ka tuloy na bin*bae,” wika ng dalaga.
“Nope, dito muna ako. Naka-break pa naman ako. Makipagkuwentuhan ka naman sa akin, wala pa namang bumibili sa iyo,” sagot ni Zach.
“I’m a saleslady, not an entertainer. Walang akong oras na makipagkuwentuhan sa iyo. Umalis ka na at baka mapagalitan pa ako ng supervisor ko, baka sabihin nakikipagtsismisan lang ako,” inis na sabi ni Abby.
Nang biglang dumating ang isa sa mga kasamang saleslady ng dalaga na si Trina.
“Abby, may nagpapabigay sa iyo,” anito sabay abot ng regalo.
“Ano? Sino raw?” gulat niyang tanong.
“Galing sa gift wrapping section, may nagpapabigay daw,” tugon ng babae.
Binasa ni Abby ang mensahe na nakasulat sa card.
“For you, beautiful. Hoping you will accept this gift of mine as you’ll accept our friendship.”
Nang mabasa iyon ni Abby ay biglang namula ang pisngi niya.
“Kumikislap-kislap ang mga mata mo, mare…mukhang in love ka na ha?” panunukso sa kaniya ng kasama.
“‘Di ko nga siya kilala, eh,” aniya.
“Kunwari ka pa, pero halatang kinikilig ka naman! Sino ba kasi ‘yan?”
Umiling lang siya. Hindi naman kasi talaga niya alam kung sino ang nagbigay niyon, pero bakit nakaramdam siya ng kilig?
Maya maya ay nagpaalam na rin si Trina dahil may aasikasuhin na itong kustomer. Nang makaalis ang kasama ay biglang nagsalita si Zach.
“So, Abby pala ang pangalan mo? Ano pang hinihintay mo, buksan mo na ‘yan.”
Ikinabuwisit ng dalaga ang pagiging pakialamero ng binata.
“Excuse me, sir! This is my own property, bakit interesado ka?” inis niyang tanong.
Napangiti si Zach. “Eh, sa akin galing ‘yan, eh.”
“I-Ikaw?!” nanlaki ang mga mata ni Abby nang makilala ang nagbigay sa kaniya ng regalo.
“Oo. H-huwag ka sanang magaglit. Gusto ko lang makipagkaibigan,” sabi ni Zach.
‘Di niya mawari, pero nawala ang pagkainis niya sa binata.
“Hindi naman ako galit, eh,” sagot niya.
“Buti naman. Ang mabuti pa, smile ka muna before you open my gift. Gusto kong malaman kung naibigan mo. Buksan mo na,” nakangiting wika ni Zach na pinipilit siyang buksan ang regalo.
Nang buksan niya ang kahon…
“M-make up kit? Tinda namin ito, a!”
May inilabas na papel ang binata sa bulsa at ipinakita sa kaniya.
“Narito ang receipt for security reason. Meron kang katibayang binili ko,” natatawang sabi ni Zach.
“Kaya ka pala madalas sa post ko, ano? Dahil dito?” tanong ni Abby na ‘di na rin napigilang matawa.
“Nung una pa lang kitang nakita ay nagkagusto na ako sa iyo. Love at first sight ba, kaya araw-araw akong tumatambay dito para lagi kitang nakikita. Kung ‘di mo ikagagalit, hihintayin kita sa labas nitong department store sa closing hour niyo. Ihahatid kita pauwi, puwede ba?”
Dahil panatag naman ang dalaga sa binata ay pumayag ito sa paanyaya ni Zach. Paglabas sa opisina ay matiyaga nitong hinintay si Abby na matapos sa duty at inihatid ang dalaga sa bahay. Mas napatunayan ni Abby na mabuting tao si Zach at hindi tulad ng ibang lalaki na mapagsamantala.
Kinaumagahan, sa bahay nina Zach…
“Hulog ka ng langit, Angel! ‘Di ko lamang nalaman ang pangalan niya kundi maging tirahan niya’y napuntahan ko rin. Ang galing mong magplano.”
“Sabi sa iyo, eh, basta sa akin ka lang makinig. Pero teka, sulit ang make up kit na ibinigay mo sa akin, kuya, o! Bagay ba?”
“Kahit na wala kang make up, maganda ka pa rin. Mana ka sa guwapo mong utol.”
Samantala, ang pagkikita nina Zach at Abby ay nasundan pa ng maraming beses hanggang sa unti-unti na ring nahuhulog ang loob ng dalaga sa binata.
“Ano ba? Nakakatunaw ka namang tumingin,” kinikilig na sabi ni Abby nang minsang dalawin siya nito sa department store.
Nginitian at kinindatan lang siya ni Zach.
“Nakakaloko ka, ano? Ibabato ko sa iyo ito,” wika ni Abby na dinampot ang make up kit at akmang ibabato sa binata.
“I love you, Abby…kailan mo ba ako sasagutin?” seryoso nitong tanong.
“Ha? Eh…mga isang buwan pa,” nakangising sagot ng dalaga.
“Ano? Bale…apat na buwan na akong naghihintay,” ani Zach na napakamot na sa ulo.
“E ‘di gawin nating isang taon,” nakangusong sabi ni Abby na pinamewangan pa ang manliligaw.
Minsan ay sabay na nag-day off sina Abby at Trina kaya naisipan nilang manood ng sine pero laking panlulumo ni Abby nang may makita silang hindi inaasahan…
“Si-si Zach iyon, a! May kasamang babae!” gulat na sabi ni Trina sabay turo sa dalawa na papasok ng sinehan.
Nakaramdam ng matinding selos si Abby at niyaya nang umuwi ang kasama.
“Ayoko nang manood, Trina, uwi na tayo!” aniya na pinipigilan ang sarili na maiyak.
Kinabukasan, nang dalawin siya ni Zach sa department store…
“Heto na ‘yong make up kit mo! For security reason, narito may resibo, don’t talk to me anymore,” inis niyang sabi sa binata.
Humingi ng paliwanag si Zach kung bakit biglang nagalit ang dalaga pero wala itong nakuha eksplanasyon kay Abby. Kaya hanggang sa paguwi sa bahay ay malaking palaisipan sa binata ang inasal nito.
“Kailangang malaman ko ang dahilan ng ikinagalit niya sa akin. I love her so much,” bulong ni Zach sa isip.
Nang sumunod na araw ay kinausap niya ang kasama ni Abby na si Trina, sigurado siyang may nalalaman ito. ‘Di naman siya nabigo kaya kinahapunan….
“Abby, galing uli sa gift wrapping counter…para sa iyo,” wika ni Trina sabay abot ng regalo.
“Na naman? Kanino raw galing?” tanong ng dalaga.
“Sa akin, mahal,” sagot ni Zach na nasa likod na pala nila.
“Bakit ka narito? At isinama mo pa ang babae mo!” gigil na sabi ni Abby.
“Ipinagtapat na sa akin ni Trina ang lahat. Pinagselosan mo raw itong kapatid ko?” sambit ng binata, kasama nito ang isang babae.
“Kapatid?”
“Oo, siya ang nakababata kong kapatid na si Angel. Sa kaniya ako nagpatulong para makilala kita dahil nang una kitang makita’y sobra akong humanga sa iyo, siya ang nagplano na bigyan kita ng regalo,” bunyag ni Zach saka binuksan ang regalong hawak ni Abby.
“E-engagement ring?”
“Yes, tanda ‘yan ng aking pagmamahal sa iyo,” sinserong wika ni Zach.
Napaiyak si Abby, seryoso talaga ang nararamdaman sa kaniya ng manliligaw at mali ang bintang niya na may ibang babae ito, kapatid pala nito ang nakita nilang kasama nito sa sinehan. Binatang-binata at wala pang pananagutan ang lalaking natutunan na ring niyang mahalin.
“Salamat, akala ko’y may iba ka na, eh. Mahal na mahal pa naman kita. Sinasagot na kita, ayoko nang mawala ka pa sa buhay ko,” maluha-luha niyang sabi.
“O, napasaya mo ako! Hinding-hindi ako mawawala sa iyo, pinakamamahal kong saleslady,” tugon ni Zach na niyakap nang mahigpit ang nobya.
Naging masaya ang kanilang relasyon dahil mas nakilala pa nila ang isa’t isa. Makalipas ang ilang buwan ay nagdesisyon na rin silang magpakasal.