Inday TrendingInday Trending
Isang Madaling Araw, Nagulat ang Lola Nang Kumatok sa Pinto ng Barong-Barong Niya ang Apong Mayaman; Ano ang Pakay Nito?

Isang Madaling Araw, Nagulat ang Lola Nang Kumatok sa Pinto ng Barong-Barong Niya ang Apong Mayaman; Ano ang Pakay Nito?

Narinig ni Lola Maring ang mahihinang katok sa kaniyang pinto habang inihahanda niya ang mga panindang kakanin gaya ng suman sa lihiya, biko, at kalamay na kaniyang inilalako.

Napatingin siya sa orasang nakasabit. Alas 5:00 ng madaling araw pa lamang.

“Aba, ang aga namang bibili nito? Naamoy ba ang paninda ko?” sa isip-isip ni Lola Maring.

Nagtungo siya sa pinto ng kaniyang maliit na barong-barong upang tingnan kung sino ang kumakatok.

Napatda siya sa bumungad sa kaniya.

“J-Julia? Apo?”

Ngumiti ang kaniyang apong si Julia. Napadako ang mga mata ni Lola Maring sa bitbit nitong bag sa kanang kamay.

Agad na yumakap ang dalagitang si Julia, 17 taong gulang, sa kaniyang lola. Siya ang nanay ng sumakabilang-buhay niyang Papa.

“Lola, na-miss kita!” bungad ng apo kay Lola Maring.

Tuwang-tuwa namang makita ni Lola Maring ang apong si Julia, kaisa-isa niyang apo mula sa kaisa-isang anak na tatay nito, na sumakabilang-buhay na nga. Mahigpit na yakap at mainit na halik sa pisngi ang iginawad niya rito.

Pinapasok niya ito sa loob ng bahay. Pinaupo sa de-kahoy na sofa na kinakalsuhan na ang paa dahil giray na.

“Naku apo, kumain ka na ba? Nagluluto kasi ako ng mga paninda ko, hala, sige kumuha ka riyan ng maibigan mo, teka, ipagtitimpla kita ng kape… ay nagkakape ka ba? Gatas? Juice? Ay, wala pala akong gatas… lalo na’t wala rin naman akong juice, wala nga akong ref…” natataranta si Lola Maring sa kaniyang apong si Julia.

“Lola, kumain na po ako bago umalis ng bahay. Huwag na po kayong mag-abala,” nakangiting sabi ng apo.

“Apo… mabuti naman at naisipan mo akong dalawin dito, pero bakit ganitong oras naman? Inihatid ka ba ng driver o yaya mo? Alam ba ito ng Mama mo?” tanong ni Lola Maring.

Umiling-iling si Julia.

“Kaaalis lang po ni Mama kaninang 4:00 ng madaling-araw dahil may business trip po siya sa ibang bansa, maaga kasi ang flight niya. Sinamantala ko na po ang pagkakataon para umalis, kaya ako lang po ang mag-isa. Nagpaalam naman po ako kay Yaya,” paliwanag ni Julia.

“Ah ganoon ba, apo… hindi kaya magalit ang Mama mo kapag nalaman niyang nagpupunta ka pa rito sa akin? Alam mo naman, ayaw niyang nagpupunta ka rito sa iskwater…”

“Lola, tatlong araw po si Mama sa ibang bansa kaya sana po, dito po muna ako habang wala pa siya. Heto nga po oh, nagdala na po ako ng mga gamit ko. Gusto ko po kayong makasama!” nakangiting sabi ni Julia sa kaniyang lola.

“Ayos lang naman sa akin, Julia. Kaya lang ipapaalala ko lamang sa iyo apo, wala kaming refrigerator. Huwag kang mag-alala, mineral water naman ang tubig, pero hindi malamig. Isa lang ang bentilador ko, sira pa. Wala akong aircon. Ang aircon ko rito, yung lamig sa labas kapag gabi, kasi pumapasok sa butas ng bahay. Mausok kasi nga pugon ang gamit ko sa pagluluto,” babala ni Lola Maring.

“Lola, alam ko na po ‘yan…” nakangiting sabi ni Julia.

Sa loob ng tatlong araw ay naging masaya sina Lola Maring at Julia sa walang humpay na kuwentuhan. Tinuruan pa ng matanda ang apo kung paano mangadkad ng niyog, kung paano maggata, at kung paano magparikit at magparingas ng apoy sa pugon.

Tinulungan din siya ni Julia sa pagtitinda at paglalako ng kaniyang mga kakanin. Ang mga mata ng mga kapitbahay ay napapatingin kay Julia dahil litaw na litaw ang kagandahan at kaputian nito, at alam nilang laki sa yaman. Kilala si Aling Maring sa Looban kaya alam nila ang kuwento ng buhay nito.

“Apo, may itatanong ako sa iyo. Malaki ang bahay ninyo sa eksklusibong subdivision na may mga guwardiya pa. Mayaman kayo. Maganda ang kuwarto mo. Nasa iyo na ang lahat. Pero bakit ka nagpupunta sa akin dito? Tingnan mo ang bahay ko. Salat na salat sa gamit. Mahirap lang ang pamilyang pinagmulan ng Papa mo,” usisa ni Lola Maring sa pangalawang gabi na nasa kaniya si Julia.

Magkatabi silang natutulog sa maliit na papag ng matanda habang nakasandig sa kaniyang dibdib at nakayakap ang apo. Pinapaypayan naman niya ito upang hindi makagat ng lamok.

“Eh kasi lola… dito po nararamdaman ko na mahal ninyo ako at inaalagaan. Malaki nga ang bahay namin, halos hindi naman kami nagkikita ni Mama. Kapag nandiyan naman si Mama, laging nasa kuwarto niya kasi tulog. Pakiramdam ko ang laki ng bahay para sa gaya kong mag-isa,” paliwanag ni Julia.

“May yaya ka naman, apo. Saka may mga kasambahay kayo…”

“Pero iba ka pa rin, Lola! Ikaw ang nanay ng Papa ko. Nararamdaman ko po ang pagmamahal at pag-aalaga ninyo sa akin. Kaya kahit pinagbabawalan ako ni Mama na magpunta rito dahil daw baka mapahamak ako, hindi ako nakikinig sa kaniya. Ako mismo ang magsasabi sa kaniya na mali ang akala niya. Mali ang iniisip niyang porket nakatira sa squatter’s area ang mga tao, masasama na,” wika ni Julia.

Hindi nakakibo si Lola Maring. Hinagkan niya ang noo ng apo.

“Nakakainggit nga po yung mga kapitbahay natin eh. Kahit masasabi kong mahirap ang kalagayan nila, kompleto naman sila at masaya. Wala silang ginawa kundi magtawanan.”

Hanggang sa makatulog na ang maglola na parehong may ngiti sa kani-kanilang mga labi.

Bandang madaling-araw ay naalimpungatan si Lola Maring nang makarinig ng mga katok sa pinto. 3:00 ng madaling araw. 4:00 siya ng madaling araw tumatayo upang maghanda ng mga paninda.

Tumayo siya upang buksan ang pinto.

“B-Belinda?” usal ni Lola Maring nang mabungaran ang mayamang manugang na ina ni Julia. Seryoso ang mukha nito. Sa labas ay nakahinto ang magara nitong sasakyan.

“Napaaga ang uwi ko dahil nalaman ko sa yaya ni Julia na narito ang anak ko? Kukunin ko na po siya,” matabang na sabi nito.

“Teka muna, natutulog ang anak mo eh… baka gusto mong pasikatin mo muna ang araw…”

“Julia! Julia! Gumising ka na riyan at uuwi na tayo, Mama is here already, Julia…”

“Teka nga muna, Belinda. Teka muna… hayaan mo muna ang bata na matulog. Ano ba ang kinatatakot mo? Maayos naman siya at inalagaan ko siya sa halos dalawang araw na umalis ka. Siya ang kusang nagpunta rito sa akin,” sansala ni Lola Maring.

Kitang-kita sa mukha ni Belinda ang pagtitimpi. Ngunit nagpakahinahon ito upang hindi masigawan o masagot nang pabalagbag ang biyenan.

“Kukunin ko na ho ang anak ko. Sinusundo. Mas malaki po ang kuwarto niya sa bahay namin. Mas malamig. Maaalagaan namin siya, kami ng yaya niya.”

“Talaga lang ha? Kaya pala mas pinili ng anak mo na magpunta rito sa akin dahil mas nararamdaman daw niya ang presenya ng alaga at pagmamahal ko, kaysa sa iyo. Belinda, bigyan mo naman ng oras, panahon, at atensyon ang anak mo, huwag puro trabaho…”

“Excuse me lang ho, pero ginagawa ko ang lahat ng ito para kay Julia. Nagpapakasubsob ako sa trabaho, tinitiis kong mawalan ng oras, panahon, at atensyon sa kaniya dahil nais kong maging maganda ang kinabukasan niya! Kung ang anak ho ninyo sana ay nagsikap na maging maganda ang buhay niya noon, eh ‘di sana…”

At natigilan si Belinda sa kaniyang mga sasabihin.

“Sige, ituloy mo. Subukan mo. Wala kang karapatang laitin ang nasira kong anak na asawa mo, Belinda. Siya ang ama ni Julia. Oo, mahirap lang kami pero hindi kami naging masamang tao. Tingnan mo ang anak mo, si Julia, mabuti siyang bata. Naging maganda ang pagpapalaki sa kaniya. Dahil iyan kay Jose na aking anak. Dahil binusog ko siya sa oras, pagmamahal, at atensyon na kailangan niya noong bata pa siya, at naipamana niya sa anak ninyo. Belinda, hindi lahat nakukuha at nadadaan sa pera,” madiing pahayag ni Lola Maring.

“L-Lola, Mama, nag-aaway po ba kayo?”

Napatingin ang dalawa kay Julia na nagising na pala.

“Julia, magpaalam ka na sa lola mo. Uuwi na tayo,” madiing utos ni Belinda sa anak.

“’Ma…”

“I said magpaalam ka na at uuwi na tayo,” may pagbabanta na sa tinig ni Belinda.

“Sige na Julia, apo… sumama ka na sa Mama mo. Magpapakabait ka at lagi kang mag-iingat,” masuyong utos ni Lola Maring sa kaniyang apo.

Pag-alis ng dalawa ay hindi napigilan ni Lola Maring na mapaiyak nang maalala ang kaniyang anak na si Jose.

Simula nang mawala ito ay tila ba naging mailap na sa kaniya si Belinda.

Makalipas ang dalawang araw, nagulat si Lola Maring nang bisitahin siya ng manugang.

“’N-Nay… patawarin po ninyo ako sa mga inasal ko. Sa mga nasabi ko. Ipinaliwanag na po sa akin ni Julia ang lahat. Siya raw po ang kusang nagpunta rito. Binuksan na po niya sa akin ang tunay niyang nararamdaman. Isa akong pabayang ina,” naiiyak na sabi ni Belinda.

Agad na hinawakan ni Lola Maring ang mga kamay ng manugang.

“Hindi pa huli ang lahat, anak. Naiintindihan ko ang sitwasyon mo. Bilang isang ina, gagawin nito ang lahat para sa anak. Mag-isa kong tinaguyod si Jose, kaya alam na alam ko iyan,” sabi ni Lola Maring.

At nagyakap ang magbiyenan.

“’Nay, may ipakikiusap po sana ako sa inyo. Alam kong hindi kayo papayag pero alang-alang sana kay Julia, sana pumayag kayo.”

“Ano ‘yon?” tanong ni Lola Maring.

Ngumiti si Belinda…

“Julia anak… may bisita ka…”

Lumabas ng kaniyang kuwarto si Julia nang marinig ang pagtawag ng ina. Nanlaki ang mga mata nito nang makita kung sino ang tinutukoy na bisita.

“Lola Maring!”

Agad na tumakbo si Julia pababa ng hagdanan at yumakap sa kaniyang lola. Nakita agad ni Julia ang dalawang malalaking bag na dala-dala nito.

“Lola, bakit may mga bags kang dala? Magbabakasyon ka rin dito?”

Nagkatinginan sina Lola Maring at Belinda. Nagngitian.

“Julia anak, dito na titira ang lola mo. Napakiusapan ko siyang dumito na sa atin. Malaki ang bahay na ito para sa ating tatlo. Mas maaalagaan ka niya kapag wala ako.”

Tuwang-tuwa si Julia sa kaniyang mga narinig at niyakap ang kaniyang Mama.

Simula noon ay naging masaya ang pagsasama-sama nina Lola Maring, Julia, at Belinda at mas naging malapit pa sila sa isa’t isa!

Advertisement