Inday TrendingInday Trending
Hinahangaan ang Matandang Beterano Dahil sa Kaniyang Kabayanihan; Isang Malaking Kasinungalingan Pala ang Lahat

Hinahangaan ang Matandang Beterano Dahil sa Kaniyang Kabayanihan; Isang Malaking Kasinungalingan Pala ang Lahat

Matanda na si Domeng, lagpas isandaang taon na ang edad niya.

Mahina na ang katawan ng lalaki at malabo na rin ang mga mata, subalit isang gabi ay nanghilakbot siya sa kaniyang nakita. Malinaw na malinaw sa paningin niya ang kaluluwang dumalaw sa kaniya kaya hindi niya naiwasang mapasigaw.

“Diyos ko! Serafin! Ikaw nga ba ‘yan, Serafin?!”

“Ako nga, Domeng,” sagot ng kaluluwang bigla na lamang lumitaw sa kaniyang harapan.

Kahit natatakot ay nagawang kausapin ng matanda ang kaluluwa ng lalaki.

“Anong dahilan at bakit ka narito? Pat*y ka na, dapat ay nananahimik ka na,” wika niya.

“Matanda ka na, Domeng. Alam mong anumang oras ay maaari ka na ring sumakabilang buhay. Mabigat ang magiging paglalakbay ng kaluluwa mo kung hindi mo maitutuwid ang nakaraan habang nabubuhay ka pa,” sagot nito.

Nang biglang pumasok sa kwarto ni Domeng ang humahangos niyang kapatid na si Demetria.

“K-Kuya Domeng, ano ang nangyayari sa iyo?” tanong nito.

Naabutan ng babae na nakatulala ang kapatid at tila takot na takot. Wala na rin ang kaluluwa ng lalaki.

“Sumagot ka naman! Narinig kasi kita na sumigaw kaya nagmamadali akong pumunta rito sa kwarto mo. Bakit ba?”

“N-nagpakita sa akin ang multo ni Serafin, Demetria,” sagot ng matanda.

Nanlaki ang mga mata ng nakababatang kapatid.

“A-ano?! Diyos ko!”

“Hindi ko na kaya, Demetria. Inuusig na ako ng aking konsensiya. Panahon na siguro para malaman ng lahat ang totoo,” naluluhang sabi ng lalaki.

“P-pero, K-kuya, sigurado ka ba sa balak mong iyan?” tanong ng babae.

“Oo, sigurado na ako. Ito lang ang paraan para maituwid ko ang mga pagkakamali ko noon,” tugon niya.

Taon-taon ay kinikilala ng pamahalaan at ng mga tao sa kanilang lugar ang naging kabayanihan ni Domeng noong panahon ng Hapon. Isa siyang magiting na pinuno ng mga sundalo na lumaban para makalaya ang bayan sa mga mananakop na dayuhan. Hinahangaan siya dahil sa kaniyang katapangan at pagmamahal sa sariling bayan subalit may hindi alam ang mga tao tungkol sa tunay na nangyari ng mga panahong iyon kaya nang muling sumapit ang espesyal na araw kung saan ipinagdiriwang ang kaniyang mga nagawa ay nakatakda ring igawad sa kaniya ang natatanging parangal na tanda ng kaniyang kabayanihan, ngunit sa pagkakataong iyon ay handa na rin niyang ipagtapat ang katotohanan na matagal niyang itinago.

Sa seremonya na ginanap sa mismong harap ng tahanan ni Domeng ay sasabihin na niya ang isang lihim na dapat ay noon pa nabunyag.

Kahit nakakaramdam ng kaba ay pinilit ni Domeng na tumayo sa harap ng taumbayan. Magdamag niyang pinag-isipan ang gagawin, anuman ang mangyari ay buo na ang loob niya.

“Bago ninyo igawad sa akin ang parangal sa taong ito ay may gusto lang sana akong sabihin sa inyong lahat. Noong panahon na sinakop tayo ng mga Hapon, akala ko’y katapusan ko na. Isang araw, isang pulutong ng mga sundalong Hapon ang lumusob sa headquarters na aking pinamumunuan. Wala kamng nagawa sa dami ng mga Hapon na nagpaulan sa amin ng mga bala. Marami sa mga kasama kong sundalo ang nas*wi sa labanan, muntik na sana kaming maubos lahat, subalit naging maagap ang mga gerilya na pinamumunuan noon ni Serafin Angeles. Tinulungan kami ng kaniyang grupo na labanan ang mga mananakop. Napat*y lahat nina Serafin ang mga sundalong Hapon at nailigtas nila kami sa tiyak na kapahamakan,” bunyag ni Domeng.

Nagkatinginan ang mga taong naroon. Hindi makapaniwala ang mga ito na bukod sa kaniya ay dapat na igawad din sa pinuno ng mga gerilya na si Serafin ang parangal ng kabayanihan.

“O, kung gayon ay dapat ding bigyang parangal ang Serafin na iyon at ang mga kasama niya. Malaki rin ang nagawa ng kanilang grupo kaya natalo ang mga mananakop at naging malaya ang ating bayan,” sabi ng punong barangay sa kanilang lugar.

“Tama si Kapitan. Nasaan na ba ang Serafin Angeles na iyon para mapasalamatan at mabigyan din siya ng pagkilala,” sabad ng isa pa.

Bumuntung-hininga muna si Domeng bago itinuloy ang sasabihin.

“W-wala na si Serafin Angeles. Pat*y na siya, at ako ang dahilan ng kaniyang kamat*yan,” aniya.

Nanlaki ang mga mata ng mga tao sa tinuran niya.

“Ayaw kong mapahiya ako bilang namumuno ng mga sundalo ng ating pamahalaan kaya iniutos ko sa aking mga sundalo na pat*yin lahat ang mga gerilya, kasama si Serafin. Ipinalabas namin na ang mga Hapon ang pumasl*ng sa kanila. Dahil gusto ko na kami ang lumabas na mga bayani, kami ang lumabas na nakipaglaban. Pinagsisisihan ko na ang nagawa kong kasinungalingan at krim*n, sinabi ko na ang totoo dahil alam kong ito ang tamang gawin. Sana’y mapatawad niyo rin ako,” bunyag pa ni Domeng na hindi napigilan na maluha.

Dahil sa pagsisiwalat niya ng katotohanang nangyari sa kasaysayan, kinilala at pinaganda ng pamahalaan ang libingan ng yumaong si Serafin at mga kasama nitong gerilya. Iginawad sa grupo ni Serafin ang parangal ng kabayanihan na nararapat sa mga ito.

Kinagabihan ay muling nagpakita ang kaluluwa ni Serafin kay Domeng. Maaliwalas na ang mukha nito. ‘di gaya nang una niya itong makita na malungkot at puno ng paghihirap.

“S-Serafin?”

“Ngayon ay iginagawad ko na sa iyo ang aking pagpapatawad, Domeng. Hindi ako makakarating sa aking paroroonan kung hindi ako magpapatawad,” sabi ng kaluluwa na unti-unti ring naglaho sa paningin niya.

“Salamat, Serafin, salamat. Ngayo’y puwede na akong mamat*y anumang oras. Wala na ang bigat sa aking dibdib,” sagot niya.

Nang gabing iyon ay pumanaw na rin si Domeng ngunit lumisan siya sa mundo na may ngiti sa mga labi.

Tandaan na ang gawad na pagpapatawad ay higit pa sa gawad na parangal sa isang huwad na kabayanihan.

Advertisement