Iniwan ng Lalaki ang Kaniyang Mag-Ina at Sumama sa Mayamang Biyuda; Laking Pagsisisi Niya Nang Malaman ang Totoo Nitong Kulay
“Gusto ko kasi, bago tayo magpakasal ay mapatayuan ko na ng bahay ang minana kong lote sa aking mga magulang, kaso kakatiting pa ang naiipon kong pera, eh,” wika ni Gerardo sa nobyang si Elenita.
Dalawang taon na rin ang kanilang relasyon at nagyayaya na ang babae na lumagay na sila sa tahimik.
“Problema ba ‘yon? Sabi ko naman sa’yo, may pera ako sa bangko…puwede nating gamitin iyon para sa bahay,” tugon ni Elenita.
Sa pagpupumilit ng babae ay pumayag na rin si Gerardo na gamitin ang pera nito para sa pagpapatayo ng bahay, pagkatapos niyon ay saka sila nagpakasal.
“Hamo’t kapag tumaas ang posisyon ko sa opisina, makakabayad din ako sa iyo,” wika ng lalaki sa asawa.
“Kailan naman iyon? Clerk ka lang sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo at saka ang sabi mo’y ang mga napo-promote lang doon ay may mga kapit, eh, wala ka naman niyon,” natatawang sabi ni Elenita.
Matuling lumipas ang mga taon. Apat na taong gulang na ang anak nilang mag-asawa na si Winnie ngunit wala pa ring asenso si Gerardo sa trabaho niya kaya naisip niyang sundin ang payo ng babae.
“Gusto kong subukan ang sinasabi mo na pag-aahente. Baka pag iyon na ang trabaho ko’y suwertehin naman ako. ‘Di tulad sa opisina, magsasampung taon na ako’y clerk pa rin ako roon,” wika niya sa asawa.
“Siguradong mas kikita ka sa pagiging ahente, darling, malakas ang personalidad mo eh,” sabi naman ni Elenita na suportado ang plano ng mister.
At nagbitiw nga sa trabaho si Gerardo at pinasok ang pag-aahente.
“Pupuntahan mo ba ‘yung referral ni Mareng Tessie? Biyuda raw ‘yon at mapera,” wika ni Elenita.
“Doon nga ang lakad ko ngayon, darling. Sige, tutuloy na ako,” paalam ng lalaki saka hinalikan sa pisngi ang misis.
Pagdating niya sa bahay ng kliyente ay ikinagulat niya na sobrang laki niyon. Mukhang madatung nga ang kakilala ng kumare ng asawa niya.
“Anong maipaglilingkod ko sa iyo, mister?” tanong ng may edad na babae.
“Good morning, ma’am. I’m Gerardo Llamas, isa pong ahente. May appointment ako kay Mrs. Ignacio, you must be her daughter. Is your mother home?” aniya.
Sa tinuran niya ay biglang nakaramdam ng kakaibang kilig ang batang biyuda.
“Ako si Mrs. Antonietta Ignacio, tawagin mo na lang akong Tonet. Ako ang kliyenteng nirefer ni Tessie. Plano ko ngang ipasiguro ang bahay, ang aking mga sasakyan, saka ang sarili ko na rin,” nakangiting sabi ng babae sabay kindat sa kaniya.
Nakahalata na agad si Gerardo na may tama sa kaniya ang kustomer kaya sinabayan niya ito.
“O, napakagandang pangalan, kasing ganda mo, ma’am. A, eh, ganito pong gagawin natin…”
At natuloy nga ang transaksyon niya sa mayamang ginang. Nang araw ding iyon ay pumirma ng kontrata si Tonet pagkatapos ay may hiling pa ito sa kaniya.
“Gerardo, puwede ka bang maimbita, halimbawa’y kung lalabas ako…ikaw ang ka-date ko, okey lang sa iyo?” tanong nito.
“Ha? A-aba, o-oo naman, Tonet,” napilitan niyang sagot. Wala na siyang nagawa, baka kasi mapurnada pa ang una niyang trabaho.
Nang umuwi siya sa bahay nila ay agad niyang ibinalita kay Elenita ang resulta ng una niyang pag-aahente.
“Naku, darling, isang taong suweldo ko sa dating opisina, kuha ko agad sa isang deal lang,” tuwang-tuwa niyang sabi.
“Congrats, darling. ‘Yon bang referral ni Mareng Tessie na biyuda? Maganda ba siya?” wika ng asawa.
“Oo, maganda siya, pero wala pa ring tatalo sa kagandahan mo,” tugon niya saka hinalikan sa labi ang kaniyang misis. Sinabi na lamang niya iyon para hindi ito magselos.
Ilang araw matapos ang pirmahan ng kontrata ay tinawagan siya ni Tonet para magkita sila. Sa unang pagsama niya rito ay nakaramdam siya ng pagkalula nang dalhin siya nito sa isang casino.
“Buti at dumating ka, Tonet. Isasangla ko sana itong kuwintas ko ng fifty thousand. Natatalo na kasi ako,” wika ng isang babaeng sumalubong sa kanila.
“Oo ba. Kakaltasin ko na agad ang interes ha?” tugon naman ni Tonet.
Doon niya natuklasan na tuso sa pera ang mayamang biyuda. Ito’y hindi basta nagpapahiram nang walang pakinabang. Unti-unti rin ay naakit siya rito dahil na rin sa pagkagalante ng babae sa kaniya hanggang sa nagkaroon sila ng lihim na relasyon.
“Unang kita ko palang sa iyo, Gerardo, natiyak ko agad na ikaw ang lalaking matagal ko nang hinihintay. Wala akong pakialam kung may asawa ka na, basta akin ka kapag kailangan kita,” wika ni Tonet habang nakikipagn*ig sa kaniya.
“Nakakalasing ang kagandahan mo, Tonet, um…” sagot naman niya.
Inihatid niya sa rurok ng kaligayahan ang biyuda nang gabing iyon.
Mula noon ay nagsimula nang umuwi nang alanganing oras si Gerardo. Natuto na rin syang magsinungaling.
“Mag-aalas dos na, ba’t hinintay mo pa ako? Sa Laguna pa kasi ang pinuntahan kong project at lobat na ang selpon ko kaya hindi na kita natawagan,” sabi niya kay Elenita nang maabutan niyang gising pa ito.
“Hindi kasi ako makatulog habang hindi ka pa dumarating, eh,” anito.
Kung anu-anong kasinungalingan ang iniimbento niya para makapagpalusot sa kaniyang asawa kapag kasama niya ang kalaguyong si Tonet.
“Ano? Hindi ka makakauwi ngayong gabi? Bakit?” tanong ni Elenita na habang kausap siya sa telepono.
“Pinapupunta kasi ako ng opisina sa Pangasinan, mga limang araw ako ro’n, business ito at mahalaga ito, darling,” wika niya sa kabilang linya.
Natuto na ring magsugal si Gerardo dahil naimpluwensiyahan na siya ng biyudang babae.
“Wow, panalo na naman ako! Palagi akong buwenas kapag katabi kita, Tonet.”
“Talaga namang ako ang tala sa buhay mo, Gerardo,” tugon nito.
Maya maya ay tumindig sandali si Tonet nang matanaw ang bagong dating sa casino – ang kaibigang si Tessie.
“O, mare, anong dala mo ngayon?” nakangiting bungad ng babae.
“Marami, imported na mga alahas ito,” sabi ni Tessie na napatingin sa puwestong kinauupuan ni Gerardo. Nagtaka ang babae.
“T-teka, si Gerardo iyon a! Nagsusugal pala siya rito? Alam kaya ito ni Elenita?” bulong ni Tessie sa isip.
Nang biglang binasag ni Tonet ang iniisip niya.
“Hoy! Ano ba? Natulala ka na, napo-pogian ka yata sa boyfriend ko, ano?” natatawang sabi ni Tonet sa kaniya.
“A-ano?”
Hanggang sa makaalis si Tessie sa casino ay hindi ito napansin ni Gerardo. Kay Elenita nagtuloy ang ginang.
“Baka nagkakamali ka lang, mare! Nasa Pangasinan ang asawa ko, abala sa trabaho,” gulat na sambit ng babae.
“Hindi ako maaaring magkamali, siya talaga ang nakita ko. Nagmamalasakit ako sa iyo, Elenita, kaya isinugod ko sa iyo ang natuklasan ko. Nagsisisi nga ako kung bakit nirefer ko pa sa kaniya si Tonet, hindi sana sila naging magdyowa ngayon,” sumbong ni Tessie.
“O, anong nagawa kong kasalanan kay Gerardo para gawin niya sa akin ito?” sabi ni Elenita na hindi napigilan ang sarili na mapahagulgol.
Nang umuwi ang asawa makaraan ang ilang araw…
“Bumalik ka pa, taksil!” sigaw ni Elenita saka sinampal ng ubod lakas ang lalaki.
Sinumbatan niya ang mister sa panlolokong ginawa nito sa kaniya. Hindi naman naitanggi ni Gerardo ang lahat dahil alam ng lalaki na bistado na siya.
“Matagal ko nang pinaghandaan ang pagtutuos nating ito, Elenita. Hindi ko na matatalikuran pa si Tonet,” sagot ni Gerardo sa asawa.
“Ipagpapalit mo kami ng anak mo sa babaeng iyon?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Elenita. Nagmakaawa ang babae na huwag silang iwan ng mister pero hindi natinag ng mga pagluha niya ang matigas na damdamin ni Gerardo.
Hindi siya nito pinakinggan. Matapos kunin ang mga gamit ay nagmamadaling umalis.
“O, Gerardo…bakit nagkaganiyan ka?” paulit-ulit na sabi ni Elenita na patuloy pa rin sa pag-iyak.
Tuluyang nakisama si Gerardo kay Tonet ngunit marami siyang natuklasan tungkol sa biyuda.
“Pumatol ka kay Paul? Bakit mo ginawa ‘yon? Eh, narito naman ako, a!” aniya nang malaman na bukod sa kaniya ay may relasyon din ang babae sa drayber nito.
“Wala kang karapatan na pagsalitaan ako ng ganyan, Gerardo, palamunin lang kita!” inis na sagot sa kaniya ni Tonet.
Pinagsisisihan ni Gerardo ang desisyong pagsama kay Tonet at ang pag-iwan sa kaniyang mag-ina pero parang huli na, tiyak na hindi na siya mapapatawad ni Elenita kaya sa sobrang sama ng loob ay nalulong siya sa sugal kaya lang ay sunud-sunod din ang pagkatalo niya kaya nabaon siya sa utang. Dahil pinaghahanap siya ng mga taong pinagkakautangan niya ay sinubukan niyang humingi ng tulong kay Tonet.
“Gusto mong bayaran ko ang utang mo? Madali ‘yan, ibenta mo sa akin ang bahay at lupa mo,” sabi ng babae.
“Tonet! Huwag naman ‘yon! Naroon ang pamilya ko, ang mag-ina ko, pakiusap,” pagmamakaawa niya.
Sa sinabi niya ay natawa lang ang babae at may tinawagan sa telepono.
“Narito sa bahay ang may utang na hinahanap ninyo. Puntahan ninyo rito at kapag hindi nagbayad ay ipadampot ninyo sa mga pulis o ‘di kaya’y idispatsa na ninyo,” wika nito sa kabilang linya.
“Napakasama mo! Anak ka ng dem*nyo!” galit na galit na sambit ng lalaki sa biyuda.
Ayaw niyang makulong at ayaw pa rin niyang mamat*y dahil napag-alaman niya na mga miyembro pala ng sindikato ang mga pinagkakautangan niya na mga kaibigan ni Tonet na handang pum*tay para lang sa pera, kaya dahil sa kagipitang iyon ay napilitan siyang pumayag sa gusto nito na lingid sa kaalaman ni Elenita.
“Akin na’ng bahay at lupa mo. Puwede ka na ring umalis sa bahay ko! Hindi na kita kailangan dito! Pinagsawaan na kita, mas gusto ko na si Paul na mas bata at sariwa,” sabi ni Tonet na humagalpak pa ng tawa.
Noon pa lang lubos na natauhan si Gerardo. Siya’y tila isang kasangkapan na pinaglaruan lamang ng mayaman at tusong biyuda.
“Paano pa ako makakabalik sa aking mag-ina?” mangiyak-ngiyak niyang sabi habang palabas ng bahay ni Tonet.
Nang sumunod na araw ay laking gulat ni Elenita nang walang kaabog-abog na dumating si Tonet sa bahay nila at inaangkin na ito.
“Paano mabebenta ito sa iyo ni Gerardo? Kanya nga ang lupang minana niya, pero gastos ko ang bahay,” wika ni Elenita.
“Tingnan natin! Sa korte tayo maghaharap!” pananakot naman ni Tonet.
Nagsampa nga ng aksiyon sa husgado ang biyuda para makuha ang bahay at lupa ngunit sa huli ay natalo siya sa kaso at nanalo naman si Elenita. Lumitaw kasi na ang bahay at lupa ay conjugal property na ng mag-asawa kung kaya hindi legal ang pagkakabenta ni Gerardo kay Tonet dahil walang pangsang-ayon si Elenita sa naging bentahan nito.
Pagkatapos ng mga nangyari ay nagsisising bumalik si Gerardo sa kaniyang mag-ina. Walang katapusan siyang humingi ng tawad sa mga ito.
“Patawarin niyo ako!” lumuluha niyang sabi.
Dahil may mabuting puso si Elenita ay nagawa niyang patawarin ang mister. Nakahanda siyang bigyan ito ng pangalawang pagkakataon para maayos ang kanilang pagsasama at ang kanilang pamilya.
Mula noon ay naging mas responsableng asawa at ama na si Gerardo at tuluyan nang ibinaon sa limot ang mga nagawa niyang kamalian sa buhay.