Inday TrendingInday Trending
Nang Makita ang Ama ng Nobya ay Biglang Nanahimik ang Binatang Ito, Kakilala Niya Kaya Ito?

Nang Makita ang Ama ng Nobya ay Biglang Nanahimik ang Binatang Ito, Kakilala Niya Kaya Ito?

“Love, okay ka lang ba? Bakit ang tahi-tahimik mo kanina habang kumakain tayo? Nakatungo ka pa at walang kibo. May problema ba tayo?” pagtataka ni Cynthia sa kasintahan, isang araw nang maghapunan ito sa kanila.

“Wala naman, love, medyo masama lang ang pakiramdam ko,” sagot ni Rev saka bahagyang nagkamot ng ulo.

“Maniwala sa’yo, Lance! Kilalang-kilala kita kapag nagsisinungaling ka. Ano bang dahilan bakit ka ganiyan? Ayos ka naman no’ng tayong tatlo pa lang ni mama, pero no’ng dumating na si papa at kinamusta ang plano ng kasal natin, bigla kang tumahimik. Nagdadalawang-isip ka na ba na pakasalanan ako dahil sa laki ng gastos?” sambit pa ng kaniyang nobya, bakas na sa mukha nito ang labis na pag-aalala at pagkainis sa kaniyang inaasta.

“Hindi, love, okay? Mali ang iniisip mo,” pagpapakalma niya rito.

“Lance, naman, eh, sabihin mo na lang sa akin kung anong gusto mong mangyari. Sabihin mo sa akin kung nagbago na ang isip mo, kung may iba ka na, kung ayaw mo na,” sambit nito, unti-unti na itong umiiyak.

“Iwan mo muna ako rito,” mahinang tugon niya dahilan upang lalong umiyak ang dalaga, katulad nga ng nais niya, iniwan siya nito at muling pumasok ng bahay habang umiiyak.

Ilang buwan na lang ang binibilang, ikakasal na ang binatang si Rev na talaga nga namang parang isang milagro. Kahit siya, hindi makapaniwala na darating sa puntong magpapakasal siya sa isang babae.

May pagkababaero kasi siya at basagulero. Wala siyang ibang gusto noon kung hindi ang mambabae, mag-inom, magsugal at gumawa ng kalokohan kasama ang kaniyang mga kaibigan.

May pagkakataon pa nga noong nasa hayskul siya na pati kanilang mga guro, ginagawan nila ng kalokohan. Ito ang dahilan upang halos lahat ng tao, mapakapamilya man niya, kaklase o kakilala lang, sinasabing wala siyang mararating sa buhay.

Ngunit tila umikot ang kaniyang buong mundo nang makakilala siya ng isang babae sa isang kapehan, si Cynthia. Noong una’y balak niya lang itong galawin katulad ng iba niyang mga nakilalang babae ngunit tila bigla siyang napatino nito nang makasama niya ito halos araw-araw sa eskwelahan. Iisa lang kasi ang kursong kinukuha nila dahilan upang lagi silang magsama at doon na nga siya unti-unting nahulog sa dalaga.

‘Ika niya nga sa mga kaibigan sa tuwing siya’y kinakantiyawan, “Paano niyo magag*go ang isang katulad niyang mala-anghel? Mabait, masipag mag-aral, maka-Diyos, lahat na nasa kaniya! Unang kita pa lang namin, kumirot na agad ang puso ko,” dahilan upang lalo siyang kantiyawan ng mga ito.

Pinasawalang bahala niya ang lahat ng pangangantiyaw ng mga kaibigan at lalo pang inilapit ang sarili sa dalaga dahilan upang sa isang iglap, bigla na lang maging “good boy” ang dating “bad boy” na ngayo’y ikakasal na.

Doon na nga nagtuloy-tuloy ang kanilang pagmamahalan hanggang sa magdesisyon na silang magpakasal. Ngunit ngayong araw na unang beses niyang makikita ang ama ng kaniyang kasintahan na isang gurong nakadestino sa isang probinsya ngayon, bigla na lang siyang napatahimik na labis na ikinabahala ng kaniyang nobya.

Noong gabing iyon, nang marinig na humahagulgol na ang kaniyang nobya, agad na siyang pumasok sa bahay nito. Nadatnan niyang umiiyak ito sa dibdib ng ama dahilan upang makaramdam siya nang labis na kaba’t takot.

“Lance, ang nakaraan, hindi na binabalik. Pinapaiyak mo lang ang prinsesa ko, eh. Wala na akong pakialam sa kasalanan mo sa akin dati, basta napapasaya mo ngayon ang anak ko, ayos na ako,” patawa-tawang sambit nito dahilan upang maguluhan ang dalaga.

Doon na nga niya ikinuwento ang ginawa niyang kalokohan noon sa ama ng dalaga.

“Palagi kong iniikot ang orasan sa klasrum niya para pauwiin na niya kami agad. Nahuli niya ako ng isang beses, tapos ibinato ko sa mukha niya ‘yong orasan saka kami nagtakbuhan ng mga kaibigan ko palabas. Ayun, kinabukasan, kick-out kaming lahat,” kamot-ulo niyang kwento dahilan upang magtawanan ang mag-amang nasa harapan niya.

“Tingnan mo, Cynthia, kung gaano kaloko ‘tong lalaking papakasalan mo?” patawa-tawang sambit ng ama nito, “Pero, labis ang paghanga ko sa’yo ngayon, malaki ang pinagbago mo, alam kong malinis ang intensyon mo sa anak ko, kaya nga ako pumayag magpakasal kayo, eh, kahit na may gusot ang nakaraan mo,” nakangiting sambit nito saka na sila iniwang magkasintahan.

Doon siya labis na nakaramdam nang kasiyahan dahil bukod sa may kasintahan na siyang nakapagpabago sa kaniya, tanggap pa ng pamilya nito ang nakaraang ugali niya.

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga silang nag-isang dibdib. Baon-baon man ng iba ang nakaraang katarant*duhan niya, baon-baon naman niya ngayon ang pag-ibig na nakapagpabago sa kaniya.

Advertisement