
Isang Utos Mula sa Big Boss ang Kailangang Sundin ng Lalaki Kundi ay Buhay ng Kaniyang Ina ang Kapalit; Susundin Kaya Niya Ito?
“Simple lang naman ang ipagagawa ko. Kung hindi mo kaya, mamili ka. Buhay ng nanay mo ang nakasalalay.”
Tumatagaktak ang pawis ni Diego. Nakatutok sa kaniya ang baril ni Asbal, ang kaniyang boss. Nakatutok sa kaniya ang baril na gagamitin niya upang sundin ang utos nito: “Good job” para sa isang taong ni hindi niya nakainitan ng dugo, nakasamaan ng loob, subalit kailangan niyang tapusin.
Matagal na siyang nagtatrabaho kay Asbal bilang “mensahero” nito. Ilegal ang negosyo nito, at kahit paano, kumikita siya sa gawaing ito. Ipinagbabawal na gamot na kailangang ideliver, mga armas na kailangang ipadala sa kung sino-sinong mga armadong lalaki na tila hindi marunong ngumiti, at marami pang iba. Sa halos tatlong taong pagtatrabaho rito, hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang sumuot sa kung saan-saang lugar, at makita ang kung sino-sinong mga taong hindi niya kilala.
Subalit ngayon, iba na ang pinagagawa sa kaniya ni Asbal. Itinataas daw siya sa tungkulin. Sa totoo lang, gusto na niyang kumalas sa grupo. Ngunit huli na ang lahat. Kapag nakapasok na sa grupo ni Asbal, wala nang alisan. Ang pag-alis ay katumbas ng kamat*yan.
“Ano, Diego? Huwag mong sabihing bumabahag ang buntot mo? Simple lang naman ang gagawin mo. Para ka lang… para ka lang kakatay ng manok. O kaya naman, lamok,” sabi ni Asbal habang humihithit ng malaking tabako.
“H-hindi ako mamamat*y-tao, Asbal. Parang hindi ko kaya,” nauumid ang dilang sabi ni Oliver.
Natawa si Asbal.
“Puwes, wala akong pakialam. Kayanin mo. Kung hindi, nanay mo ang ililibing ko nang buhay. Kaya mamili ka. Buhay ng iniuutos ko sa iyo, o buhay ng nanay mo?”
Kaya naman hindi makatulog si Oliver nang gabing iyon. Binigyan pa siya ng isang araw ni Asbal upang makapag-isip at makapagdesisyon. Kapag nagtagumpay siya sa ipinapagawa nito, babayaran daw siya nang malaki-laki, at magiging tauhan na siya na gumagawa ng “Good job.”
“Anak, may bumabagabag ba sa iyo?” tanong ng kaniyang inang si Aling Lorna.
“Wala naman, ‘Nay. Bakit gising pa kayo? Dapat natutulog na kayo, bawal sa inyo ang mapuyat,” nag-aalalang tanong ni Oliver sa ina. Tumatanaw siya ng utang na loob dito dahil sa mga sakripisyong ginawa nito sa kaniya. Isang solo parent ang kaniyang ina. Kaya naman, lahat ay gagawin niya para dito.
“Nagising lang ako para uminom ng tubig. Tapos nakita kita. May dinaramdam ka ba, anak?” tanong ni Aling Lorna.
Napabuntung-hininga naman si Oliver.
“Wala naman po, ‘Nay. Hindi lang ako makatulog. Mamaya po, matutulog na ako. Magpahinga na po kayo,” sabi ni Oliver.
Mahal na mahal niya ang kaniyang ina at ayaw niyang mapahamak ito. Kaya naman, isang malaking desisyon ang ginawa niya. Pumayag na siya sa utos ni Asbal.
Sakay ng motor, sinundan na nga niya ang target. Isang lalaking pamilyado. Nakaumang na ang baril mula sa malayo, subalit hindi niya magawang kalabitin ang gatilyo. Hindi siya mamamat*y-tao. Hindi kaya ng kaniyang sikmura na kitlin ang buhay ng kaniyang kapwa.
Mabilis na nakarating kay Asbal ang pag-urong niya sa ipinagagawa nito. Alam na niya ang nararapat gawin. Kailangan na niyang mag-impake kasama ang ina at magtago. Magpalakayo-layo. Tiyak na hahabulin siya ni Asbal.
Subalit pagdating sa bahay, wala na ang kaniyang ina.
“‘Nay! ‘Nay!”
Agad siyang nagtungo sa kusina. Wala. Sa palikuran. Wala rin. Nanginginig ang kalamnan ni Oliver. Parang sasabog ang kaniyang utak. Tiyak na kinuha na ni Asbal ang kaniyang ina. Kailangan niyang magmadali. Kailangan niyang mailigtas ang kaniyang ina. Naisandal niya ang ulo sa dingding. Hindi niya alam ang gagawin.
Agad na sinugod ni Oliver ang kanilang kuta. Wala na siyang pakialam sa kaniyang sariling buhay. Ang mahalaga, mailigtas niya ang pinakamamahal na ina.
Kaya nang makita niya si Asbal, agad niyang iniumang ang baril sa kaniya. Nagtaas naman ng dalawang kamay ang kaniyang big boss.
“Teka, teka, teka muna Oliver… masyado kang mainit eh! Anong problema?”
“Ilabas mo ang nanay ko! Ilabas mo siya!” galit na galit na sabi ni Oliver.
“Teka muna, wala sa akin ang nanay mo. Bakit ko naman kukunin ang nanay mo? Bakit? Hindi ka ba mission accomplished sa ipinapagawa ko sa iyo?” tanong ni Asbal.
Sa pagkakataong iyon, mabilis na gumana ang utak ni Oliver. Nakaumang na ang baril kay Asbal. Kapag hinayaan pa niyang mabuhay ito, hindi rin matatahimik ang buhay niya. Isang putok ang pinakawalan ni Oliver. Dalawa, tatlo, apat, lima… Limang bala ang nagpalagot sa hininga ni Asbal.
Narinig ng iba pang mga tauhan ni Asbal ang putok ng baril kaya dali-dali silang nagtungo sa opisina nito. Nakita nila ang ginawa ni Oliver. At muling pumailanlang ang sunod-sunod na putok. Isa, dalawa, tatlo… umabot ng dalawampu. Las*g-las*g ang katawan ni Oliver.
“Anak… anak ko… mahal na mahal kita… hindi mo sana pinasok ang magulong mundong iyan, mahal na mahal kita! Anak ko!”
Halos maglupasay si Aling Lorna sa nakatakip na kabaong nito. Totoong hindi siya nakuha ni Asbal. Nagtungo lamang siya sa palengke upang mamili at nagkataong nagkasalisi lamang sila. Subalit hindi na mababawi ang buhay ng anak na si Oliver, na hanggang sa huli, kapakanan niya ang iniisip.