
Isinakripisyo ng Isang Ginang ang Buhay Para sa mga Kapatid, Ngunit Para sa mga Ito ay Madamot Pa Rin Siya
“Ate, baka naman may pera ka pa d’yan, wala kaming ulam ngayon, eh, ‘yong asawa ko, ayon, ayaw umalis sa sugalan. Kawawa naman ang mga anak ko,” daing ni Marie sa panganay niyang kapatid, isang araw nang sadyain niya ito sa sariling bahay.
“Naku, Marie, pasensiya ka na, hindi pa ako nasweldo, eh, kakabili ko lang din ng gas, eh, naubusan kasi kami kanina habang nagluluto ako,” sagot ni Carla saka ipinakita ang bagong biling gasolina sa kapatid.
“Maniwalang wala kang pera, ate? Eh, nabalitaan ko kahapon binigyan mo pa ng isang libo si bunso,” nguso ng kaniyang kapatid.
“Oo nga, ‘yon na lang ang tanging pera ko, may sakit daw ang anak niya at wala siyang pambili ng gamot. Kung gusto mo ng ulam, mayroon naman kaming sobrang ulam dito, iyon na lang ang ibibigay ko sa’yo,” alok niya rito, buong akala niya’y matutuwa ito ngunit laking gulat niya nang bigla itong mag-amok.
“Iyo na ‘yan, isaksak mo sa baga mo! Napakadamot mo, sana masama mo sa hukay ang pera mo!” bulyaw nito sa kaniya saka tinalikuran.
“Marie, ngayon lang ako hindi nakapagbigay sa’yo dahil wala pa nga akong sweldo, tapos ganiyan ka makaasta?” malumanay niyang sambit dito, nilingon lang siya nito at inirapan saka padabog na lumabas ng kaniyang bahay dahilan upang siya’y mapailing na lang.
Noon pa man, takbuhan na ng kaniyang mga kapatid ang ginang na si Carla. Bukod kasi siya lang ang nakaluluwag-luwag sa mga kapatid, siya lang ang mapagbigay sa mga ito.
Bata pa lamang sila nang ipamalas na niya ang kaniyang kabaitan sa tatlo niyang mga kapatid. Dahil nga siya rin ang panganay, isinakripisyo niya ang buhay para sa mga ito dahil sa hirap ng buhay nila noon.
Tumigil siya sa pag-aaral noong siya’y nasa hayskul upang mapag-aral ang kaniyang mga kapatid. Pumasok siya sa isang pabrika ng mga lamang-dagat sa murang edad at dito niya inumpisahang igapang ang kaniyang mga kapatid.
Tiniis niya ang lahat nang panghuhusga at pangmamaliit sa kaniya. Ginawa niya itong inspirasyon upang makabangon sa hirap dahilan upang labis siyang hangaan ng kaniyang mga magulang.
Lumipas ang mga taon, kasabay ng pag-aaral ng kaniyang mga kapatid ang pag-angat ng posisyon niya sa naturang pabrika hanggang sa siya na ang namamahala sa mga empleyado rito dahilan upang paunti-unti siyang makaipon. Dito na rin niya nakilala ang kaniyang napangasawa na talaga nga namang nakatulong sa kaniya nang malaki.
Matagumpay niya ngang napagtapos ang mga kapatid ngunit hindi pa roon nagtatapos ang pagtulong niya sa mga ito. Hanggang sa magkapamilya na ang mga ito, siya pa rin ang palaging tinatakbuhan. Tila naabuso ng mga ito ang kabaitang mayroon siya at madalas, kapag natatanggihan niya ang mga ito, labis pang nagagalit sa kaniya.
Kinabukasan noong araw na makausap ang kapatid na si Marie, nakatanggap siya ng balitang ikinalat nito sa kanilang barangay na pinagdadamutan niya raw ito dahilan upang labis na sumama ang kaniyang loob.
Tinangka man niyang kausapin ito at paliwanagan, hindi siya nito kinikibo at pinagtatabuyan pa siya dahilan upang kausapin niya ang iba pa niyang kapatid ngunit imbis na tulungan siya, pinagsalitaan din siya ng mga ito. Madamot daw talaga siya’t puro sarili ang iniisip dahilan upang labis na madurog ang kaniyang puso.
Sinabi niya lahat nang ito sa kaniyang asawa at minabuti nitong pagbakasyunin muna siya upang makapag-isa at makapag-isip-isip sa buhay.
Sinunod niya nga ang asawa’t nagbakasyon muna sa bahay nito sa probinsya kasama ang kaniyang dalawang anak. Inaliw niya ang sarili sa pagtatanim ng mga gulay at pag-aani ng mga hinog na prutas doon.
Ilang araw lang ang lumipas, napagtanto niyang siguro nga mali rin ang ginawa niyang pagiging sobrang bait at mapagbigay sa mga kapatid. ‘Ika niya, “Buhay at pangarap ko na nga ang sinakripisyo ko, eh, madamot pa rin pala ako sa paningin nila,” saka niya isinubsob ang sarili sa papag na nasa harapan niya.
Napagdesisyunan niyang hindi muna magparamdam sa kaniyang mga kapatid. Lumipat na rin sila ng bahay malapit sa kaniyang trabaho. Pilit man siyang tinatawagan ng mga kapatid, hindi niya ito sinasagot.
“Hayaan niyo muna akong piliin ang sarili ko ngayon,” sambit niya habang pinagmamasdan ang pagtunog ng kaniyang selpon dahil sa tawag ng kaniyang kapatid na si Marie.
Alam niyang balang araw ay mapagtatanto rin ng kaniyang mga kapatid ang pagsasawalang bahala nila sa hirap at sakripisyo na ibinigay niya sa mga ito. Sa ngayon, buo na ang loob ng ginang na ialay na lamang ang buong lakas at pagmamahal sa kaniyang asawa’t mga anak.