Inday TrendingInday Trending
Butihin Kong Mga Magulang

Butihin Kong Mga Magulang

“Mahal, anong gagawin ko dito? Malalagot talaga ako sa nanay ko. Baka mapalayas ako noon!” problemadong tanong ni Clara sa kanyang nobyo habang nakatitig sa pregnancy test na kanyang ginamit.

“Wala tayong magagawa, andyan na iyan eh. Hindi naman pwedeng ipalaglag mo yan. Hinding hindi ako papayag kung gusto mo mang gawin iyon,” tugon naman ni Philip, saka tinapik-tapik ang nobya sa likuran.

“Eh ano ngang gagawin natin, Mahal? Naguguluhan na ako. Gusto ko na mawala na lang na parang bula para matapos na itong bangungot na ito! Kung nananaginip man ako, gisingin mo na ako, parang awa mo na!” nagsimula nang humagulgol ang dalaga sa balikat ng kanyang nobyo.

“Mahal ko, kumalma ka. Sasamahan kita, sasabihin natin sa mga magulang mo,” alok naman nito.

“Hindi ka pa nga nila kilala diba? Ano na lamang ang sasabihin nila sa akin?” inis na sambit ng dalaga, tila nababalot na siya ng inis at kaba.

“Tanggapin na lang natin lahat ng galit nila, kaysa mawala sa atin ang anghel na ito. Kasalanan natin ito, Mahal. Huwag natin idamay yung nabuo natin. Magiging maayos rin ang lahat, magtiwala ka sakin…” malumanay na pahayag naman ng binata, saka hinalikan sa noo ang dalaga at pinunasan ang luha nito.

Isang taon at kalahati pa lamang bilang magkarelasyon ang dalawa. Nagkakilala sila sa pinapasukan nilang paaralan. Dahil nga madalas magkita at magkasama, lumalim ang kanilang pagtitinginan hanggang sa napagpasyahan na nilang pumasok sa isang relasyon.

Hindi naman nagtagal, nagbunga ang kanilang kapusukan, nagbunga ang kanilang pagmamahalan na talaga nga namang prinoproblema nila ngayon.

Isang linggo matapos nilang malaman na may nabuo nga sila, nagpasya na sila magtungo sa bahay ng dalaga upang ipagbigay alam ito sa mga magulang nito. Laking gulat ng mga magulang ng dalaga nang may ipakilala itong lalaki sa kanila sa unang pagkakataon.

“O, Clara, classmate mo? May kailangan ba kayong gawin dito sa bahay? Naku, hindi mo naman agad sinabi!” natatarantang sambit ng kanyang ina habang nagmamadaling imisin ang mga kalat sa kanilang sala.

“Ma, hindi po. Nobyo ko po… Katunayan nga po, may ipagtatapat sana ako Ma. B-buntis po ako…” walang anu-anong pahayag ng dalaga, napatigil naman sa paglilinis ang kanyang ina, tila gulat na gulat ito sa mga salitang nabanggit.

“Ano? Clara hindi magandang biro iyan ha? Ngayon ko nga lang nakita yang pagmumukha ng lalaking iyan, tapos sasabihin mo nabuntis ka na? Paano na ang pag-aaral mo ha? Paano na ang mga pangarap mo? PAANO NA KAMI? Hindi ba nangako ka na tutulungan mo muna kami bago ka mag-asawa? Diyos ko naman!” tuloy-tuloy na sermon ng kanyang ina, napalabas naman dahil sa ingay ang kanyang ama, galit na galit ito nang malaman ang nangyari sa anak.

“Clara, hayaan mo munang kumalma ang nanay mo, umalis muna kayo.” matipid na sabi ng kanyang ama, hindi naman makagalaw dahil sa kaba at takot ang dalaga, iyak lamang ito ng iyak habang pinagmamasdan ang humahagulgol rin ang ina.

Umalis na nga muna sila Clara sa kanilang bahay noong araw na iyon. Pinangaralan naman siya ng kanyang nobyo at sinabing hindi siya iiwan nito.

Lumipas ang mga araw na hindi pa rin siya pinapansin ng kanyang ina. Kahit pa nagkakasalubong sila sa kanilang bahay at tinatangka niya itong kausapin, pilit itong umiiwas.

Nagdaan pa ang mga buwan at tuluyan nang nagbigay buhay sa isang malusog na sanggol ang dalaga. Nagulat naman siya nang nanay niya ang nag-aasikaso sa kanya pagkagising niya.

“M-mama, pasensya na po kayo sakin…” maluha-luha niyang sambit, matagal bago tumugon ang kanyang ina, hinimas lamang siya nito sa ulo at unti-unting umiiyak.

“Ayoko lang na matulad ka sakin, kaya labis ang galit ko noong mga nakaraang buwan. Pasensya ka na rin kay Mama, alam kong malaki ang pagkukulang ko sayo kaya ka nagkaganyan. Alagaan mong mabuti ang anak mong babae, nang hindi matulad sa atin ha?” pangangaral naman ng kanyang ina, naabutan naman silang nag-iiyakan ng kanyang ama kaya parehas sila nitong niyakap ng mahigpit.

Bigla namang dumating si Philip sabay sabing, “Pwede po ba akong makisali sa yakapan niyo?” tumango naman ang tatay ng dalaga, hinaplos-haplos naman siya ng ina nito sa buhok saka siya isinali sa kanilang yakapan.

Wala nang mas sasaya pa kay Clara noong pagkakataong iyon. Dahil bukod sa ayos na muli ang kanyang pamilya, matagumpay niyang nailabas ng malusog ang kanyang unang anghel.

May pagkakataon talagang makakagalitan tayo ng ating mga magulang dahil sa padalos-dalos nating desisyon. Huwag nawa tayo magtanim ng sama ng loob sa kanila dahil dito. Tanging kagustuhan lamang nila na mapabuti tayo.

Bilang mga magulang madalas na nagagalit tayo kaagad kapag hindi natupad ng ating anak ang mga ekspektasyon natin, ngunit marapat nating alalahaning tao rin sila at nadadala ng emosyon. Nawa’y huwag natin sila itakwil bagkus mas lalo pa natin silang gabayan at samahan sa buhay hanggang sa abot ng ating makakaya.

Advertisement