“Anak, matulog ka na! Cellphone ka na naman nang cellphone diyan! Gabing-gabi na,” sigaw ni Edna mula sa sala. Magdamag na kasing nilalaro ng walong taong gulang niyang anak na si Micah ang cellphone niya.
Halos tuwing kakain at maliligo lamang bibitawan ng batang si Micah ang gadyet. Pagkagaling nga sa eskwela ay agad niyang hinahawakan ang cellphone ng ina, at tuloy-tuloy na ito sa paglalaro. Sa tuwing ipinagbabawal ni Edna ay nagwawala at humahagugol si Micah. Nalulupasay pa nga ito sa sahig, at minsan nga ay hindi niya pa ito mapatigil kahit siya na ay magalit.
Bumababa na rin ang nga grado na nakukuha ng kaniyang anak sa eskwela, dahil sa madalas nitong paglalaro. Kahit na itago pa ni Edna ang kaniyang cellphone sa iba’t ibang lugar ay patuloy pa rin itong nahahanap ng anak at patagong nilalaro sa kaniyang kwarto.
Hindi na malaman ni Edna ang gagawin upang madisiplina niya ang kaniyang anak. Hanggang sa nakakita siya ng isang post sa facebook, kung saan nilagyan ng nanay ang mukha ng kaniyang anak ng lipstick na hindi agad natatanggal, upang takutin ito dahil sa sobrang paggamit ng gadgets.
Kaya sinubukan ni Edna na gawin ang ginawa ng nanay na nagviral ang post sa facebook. Bumili siya ng lipstick sa isang mall, sinigurado niya na ‘yon din ang lipstick na ginamit ng nagpost upang makasigurado na gagana ito at hindi delikado para sa kaniyang anak.
Isang hapon nang makauwi si Micah, agad niyang kinuha ang cellphone ng kaniyang ina na nakatago sa loob ng cabinet. Hinayaan ni Edna ang anak na maglaro hanggang sa makatulog ito. At nang makatulog ang anak, nilagyan niya ng mga tuldok na kulay pula ang kamay nito gamit ang lipstick na kaniyang binii. Hindi niya masyadong dinagdagan at baka mahirapan siya sa pagtanggal nito. Pinatuyo at hinayaan niya ang lipstick sa kamay ng anak.
Nagulat na lang si Edna ng marinig na pagsigaw at pag-iyak ng kaniyang anak. Nakita na siguro ng kaniyang anak ang mga pulang tuldok sa mga kamay nito.
“Mama!” sigaw ni Micah na halos mabingi na ang tenga ni Edna sa lakas mg pagsigaw nito.
“Ma!” patuloy na sigaw ni Micah habang ngumangawa sa pag-iyak at tumatakbo papalapit sa kaniya.
“Oh, anak! Bakit?!” tanong ni Edna sa anak na tila nag-aalala.
“Ma, ano po ito?! Paggising ko ay may mga mga ganito na ako sa kamay,” natatarantang sabi ng anak niyang si Micah habang itinuturo ang mga pulang sugat sa kaniyang kamay.
“Hala! Ano bang ginawa mo bago ka matulog?” kunwari na gulat ni Edna na parang wala itong alam sa nangyayari.
“Naglalaro lang naman po ako eh. Tapos po nakatulog na ako,” umiiyak na wika ng anak.
“Naku anak! Kak-cellphone mo ‘yan! Lagi ka kasi nakahawak sa gadgets eh,” sabi ni Edna.
“Hindi naman po ‘yan ang dahilan,” ngumangawa pa ring sabi ng batang si Micah.
“Di umiinit yung cellphone kapag ginagamit mo di ba? Pero naglalaro ka pa rin kahit umiinit? Kaya nagkaganiyan anak, yung kamay mo, sobra na ang paggamit mo,” paliwanag ni Edna upang maintindihan ng anak na ang cellphonr ang may sanhi ng mga pula-pula sa kaniyang kamay.
“Ayaw ko na mag cellphone, Ma! Ayaw ko na! Ayaw mawala Mama! Kuha ka po ng alcohol ma baka mawala,” umiiyak pa rin si Micah dahil sa takot.
Kumuha ng alcohol si Edna at pinakita sa anak na sinusubukan niyang tanggalin ang mga pula-pula, pero ayaw pa rin itong matanggal. Nagmistulang mga mga pantal ito sa kamay ni Micah.
“Anak, ayaw mawala. Maaga kang matulog mamaya at magpahinga. Wag na maglalaro ng gadgets ha? Baka pag gising mo magaling na ‘yan, anak,” wika ni Edna na unti-unti nang pinatatahan ang anak.
Maagang natulog noon si Micah at hindi na muling hinawakan ang cellphone ng ina. Habang tulog naman ito, tinanggal na ni Edna ang natuyong lipstick sa kamay ng anak. Naawa ito sa pag-iyak ng kaniyang anak kanina, ngunit mukhang gumana ito upang mapahinto niya sa pag gamit ng cellphone ang anak.
Kinabukasan ay naging maganda ang gising ni Micah dahil wala na ang mga pulang pantal sa kaniyang kamay. At dahil sa takot na baka bumalik ang mga ito, hindi na muling humawak ng cellphone si Micah. Tanging mga libro at mga laruan na lamang niya ang kaniyang ginagamit.
Ngunit makalipas pa ang dalawang araw ay bigla nagkaroon ng butlig-butlig si Micah sa kaniyang kamay. Nangangati rin ito at mamamaga. Agad niya itong ipinakita sa ina at laking gulat ni Edna dahil mukhang nagkaroon ng masamang epekto ang lipstick na inilagay niya noong nakaraang araw. Natakot si Edna sa nakitang pamamaga ng kamay ng kaniyang anak at agad niya itong dinala sa ospital.
Binigyan ng paunang lunas na ointment ang kamay ni Micah at niresitahan ito ng mga gamot.
“Mommy, sa susunod maging maingat po tayo sa balat ng ating anak. Safe naman po yung lipstick ng anak niyo, pero iba-iba po ang klase ng mga balat, lalo na si Micah, maselan po ang balat nito, idagdag niyo pa po na bata pa lang siya,” bilin ng doktor kay Edna.
Nagsilbing aral naman ito kay Edna. Maari nga na nadisiplina niya ang kaniyang anak sa ginawa niya, ngunit naghatid naman ito ng panganib sa kaniyang anak. Kaya mula noon, mas pinagbuti na lamang ni Edna ang pagdidisiplina sa kaniyang, at kinakausap na lamang niya ito at ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay upang mas maintindihan ito ng kaniyang anak. Sa huli, ang mga magulang ang unang pumuprotekta sa kanilang mga anak.