Sanay sa mahabang biyahe si Grace. Mula trabaho ay halos umuubos ito ng dalawag oras sa kalsada para lamang makabiyahe paalis at pauwi mula sa kanilang tahanan. At sa haba ng biyahe ni Grace, madalas nagkakaroon siya ng panahon upang makapagnilay-nilay or makapagmasid-masid sa kaniyang paligid.
At tulad ng nasasaksihan ng lahat, may mga batang pulubi ang madalas na sumasakay sa mga pampublikong jeep para humingi ng limos. Minsan ay magpupunas ng mga sapatos o kaya naman ay kakanta at tutugtog. Kahit mali-mali ang lyrics ng mga kanta ay patuloy lang ang mga ito.
Malambot ang puso ni Grace, kaya sa tuwing makakakita siya ng mga ganito ay agad naantig at nahahabag ang kaniyang puso. Lalo na kapag ang mga bata ay likas na masayahin, at maganda ang performance kapag nanglilimos. Noong una ay mga barya ang ibinibigay ni Grace, kahit na walang nais na magbigay, basta sa oras na may maabutan siyang nanglilimos sa jeep na kaniyang nasakyan ay bibigyan niya talaga ang mga ito ng kaunting barya.
Minsan pa nga ay kahit ayaw ng ibang mga nakasakay na pasahero na magbigay ng limos ay mapapabigay ang mga ito sa oras na makita si Grace na mag-abot ng barya sa mga bata. Para sa kaniya ang munting barya na ito ay may kaakibat na tulong sa mga batang walang matitirahan at makakain.
Ngunit hindi sukat akalain ni Grace na darating ang araw na magbabago ang paningin niya sa mga batang nanglilimos. Nang minsan kasi ay may isang bata ang nanlimos sa jeep na kaniyang sinakyan. Binigyan niya ito ng sampung piso, at laking gulat niya sa nakita nang makababa na ang bata.
Pagkababang-pagkababa ng bata ay nakita ni Grace kung paano inabot ng batang palubi ang barya na napaglimusan sa isang matandang pulubi, kapalit ng barya ang isang maliit na supot na may laman na rugby. Gulat na gulat si Grace sa kaniyang nakita. Nasaktan siya sa ginawa ng bata. Hindi kasi niya sukat akalain na ganoon ang ginawa ng bata sa pera na ibinigay niya. Ang akala niyang tulong na naibigay ay ginamit ng bata upang bumili ng isang bagay na ikakapahamak nito.
Mula noon ay nag-alangan na si Grace na magbigay ng limos sa mga pulubing makakasalamuha sa jeep. Hindi na siya nagbibigay at para hindi maawa, minsa ay nagtutulog-tulugan na lamang siya.
Hanggang sa may isang batang babae na pulubi ang minsang sumakay sa jeep na kaniyang sinasakyan. Nasa anim na taong gulang ang hitsura at laki ng bata, kasama ang isang musmos din na halos nasa tatlong taong gulang pa lamang ata. Unang tingin pa lamang ni Grace ay naawa na siya, ngunit dahil sa naranasan noon, takot na siyang magbigay ng limos.
“Ate, Kuya…” wika ng batang babae.
“Palimos po, pangbili lang po ng pagkain,” malambing at nakakaawang sabi ng bata.
At kahit nakakaawa ay wala pa rin nag-aabot ng limos sa mga batang ito. Si Grace naman ay inuunahan ng pag-aalinlangan. Hanggang sa nilapitan siya ng bata hawak ang kapatid nitong maliit.
“Ate, palimos po…” nagmamakaawang sabi ng batang babae.
“Ate, kahit kaunting limos lang po. Nagugutom na po kasi ang kapatid ko. Baka may biscuit po kayo diyan o kahit candy po,” pilit at nagmamakaawang sabi ng batang babae sa kaniya at sa katabi nitong pasahero.
Nang mga sandaling iyon naman ay tila naalala ni Grace and biscuit na nakatabi lang sa kaniyang bag. Agad niyang binuksan ang bag at kinuha ang biscuit na natatabunan na ng kaniyang mga gamit. Durog-durog na ito dahil mag-iisang linggo na ito sa loob ng bag niya.
Inabot niya ang biscuit sa bata, at kitang-kita niya sa mga mata ng mga nito ang saya at tuwa. Nagpasalamat ng nagpasalamat ang batang babae kay Grace habang pababa ng jeep. Ang kapatid naman maliit ay tuwang-tuwa sa ibinigay ni Grace na biscuit at pinapabuksan ito agad sa kaniyang ate upang kainin.
Nang makababa ang dalawang bata sa jeep ay pinagmasdan ni Grace ang mga ito. Agad umupo ang dalawa sa gilid ng bangketa at masayang pinagsaluhan ang durog na biscuit. Sa pagkakataong ito ay tila napalitan muli ng saya ang puso ni Grace at nakalimutan ang pangit na alaala sa isang pulubi na kaniyang tinulungan.
Hindi namalayan ni Grace na nakangiti na siya at pilit na tinatanaw ang dalawang bata habang papalayo na ang jeep sa kanilang kinauupuan.
Dahil sa nangyari ay tila bumalik ang dating malambot na puso ni Grace. Pero nagsilbing aral din sa kaniya ang nangyari. Mula noon ay hindi na siya nagbibigay ng mga barya or pera bilang limos sa mga bata. Ayaw niya kasi na magamit ito sa maling paraan.
At bilang kapalit ng barya ay laging may baon na biscuit si Grace sa kaniyang bag. Hindi lang basta isang biscuit, bumibili pa siya ng isang balot para sa tuwing may manlilimos sa kaniya ay maari niyang abutan ng isang biscuit ang bawat isa. Talagang sinisigurado niya na laging may laman na biscuit ang bag niya. Minsan nga ay nagtataka pa ang kaniyang ina.
“Anak? Nauubos mo pa yang binabaon na mo isang balot? Pwede ka naman magbaon ng paisa-isa. Baka isipin nila na ang takaw mo anak,” wika ng ina ni Grace nang minsan ay makita niya ang anak na naglalagay na naman ng isang balot ng biscuit sa kaniyang bag.
“Okay lang, ‘nay. Napapasaya ako ng mga biscuit na ito eh,” sagot niya sa ina. Hindi na niya ikinuwento kung saan napupunta ang mga biscuit na baon. Munting sikreto na lamang niya ‘yon sa kaniyang puso.