Inday TrendingInday Trending
Unang Pag-ibig, Pangalawang Pagkakataon

Unang Pag-ibig, Pangalawang Pagkakataon

Tanghali nang makasakay si Miya pauwi ng kanilang bahay. May nakatabi itong lalaki na halos nakatakip ang mukha habang natutulog. Dahil sa paghihinalang magnanakaw ito na nagtutulug-tulugan tinago niya ang kaniyang selpon at inilabas ang kaniyang libro na ipinahiram ng kaniyang matalik na kaibigan noong bata pa lamang sila.

Habang binabasa niya ito ay napansin niya na nakikibasa na ang kaninang tulog na lalaki.

“Hi, gusto mong basahin muna? Natapos ko na rin naman ito,” pag-aalok ni Miya sa katabi. “Hindi na. Nabasa ko na rin ‘yan dati. May ganiyan din ako na libro noon kaso pinahiram ko sa kaibigan ko,” sagot naman nito.

Nagulat si Miya sa sagot nito kaya agad niya itong nilingon. Halos lumuwa ang mata ng dalaga nang makita ang kaniyang kababata.

“Jared? Ikaw ba ‘yan?” mautal-utal na tanong ng dalaga. Agad naman siyang niyakap ng binata kaya niyakap niya rin ito pabalik.

“Kamusta ka na, Miya? Namiss kita nang sobra,” masayang sabi ni Jared. “Hindi ko alam na sa’yo pa pala ang libro na iyan,” pahabol pa nito.

“Akala ko hindi ka na babalik. Akala ko hindi na kita makikita ulit,” naiiyak na sabi ni Miya.

Nagtuluy-tuloy ang pag-uusap ng dalawa. Nagpalitan sila ng numero subalit natigilan ang mga ito nang biglang pumara si Jared.

“Magkikita pa tayo, ha?” sabi ng dalaga. “Talagang magkikita pa tayo. Hahanap-hanapin mo ako,” pabirong sagot ng lalaki.

Nang makababa na si Jared at nang paalis na ang bus ay sinilip ni Miya ang kaniyang kaibigan. Habang kumakaway ito sa kaniya ay nagulat ito nang makita ang kaniyang bag na dala-dala ng kaniyang kaibigan.

“Hoy! Bag ko! Kuya, itigil mo ‘yong bus! Kinuha niya ‘yong bag ko!” sigaw ni Miya habang tumatakbo papuntang pinto.

“Bawal na magbaba, miss. Green light na tayo. Mahuhuli kami niyan. Sa kabila na lang. Sa susunod na bus stop,” sabi naman ng konduktor ng bus.

Walang nagawa ang dalaga kung ‘di ang bumalik sa kaniyang kinauupuan. Hindi na siya bumaba sa sumunod na babaan at tuluyan nang umuwi sa bahay dahil sa pagod sa trabaho.

Nang makauwi ay sinalubong siya ng kaniyang ina at napansin nito ang pagsimangot ng anak.

“Miya, bakit ganiyan ang mukha mo? Bakit ka nakasimangot?” nagtatakang tanong ng ina. “Kasi naman, ma, nakasabay ko si Jared sa bus kanina. Tapos nung bumaba na siya dala-pala niya ‘yong bag ko,” nakasimangot na sagot ng dalaga.

Tila tinawanan lamang siya ng kaniyang ina.”Baka naman natulala ka na naman kasi sa kaniya. Hindi ka pa rin ba nakakalimot sa kaniya?” pang-aasar pa ng ina nito.

“Mama, naman, eh!” nahihiyang sagot ng dalaga.

Nagtuloy ang kanilang pag-uusap hanggang umabot ang usapan sa kaarawan ni Miya na kinabukasan na gaganapin. Nagkasundo sila na sa probinsya na nila iyon gaganapin upang makasama muli ng dalaga ang kaniyang mga kababata at dating mga kaklase.

Kinabukasan, alas-singko ng umaga ay nagbyahe na agad ang mag-ina pauwi sa Batangas. Pagkarating nila sa kanilang bahay ay sinalubong na agad sila ng mga kaibigan ni Miya. Ngunit bago pa bumaba ang mag-ina ay muli silang nag-usap.

“Alam mo mas matutuwa ka sa taong naghihintay sa loob ng bahay,” sabi ng ina.

Nagulat naman ang dalaga kaya nagmadali siyang lumabas ng sasakyan. Tumakbo ito papunta sa kanilang bahay at pagkabukas na pagkabukas niya ng pinto ay laking gulat niya sa taong naghihintay sa kaniya.

“Ikaw? Bakit ka nandito?” gulat na tanong ni Miya.

“Hindi ba birthday mo? Tsaka ibabalik ko ‘yong bag mo. Planado namin lahat ng mama mo simula pa lang sa bus. Alam ko ‘yong oras ng uwi mo, kung saan ka umuupo sa bus, lahat-lahat! Kaya, SURPRISE!” nakangiting sagot ng binata na tila ba nang-aasar.

Magsasalita na sana si Miya subalit pinigilan siya ng isa pang tao na nasa likod niya. Pagkalingon niya ay nanlaki ang mga mata niya dahil isa pang mahalagang tao ang bumungad sa kaniya.

“Happy birthday, babe! Will you marry me?” tanong ng kasalukuyan niyang nobyo habang dahan-dahang itong lumuhod sa kaniyang harapan. Halos ‘di makahalaw ang dalaga dahil dalawang importanteng tao ang nasa harapan niya ngayon.

“Yes, babe. Oo naman,” nakangiting sagot ni Miya ngunit hindi siya nagpakita ng saya nung lumingon siya kay Jared.

Ilang oras ang makalipas ay natapos na rin ang selebrasyon ng kaarawan ni Miya. Nag-alisan na rin ang mga tao at ang tanging naiwan ay sina Miya, ang ina nito, si Jared at ang nobyo ni Miya na si Francis.

Natapos ang ilang taon ay ikinasal na sina Miya at Francis. Biniyayaan sila ng isang anak. Habang si Jared naman ay umuwi na sa America para ituloy ang pagtatrabaho.

Umaga nang umalis si Francis sa kanilang bahay para bumili ng ilang gamit para sa bahay subalit imbes na magpunta ito sa grocery ay dumiretso ito sa doktor dahil unti-unti itong nakakaramdam ng pananakit ng dibdib.

“Ikinalulungkot kong ibalita Francis pero ang natatanging paraan para mailigtas ka ay heart transplant. Masyado nang malaki ang butas sa puso mo,” sabi ng doktor sa kaniya. Umalis nang tahimik si Francis sa klinika ng kaniyang doktor at tuluyan nang nagpunta sa bilihan ng mga gamit para bilhin ang mga kailangan ng kanilang pamilya.

Pagkauwi nito ay agad niyang kinausap ang kaniyang asawa.

“Love, naaalala mo si Jared? Gaano kayo kalapit sa isa’t isa?” tanong nito habang hawak ang kamay ni Miya.

“Best friend ko siya simula pa nung una. Kaso nga lang nahulog ako sa kaniya kasi sobrang close na talaga namin. Tapos nagulat ako isang araw nagpaalam siya para pumunta ng America. Sobrang lungkot ko nun! Ilang buwan akong hindi naglaro sa labas dahil sa pag-alis niya. Palagi ko siyang hinihintay na umuwi. Tapos biglang ayun, umuwi siya para sorpresahin ako,” kuwento naman ng dalaga. Tila isang maliit na ngiti lang ang sagot ni Francis sa asawa.

“Babe, puwede ko bang malaman ang address niya?” muling tanong ni Francis. Tinanguan lamang siya ni Miya at kumuha ng papel para isulat ang address at ibinigay sa asawa.

Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay umalis saglit si Francis para tawagan ang isang kaibigan.

“Carmella, kailangan ko tulong mo. Pumunta ka naman ng America. May ipapabigay lang ako na sulat sa sobrang importanteng tao. Baka puwede kang makadaan dito bukas?” tanong ni Francis sa kaniyang kaibigan habang kausap sa telepono. “Oo naman. Sakto at may kailangan rin akong puntahan dun sa America,” sagot naman ng kaibigan nito.

Ilang araw ang makalipas ay nagpunta na si Carmella sa America at tuluyan nang nakita ang bahay ni Jared. Iniwan nito ang sulat sa mailbox ni Jared at hinintay na kunin ng binata ang sulat.

Ilang oras ang lumipas ay nakita na ni Jared ang sulat sa mailbox. Pansin ni Carmella ang pagmamadali ng binata sa pagbalik sa bahay kaya umalis na rin ito agad.

Habang nasa bahay naman ang pamilya ni Miya ay napansin ng babae ang pamumutla ng asawa kaya labis ang kaniyang pagkataranta.

“Babe, dadalin na kita sa ospital. Ilang araw ka nang namumutla!” sigaw ni Miya habang hinahanda ang kanilang sasakyan.

“Huwag na, babe, hindi na rin naman ako aabot. Sorry kasi itinago ko sa’yo,” nakangiting sabi ni Francis habang pinipilit ang kaniyang asawa na huwag nang umalis. “Sana lang umabot siya,” pahabol pa ng lalaki.

Ilang oras pa ang nagdaan at biglang bumukas ang pinto ng bahay ng mag-asawa. Nagulat si Miya dahil bumungad sa kaniya si Jared. Muli namang nagsalita si Francis kahit naghahabol na ng hininga.

“Buti umabot ka. Ikaw na ang bahala sa mag-ina ko, ha?” huling mga salita ni Francis habang nakayakap sa asawa.

Agad naman na dinala ni Jared at Miya si Francis sa ospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Habang nakaburol si Francis ay iniabot ni Jared ang munting sulat para kay Miya.

“Galing ‘yan sa asawa mo. Hindi ko alam pero galing yan sa mailbox ko sa US,” sabi ni Jared habang inaabot ang sulat kay Miya.

Nakalahad sa sulat ni Francis na ipinauubaya niya ang kaniyang mag-ina kay Jared dahil alam niyang wala na siyang pag-asang mabuhay pa.

Hindi naging madali para kay Miya na tanggapin ang pagkawala ng kaniyang mister dahil aminado siyang minahal niya ito ng lubos. Gayunpaman ay nakatulong ang presensya ni Jared sa mga oras ng pagdadalamhati ng babae.

Makalipas ang ilang taon, sa basbas ni Francis ay tuluyan nang nagsama ang dalawa. Si Jared na ang tumayo bilang ama ng bata at asawa ni Miya bilang kapalit ng namayapang si Francis.

Advertisement