Inday TrendingInday Trending
Mahal Kita, Pero Mas Mahal Ko ang Mama Mo

Mahal Kita, Pero Mas Mahal Ko ang Mama Mo

“Hoy, Jessica! Tama na nga ‘yang kakatitig mo kay Fiel, baka matunaw na e!” pang-aasar ng ina ni Jessica na si Laura habang titig na titig sa binata mula sa bintana ng kanilang bahay.

“Mama naman e! ‘Wag kang maingay, baka marinig niya tayo. Nakakahiya!” nahihiyang tugon ni ;.Jessica.

Mag-isang itinataguyod ni Laura ang nag-iisang anak na si Jessica. Magmula kasi nang iwan sila ng ama nitong babaero ay buo ang loob niyang hinding-hindi na siya hihingi ng suporta sa dating asawa, dahil ayaw na ayaw na niya itong makita. Kaya naman doble-sikap at doble-kayod ang kanyang ginagawa matustusan lamang ang lumalaking gastos ng kanyang dalaga.

Gayunpaman, sa kabila ng pagod sa dalawang trabahong pinapasukan, isabay pa ang pagiging maalagang ina kay Jessica, kapansin-pansin pa rin ang ganda at alindog ni Laura. Marami ang mga lalaking nagtatangkang lumigaw sa kanya, ngunit pursigido siyang mapatapos muna sa pag-aaral ang anak bago isipin kung handa na ba siyang pumasok sa isang relasyon.

“Hi Jessica! Hi Tita Laura!” pagbati ni Fiel nang mapansing nakatingin sa kanya ang mag-ina.

Sa pagkataranta at pagkagulat ay bigla na lamang napasalampak sa sahig itong si Jessica upang umiwas sa tingin ng binata. Tawang-tawa naman ang kanyang ina pati na rin si Fiel sa naging reaksyon niya.

“Nako hijo, bigla atang sumakit ang tiyan noong binati mo!” biro ni Laura habang kumakaway sa binatang sinisinta ng anak niya.

“Hay nako, Jessica! Paano ka mapapansin ni Fiel, e sa tuwing kinakausap ka’y bigla kang nagkakaganyan,” sabi ni Laura sa anak nang maisara na niya ang bintana.

Lumipas ang ilang buwan, at patuloy lamang si Jessica sa pagmamasid mula sa malayo sa sinisintang si Fiel. Kasabayan niya rin ang binata sa pag-graduate ng kolehiyo kaya’t nasisiguro niyang tuluyan na silang magkakalayo ng landas.

Dumating ang araw ng pagtatapos sa kolehiyo ni Jessica. Kasama ng kanyang ina, matapos ng seremonya ay nagtungo sila sa isang restawran upang doon magdiwang. Habang kumakain, laking gulat ng mag-ina nang bigla na lamang sumulpot ang isang lalaki sa kanilang harapan! May dala itong bulaklak at naka-suit and tie pa!

“F-Fiel? Fiel! Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Jessica, na uutal-utal pa rin gaya ng dati sa tuwing nakakausap ang binata.

“Ano pa nga ba? Jessica, matagal na kitang napapansin. At gusto pa kita lalong makilala kung pahihintulutan mo ako. Maaari ba kitang ligawan?” diretsang tanong ni Fiel habang iniaabot ang isang bugkos ng pulang rosas at isang kahon ng tsokolate.

Napangiti naman ng wagas itong si Laura, dahil kahit noon pa man ay boto na siya sa binata. Matalino, mabait, at kilalang matulungin ang binata sa kanilang lugar. Ngayong nakapagtapos na sa kolehiyo ang anak niya’y buong puso na siyang pumapayag na magpaligaw ito.

“Oo, pumapayag akong ligawan mo ako,” nakangiti at kinikilig na sagot ng dalaga.

Simula nang araw na iyon, halos araw-araw na kung magpunta sa bahay ng mag-ina si Fiel upang manligaw. Palaging may dalang pagkain, regalo, at kung ano-ano pang sorpresa para sa dalawa.

“Fiel, hijo, ano ka ba naman? Kahit ‘wag ka nang mag-abala sa akin. Si Jessica na lang ang alalahanin mo sa pagbili ng mga kung ano-ano,” bilin ni Laura sa binata.

“Ikaw ho ang nililigawan ko,” seryosong sabi ni Fiel.

“A- ano kamo?”

“Siyempre ho, uunahin dapat makuha ang tiwala ng ina upang makasiguro kayong hindi ko pababayaan ang prinsesa niyo,” dagdag na sagot ni Fiel.

Natawa na lamang si Laura at nagpatuloy sa mga gawaing bahay.

Umabot na ng isang buwan ang panliligaw ni Fiel, ngunit bakas sa mukha ni Jessica ang pag-aalinlangan. Naikwento niya ang lahat nang minsang makasabay niya sa isang kainan ang dating kaibigan noong siya ay hayskul pa lamang.

“Oo, nanliligaw siya sa akin ngayon. Ang kaso, hindi ko maramdamang gusto niya ako e. Para kasing may mali…” saad ni Jessica.

“Na ano? Na parang mama mo ang gusto niya?” diretsang tanong ni Patrice sa kanya.

“Oo! Mismo! Hala, paano mo nalamang iyon ang nararamdaman ko?” manghang tanong ni Jessica.

Napabuntong hininga ng malalim si Patrice bago tinuloy ang sasabihin.

“Kasi Jessica, ang totoo niyan… May gusto talaga si Fiel sa mama mo, kay Tita Laura…”

“Narinig ko lang ‘yan noong minsang maka-inuman ko ang mga kaibigan ni Fiel. Mahilig daw talaga si Fiel sa mga babaeng mas matanda sa kanya, at malakas ang tama sa mama mo. Nung napansin nilang nandoon ako e itinigil nila ang kwentuhan dahil alam nga nilang kaibigan kita,” dagdag pa ni Patrice habang hinahagod ang likod ng unti-unting lumuluhang kaibigan.

Sa mga oras na iyon, nagmadali na si Jessica na makauwi sa kanilang bahay upang ikwento sa kanyang ina ang nalaman. Ngunit laking gulat niya nang makita si Fiel na naroon na pala sa kanilang bahay.

“Hayop ka, Fiel! Layuan mo kami ng mama ko! G*go ka, ginamit mo lang ako! Pinaglaruan mo lang ang damdamin ko,” umiiyak na sambit ni Jessica.

Isiniwalat ni Jessica ang lahat ng nalaman niya sa kanyang ina, at sa oras ding iyon ay tila sumabog si Laura.

“LUMAYAS KA SA PAMAMAHAY NAMIN! Kailan man ay ‘wag na ‘wag kang babalik. Naiintindihan mo?!” sigaw ni Laura sabay dampot ng malaking kutsilyo mula sa kanilang kusina.

Sa labis na takot ni Fiel ay nagtatakbo na ito palayo, at iyon na nga ang huling beses na naaninag ng mag-ina ang binata.

“Anak, sorry! Hindi ko alam! Matagal ko na nga iyong napapansin, pero siyempre ayaw kong masaktan ka kapag itinanong ko sa’yo,” umiiyak na sambit ni Laura.

“Mama naman e. Lalaki lang ‘yon. Ikaw, super nanay ko! May saltik lang ‘yon kasi ginamit pa ako para mapalapit sa’yo. Hay grabe, ang ganda kasi ng mama ko e!” sagot ni Jessica sabay yakap ng mahigpit sa kanyang ina.

Advertisement