
Ang Tigas Ni Darling
“Akalain niyo yun? Wala tayong kaalam-alam na inaaswang na pala yang si Marco dito sa office. Ayun galit na galit ang misis, tatlo pa naman ang anak nila!” pagsisimula ni Grace ng chismis sa kanilang opisina ng umagang iyon.
“Hay naku, sinasabi ko sa inyo, hawakan niyo sa leeg maigi yang mga asawa niyo ng magsipagtino at sa inyo lang tumingin! Aba! Sa panahon ba naman ngayon na usong-uso ang nag-iiksiang palda at kay lalalim na mga blusa, pati na paglalabas ng mga bilog na bilog na balikat!” dagdag ni Grace sa mga ka-opisina sabay inom ng kape.
“Oo nga naman! Gayahin natin itong si Grasya nang magsipagtinuan ang mga asawa natin. Hindi pwedeng takot tayo sa kanila at sila ang masusunod sa bahay. Tulad na lang ni Obet, na pangalan pa lang ni Grace, nakatayo na agad pang-militar!” sawsaw naman ng isa.
Kasunod nito ay ang tawanan nang malakas ng mga kababaihan sa opisina. Habang si Grace ay pangisi-ngisi lamang at wari nagyayabang sa estado niya sa kaniyang asawa.
“Siyempre ako pa! Aba ‘pag di siya umayos ay baka palayasin ko siya,” pagmamalaking sabi ni Grace na dahilan upang muling humalakhak ang mga katrabaho.
Walang trabaho ang asawa niyang si Obet, kaya naman ito ang gumagawa ng lahat ng gawain sa loob ng tahanan. Ito ang nagluluto, naglalaba, at nag-aalaga sa kanilang anak. Pag-uwi niya ay dapat maayos na ang lahat kung hindi ay talagang bubulyawan niya ito. Matapos kasi ng dalawang taon niyang kontrata sa pagbabarko ay nagkasakit ito sa buto at hindi kinaya ang trabaho sa doon. Dahil dito ay napilitan si Grace na mag-hanapbuhay para pantustos ng kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Isang tanghali, maagang umuwi si Grace dahil sa sama ng katawan. Pagdating sa bahay, nadatnan niya ang nagkalat na mga damit at laruan sa sala. Napasimangot ang maybahay at pabagsak na naupo sa may sofa. Natapakan niya ang maliit na laruan na matigas at patusok na siyang naging dahilan ng pagkagalit ng husto ni Grace.
“Obet!” sigaw ni Grace at naupo sa katabing silya. “Bakit nagkalat ang mga laruan ni Junjun? Bumaba ka nga dito at ligpitin mo ‘to!” sigaw ni Grace.
Patuloy ang pagtawag niya sa pangalan ng asawa ngunit walang sumasagot sa kaniya. Galit na galit, tumayo siya at nagtungo sa kusina at banyo ngunit wala siyang Obet na nakita. Nagsimula na siyang mangamba dahil wala ang kaniyang mag-ama. Karaniwan naman kasi ay nagpapaalam si Obet sa kaniya kung aalis o mamamasyal sila ng mga bata. Ngunit sa pagkakataong ito, wala kahit na ano siyang narinig mula kay Obet.
Matapos maghanap ng kaunti sa bahay, nakaramdam siya ng pagkahilo kaya muli siyang bumalik sa kanilang sala at humiga sa sofa, hindi na siya makaakyat sa ikalawang palapag dahil sa sama ng pakiramdam. Hinugot niya mula sa kaniyang bag ang kaniyang cellphone at tinawagan si Obet ngunit hindi ito sumasagot.
“Malamang namasyal na naman ito kasama ang mga bata eh. Hay naku! Malilintikan talaga sakin itong si Obet!” gigil na sabi niya.
“Hoy! Obet! Nagawa mo pa talagang mamasyal masyal ano?! Wala ka ngang trabaho ganiyan ka pa! Tigas mo talaga eh no?! Palamunin na nga kita tapos waldas ka lang ng waldas! Tignan mo nga ang bahay, napakarumi kahit saan tumingin tapos wala ka man lang sinaing dito! Umuwi ka na dito, ngayon din!” wika ni Grace kay Obet sa isang text message.
“Ibili mo rin ako ng gamot ha, yung pang lagnat!” pahabol na text ni Grace.
Hindi niya namalayan na nakaidlip pala siya. Mag-aalastres na ng hapon ay nagising si Grace ngunit wala pa ring Obet na nakita. Pagkatingin sa kaniyang cellphone ay wala pa rin itong reply. Tumayo si Grace at kumuha ng isang baso ng tubig sa ref. Pagkatapos ay naisipan muna niyang humiga at ituloy ang tulog niya sa kanilang silid.
Patungo doon ay nakatingin ito sa kaniyang cellphone at aakmang magta-type ng ipapadalang mensahe kay Obet. Pagkabukas ng pinto isang nakagugulat na eksena ang kaniyang nasaksihan. Hindi makapaniwala si Grace ng maabutan si Obet na natutulog sa kanilang kama kasama ang isang babae. Kapwa walang saplot ang dalawa at magkayakap. Nakilala niya ang babaeng kapitbahay nilang isang taon pa lamang mula nung lumipat sa kabilang bahay.
Hindi malaman ni Grace ang gagawin sa mga sandaling iyon. Tulad sa mga palabas, naisip ni Grace na murahin at saktan si Obet pati na ang babae nito. Ngunit sa panglulumo, sa kabila ng karamdaman, tumalikod siya at binalibag ang pinto. Hindi siya makapaniwala na ang asawa niyang akala niya ay masunurin at matino, ay may kalaguyo pala.
Marahil ay dahil sa kalabog ay nagising ang dalawa, nakita siya ni Obet at agad na hinabol ang asawa.
“Grace! Grace! Sandali lang makinig ka muna sa’kin!” sabi nito sabay haklit sa braso niya. Humarap siya dito na sa kabila ng luha ay punong-puno ng galit ang mga mata.
“Ang tigas talaga ng mukha mo no!? Hindi ka na nga nagtatrabaho, nakuha mo pang magloko!” sigaw niya at sinampal ito nang paulit-ulit. “Walanghiya ka! Lumayas ka ngayon din! Palamunin ka, ang kapal mo!” sabi ni Grace na pinagsusuntok ang asawa.
Nahuli ni Obet ang mga braso si Grace at hinawakan ito ng mahigpit. “Tumigil ka na! Wala kang respeto sa ‘kin bilang asawa mo! Lagi mong sinusumbat lahat ng ginagawa mo at ni hindi mo man lang nakikita kung paano ako bumabawi sa pagkakasakit ko!” sigaw rin ni Obet kay Grace.
“Bakit Obet? Sapat bang dahilan ‘yon upang gawin mo ‘to, manloloko ka!” pinagtatadyakan ito ni Grace at napatigil lang nang makita si Junjun sa may pintuan na nakatingin sa kanila.
“Lumayas ka. Isama mo yung babae mo,” matigas na sabi ni Grace sa asawa atsaka nilapitan ang anak upang yakapin.
Lumayas na nga si Obet pansamantala sa kanilang tirahan. Naiwan si Grace na lumuluha habang nililigpit ang mga kalat sa sala. Bumangon siyang may matinding sakit ng ulo ngunit pinilit niyang pumasok sa trabaho.
Kinabukasan sa opisina ay mayroon na namang bagong chismis.
“Narinig niyo ba? Si Obet, yung masunuring mister ni Grace! May kalaguyo pala! Ang tigas ng mukha diba.”
Napagtanto ni Grace na baka nagkulang nga siya sa pag-respeto at pagmamahal sa kaniyang asawa. Mali na isinusumbat niya parati ang kaniyang trabaho dito samantalang may sakit nga ito. Akala niya na ang pagiging matapang at may kontrol sa kaniyang asawa ang magpapatibay ng kanilang samahan ngunit nagkamali siya rito. Dapat ay mas ipinakita niya ang pagmamahal at pagtanggap dito.