Inday TrendingInday Trending
Nagtampo ang Babaeng ito sa Asawa nang Hindi ito Makarating sa Kaniyang Panganganak, Ito pala’y naging Bayani na

Nagtampo ang Babaeng ito sa Asawa nang Hindi ito Makarating sa Kaniyang Panganganak, Ito pala’y naging Bayani na

“Hon, kakarating lang namin ni mama rito sa ospital, tiningnan agad ni doktora ang lagay ko at ang sabi niya, malaki ang posibilidad na mamayang gabi na ako manganak. Makakapunta ka, ‘di ba?” paglalambing ni Monique sa kaniyang asawang sundalo, isang umaga matapos tingnan ng doktora ang sitwasyon ng kaniyang panganganak.

“Ah, eh, gagawin ko ang lahat, hon, para masamahan kang manganak. Huwag kang mag-alala, ‘pag ire mo, siguradong nasa tabi mo ako, kumukuha ng litrato!” masiglang sagot nito, bakas sa tono ng boses nito ang labis na pagkasabik.

“Sigurado ka, ha?” paninigurado niya.

“Oo naman, hon, pangako!” agarang sagot nito na ikinatuwa niya.

“Naku, ayan ka na naman sa pangangako mo, tapos hindi naman matutupad dahil sa trabaho mo,” pabiro niyang sambit.

“Pasensiya na talaga, hon, wala akong magawa kapag inutusan o ipinadala ako sa ibang lugar nang biglaan ni kumander, eh,” paliwanag nito sa kaniya.

“Ayos lang, nakakatampo lang pero naiintindihan kita, hintayin kita mamaya! D’yan ka muna, papahinga lang din muna ako!” sagot niya, agad namang pumayag ang kaniyang asawa saka binaba ang tawag.

Kasalukuyang dinadala ni Monique ang unang anak nila ng asawa niyang sundalo. Sa tagal nilang mag-asawa, ngayon lamang nagbunga ang kanilang pagmamahalan dahil madalas na wala sa bahay ang kaniyang asawa. Halos buwan-buwan kasi, kung saan-saang lugar ito nadedestino at kung uuwi man, dalawa o tatlong araw lang ang ititigil nito sa kanilang bahay at agad na muling babalik sa trabaho dahilan upang maapektuhan ang pangarap nilang malaking pamilya.

Naiintindihan niya naman ito. Sa katunayan nga, labis niya pang pinagmamalaki ang kaniyang asawa sa mga taong nagsasabing baka raw may iba na itong babae o kaya naman, baka raw ayaw lang nitong sila’y magkapamilya. Sabi pa nga ng isa niyang kaibigan, kung hindi pa raw siya aanakan nito dapat na raw siyang makipaghiwalay habang siya’y bata pa. Lagi niyang depensa, “Pinili kong mag-asawa ng sundalo, alam kong mawawalay siya sa akin nang matagal, pero ayos lang ‘yon dahil tunay kaming nagmamahalan!”

At ilang buwan lang ang lumipas, nalaman niyang siya’y nagdadalang tao dahilan upang labis silang magdiwang mag-asawa kahit sila’y magkalayo. Ngunit, simula noong malaman niyang siya’y magdalang tao hanggang ngayong siya’y magsisilang na, ni isang beses, hindi niya pa nakikita ang asawa dahil ito’y naabutan ng lockdown sa malayong lugar at doon na pinagdestino dahil sa kumakalat na sakit.

Ito ang dahilan upang bahagya na siyang makaramdam nang totoong tampo rito. Ito kasi ang pinakahihintay nilang biyaya, ang pinakapinanalangin nilang dalawa at ang isa sa kanilang mga pangarap, ngunit kahit isang pagkakataon, wala ito sa tabi niya.

Nagsasabi man ito na uuwi para makita at maalagaan siya kahit isang linggo, palagi namang nakakansela dahil sa biglaang pangangailangan ng mga taga-bantay sa bawat lalawigan dahilan upang wala siyang magawa kung hindi ang sarilihin na lang ang sama ng loob niya.

Kinagabihan noong araw na ‘yon, inaasahan na niyang darating na ang kaniyang asawa. Humihilab na rin maigi ang kaniyang tiyan dahilan upang makasiguro siyang lalabas na talaga ang kanilang anak. Tinawagan niya ang kaniyang asawa at ganoon na lang ang tuwa niya nang sabihin nitong, “Papunta na ako d’yan, hon. Mamaya na tayo mag-usap, ha? Nagmamaneho ako, eh,” dahilan upang lalo siyang masabik sa kaniyang pagsisilang. Labis siyang nagtaka at nagtampo dahil dinala na siya’t sinaksakan ng anesthesia, wala pa ang kaniyang asawa.

“Hayaan mo, Monique, papapasukin ko na lang ang asawa mo kapag nandito na. Ang anak mo muna ang alalahanin mo,” nakangiting sambit ng kaniyang ina dahilan upang bahagya siyang mapanatag.

Mayamaya pa, tuluyan na nga siyang nagsilang ng isang malusog na batang lalaki. Ganoon na lang siya naiyak nang marinig niya ang iyak nitong umaalingawngaw sa buong silid na iyon dahilan upang iikot niya ang kaniyang mata at hanapin ang kaniyang asawa.

Ganoon na lang siya labis na nakaramdam ng tampo dahil wala ito sa tabi niya.

Kinabukasan na siya muling nagkamalay at laking gulat niya nang makita ang kaniyang asawang naka-dextrose rin katulad niya sa katabi niyang kama.

“May iniligtas pala siyang matandang tumatawid kagabi d’yan sa tapat, imbis na ang matanda ang masagasaan, siya ang napuruhan. Isang bayani talaga ang asawa mo, ano?” nakangiting sambit ng kaniyang ina habang inaalalayan siyang maupo dahilan upang siya’y maiyak na lang at mapagtantong nakapaswerte niya sa asawang mayroon siya.

Advertisement