
Natakot sa Responsibilidad ang Babaeng ito nang Malaman Siya’y Nagdadalantao, Hindi Niya Inasahan ang Swerteng Dala nito
“Ano na ang balak mo ngayon, ha? Sabi naman kasi sa iyong ayoko pang magkaanak dahil kahit pangkain, hirap na hirap tayong magkaroon!” bulyaw ni Barbie sa kaniyang kinakasamang binata, isang umaga nang makumpirma niyang siya’y nagdadalantao na.
“Pasensiya ka na, mahal, hindi ko naaganapan pero huwag kang mag-aalala. May trabaho na naman ako ngayon, ‘di ba? Sigurado akong makakaraos na tayo,” nakangiting tugon nito sa kaniya dahilan upang labis siyang mainis.
“Pinagmamalaki mo sa akin ‘yang trabaho mo sa karinderya? Tingin mo ba makakaipon ka ng pera pangbayad sa panganganak ko kasabay ng mga bayarin natin dito sa bahay, ha?” masungit niyang tugon dito dahilan upang ito’y bahagyang mapatungo.
“Hindi,” sagot nito, “Pero gagawa ako ng paraan! Magtiwala ka lang sa akin!” dagdag pa nito na tila ba pinapalakas ang kaniyang loob.
“Ewan ko sa iyo! Kung hindi mo kasi ito ginawa, hindi magkakaloko-loko ang buhay natin!” bulyaw niya pa rito saka bahagya itong binato ng hawak niyang pregnancy test.
“Biyaya sa atin ‘to, mahal, huwag ka nang magalit d’yan,” paglalambing nito sa kaniya na labis niya pang kinainis.
“Lumayo-layo ka nga sa akin baka mabigwasan kita!” sigaw niya dahilan upang agad itong lumayo sa kaniya sa takot na masaktan.
Tatlong taon nang may kinakasamang binata sa inuupahan niyang bahay ang dalagang si Barbie. Sa tagal ng kanilang pagsasama, halos araw-araw niyang pinapaalala rito na ayaw niya pang magkaanak dahil sa hirap ng buhay na maaari nilang kaharapin kapag nagbunga ang kanilang pagsasama.
Sumang-ayon naman sa kaniya ang kinakasama lalo na nang ipaintindi niya rito ang mahirap nilang sitwasyon. Bukod kasi sa sila’y nangungupahan lang at maraming pinagkakautangan, nawalan pa sila parehas ng trabaho nang malugi ang pinapasukan nilang kumpanya dahil sa pandemya.
Ngunit, sa tagal ng panahon na sila’y nasa bahay lamang habang tinitipid ang perang naipon mula sa kanilang trabaho, dumating na nga ang kinakatakutan niyang responsibilidad dahilan upang labis siyang manggalaiti sa kinakasama.
Mabuti na lang at may trabaho na ito nang malaman niyang siyang magdadalang tao dahil kung hindi, tiyak, sila’y labis na mahihirapan. Tila umayon naman ang tadhana sa kaniyang mga panalangin at hangarin dahil bukod sa pagtatrabaho ng kaniyang asawa sa isang karinderya, pumatok pa ang tinayo nilang maliit na tindahan ng mga meryenda sa harap ng kanilang bahay dahilan upang kahit paunti-unti, sila’y makaipon para sa kaniyang panganganak.
Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagsilang at ganoon na lang ang tuwa niya nang makita niya ang isang magandang sanggol na tahimik na pinakikiramdaman ang tibok ng kaniyang puso.
“Napakaganda mo, anak, salamat sa Diyos at hindi niya hinayaang ipalaglag kita kahit sa hirap ng ating buhay!” mangiyakngiyak niyang sambit sa anak dahilan upang mahigpit siyang yakapin ng kaniyang asawang tuwang-tuwang din sa ganda ng kanilang anak.
Ginawa niya ang lahat upang ito’y labis na maalagaan sa kabila ng kaniyang pagtitinda at kapag siya’y may sobrang pera, bumibili siya ng magandang damit at mga kolorete para sa kaniyang anak saka niya ito kinukuhanan ng litrato at inilalagay sa social media.
At dahil sa angking ganda ng kaniyang anak na tila na ba may ibang lahi, naging trending sa social media ang kaniyang anak dahilan upang maraming ahensya ang nais kumuha rito bilang model o isama sa isang commercial na labis niyang ikinagulat at ikinasaya.
Hindi niya pinalampas ang mga alok sa kaniyang anak. Minabuti niyang itigil ang kaniyang pagtitinda at ituon ang atensyon sa kaniyang isang taong gulang na anak na kahit tulog o nakasimangot, lumalabas ang kagandahan.
Ito ang dahilan upang sa murang edad nito, maging isa itong model at endorser ng mga gamit na pangbata katulad ng diaper, lotion, shampoo, gatas at iba pang produktong ginagamit ng mga bata na talaga nga namang nakapagpabago ng kanilang buhay.
Nakabili na sila ng sariling bahay dahil sa kanilang anak, napalago niya ang maliit na negosyo na ngayo’y sikat na rin sa kanilang lugar at higit sa lahat, ang kaniyang asawang dati’y nagtatrabaho sa isang karinderya, nag-aari na ngayon ng isang restawran. Lahat nang ito’y nakamit nila dahil sa anak na kinakatakutan niyang lumabas noon.
Doon niya napagtantong kahit anong hirap ang dumating sa kaniya, lahat ng ito’y makakaya niya dahil sa mga milagrosong plano ng Diyos para sa kanilang buhay.