
Nagpupuslit ng Gamit Mula sa Opisina ang Binatang ito, Kahihiyan ang Idinulot Nito sa Kaniya
“Mga hijo at hija, may nawawala na naman tayong isang bungkos ng bond paper. Sino ang huling nag-imprenta sa opisina ko kahapon? Noong isang linggo, tinta ng printer ang nawawala, pati ba naman bond paper, dito niyo kukuhanin sa opisina? May mga sweldo naman kayo, ha?” sermon ng isang manager sa kaniyang mga hinahawakang empleyado, isang umaga nang mapansin niyang kulang na naman ang gamit sa kaniyang opisina.
“Naku, sir, hindi ako ‘yan, ha! Maaga akong umalis kahapon! Ang nakita kong gumagamit ng printer kahapon bago ako umalis ay si Kiel!” sumbong ni Nero dahilan upang magulat ang empleyadong kaniyang itinuro.
“Bawian man ako ng buhay, sir, hindi ako nag-uuwi ng gamit mula rito sa opisina. Saka, aanuhin ko ang tinta at bond paper, eh, may ganiyan na kami sa bahay,” depensa nito.
“Galing dito ‘yon, ano?” pandidiin niya rito dahilan upang ito’y mapatayo na sa kinauupuan at ipagtanggol ang sarili.
“Sariling pera ko ang ginamit ko para mabili ‘yon, Nero! Hindi por que ako ang huli mong nakita roon, ako na ang kumuha. Ang dami-dami nating empleyado rito!” sigaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapangisi.
“Hindi mo kailangang sumigaw kung hindi ka guilty,” tipid niyang tugon dahilan upang ito’y magdabog.
“O, tama na, tama na! Ako na ang kumuha!” sarkastikong awat ng kanilang manager saka ito umalis sa kanilang harapan.
Isang taon nang nagtatrabaho bilang isang mananaliksik sa pinapangarap na kumpanya ang binatang si Nero. Mahirap man ang kaniyang trabaho dahil bukod sa halos ilang oras niya bago matapos ang isang saliksik sa harap ng kaniyang kompyuter, kung saan-saan siya napapadpad at kung sino-sino pa ang kaniyang kinakapanayam, hindi niya pa rin ito binatawan.
Ito kasi talaga ang kaniyang pangarap, nais niyang habang-buhay na matuto mula sa iba’t ibang tao, lugar, kultura at paniniwala at ang isa pang rason, maganda kasi ang pasahod sa kumpanyang ito at lahat ng gamit, pagkain at pasilidad sa kanilang opisina ay libre para sa kanilang mga empleyado.
Ngunit, katulad ng ibang mga empleyado na nasisilaw sa pansariling kagustuhang makuha ang isang bagay, tila nagawa niya ring abusuhin ang kumpaniyang pinagtatrababuhan.
Bukod sa halos araw-araw siyang nagpupuslit ng mga chichirya at ibang pagkain mula rito, pati gamit na makita niyang marami sa opisina ng kanilang manager, kaniyang iniuuwi sa kanilang bahay para sa personal niyang pangangailangan, paminsan pa, ibinebenta niya ito sa mga kakilala. At tuwing hinahanap na ito ng kanilang manager o ibang katrabaho, agad na siyang magbibintang dahilan upang marami sa mga empleyado rito ang mainis sa kaniya.
Kinabukasan matapos ang paghahagilap ng kanilang manager sa mga bond paper na nawala, ang isang kahon naman ng ballpen sa lamesa nito ang kaniyang pinuntirya, nakita niya ito nang siya’y nagpapirma ng mga dokumento rito.
Upang hindi mapagbintangan, nauna siyang umuwi sa kaniyang mga katrabaho’t manager at nang matantiya niyang wala nang tao sa kanilang opisina, agad siyang dumaan sa fire exit ng naturang gusali at dumiretso sa silid ng kanilang manager at doon niya isinilid sa kaniyang bag ang sandamakmak na mga panulat.
“Kung sinuswerte ka nga naman! Sa dami nito, pwede ko itong ibenta!” patawa-tawang niyang sambit saka agad na nagmadaling umuwi.
Ngunit ang kasiyahang nararamdaman niya noong araw na ‘yon ay agad na napalitan ng kahihiyan kinabukasan. Pagkapasok na pagkapasok niya kasi sa kanilang opisina, pinapanuod ng kaniyang mga katrabaho at manager ang bidyo mula sa CCTV na ipinakabit pala ng kanilang manager kahapon ng umaga.
“Kakapain ko pa lang, may nahuli na agad akong malaking daga!” patawa-tawang sambit nito at agad na tumingin sa kaniya, “Nais mo pa bang magtrabaho rito? Hindi ka ba nahihiya? Libre ka na lahat dito, nagagawa mo bang mag-uwi ng mga bagay mula rito para sa personal mong kapakanan? Hindi ko ugaling magpahiya ng tao, Nero, alam mo ‘yan, pero kung hindi ko ito gagawin, marami sa mga katrabaho mo ang gagaya sa’yo,” dagdag pa nito dahilan upang gustuhin niya na lamang na lumubog sa kinatatayuan.
Sandamakmak na bulungan at mga pamanghusgang mga mata ang kaniyang nakita nang iikot niya ang kaniyang mga mata sa buong opisina dahilan upang maiyak na lamang siya.
Noong pagkakataong iyon, sa harap ng mga katrabaho, siya’y sinisante ng may-ari ng kumpanyang iyon dahilan upang tuluyang gumuho ang kaniyang mundo.
Doon niya napagtantong kapag talaga inabuso ang isang bagay, ito’y mawawala sa’yo nang tuluyan.