
Araw-araw Namamalimos ang Bata sa Prutasan ng Isang Ginoo; Paano Niya Tutulungan ang Batang Ito?
“Mang Lando, nariyan na naman po yung batang pulubi o, mamamalimos na naman ‘yan…”
Napasulyap si Mang Lando sa labas ng kaniyang maliit na prutasan, sa harap ng kanilang bahay. Ang kaniyang tindero na si Imo ang nakapansin at tumawag ng kaniyang pansin. Nakatanghod na naman sa kanila ang batang lalaking pulubi, sa tantiya niya ay nasa walong taong gulang, gula-gulanit ang damit at marungis. May kinakain itong tinapay, na maaaring ibinigay lang din sa kaniya, o napulot niya sa daan.
Kahapon ang unang araw ng engkuwentro nila ng bata. Dumaan ito sa kaniyang prutasan, inilahad ang mga payat na kamay. Humihingi ng limos. Dahil sa kaniyang kaabalahan sa mga ginagawa, iniabot niya ang 20 piso rito at saka bumaling na sa kaniyang pag-aayos ng mga prutas, at pagtulong kay Imo sa pag-estima sa mga mamimili. Hindi niya napansin ang kinang sa mga mata ng bata, na nagtatatakbo na palayo.
At ngayon, muling nagbabalik ang bata upang mamalimos kay Mang Lando.
“Huwag mong paalisin. Akong bahala,” bilin ni Mang Lando.
Lumapit si Mang Lando sa batang nakalahad ang mga palad sa kaniya.
“Ikaw ulit? Saan ka ba nakatira?” usisa ni Mang Lando.
Hindi sumagot ang bata. Sa halip, inginuso nito ang kabilang dako ng daan.
“Bata, may iuutos ako sa iyo ah. Bibigyan kita ng pera. Pero gusto ko, itatapon mo itong mga nakaplastik na pinagbalatan ko ng mga prutas doon sa basurahan. Sa basurahan ah? Hindi sa kung-saan-saan. Pagkatapos mong gawin, bumalik ka rito. Bibigyan kita ng 20 pesos.”
At tumalima naman ang bata. Binitbit nito ang mga nakaplastik na pinagtalupan ng mga prutas gaya ng mangga, pinya, santol, at iba pang mga paninda ni Mang Lando. Nagdudumali itong nagtungo sa may pinakamalapit na basurahan. Nang maisakatuparan ito, nakangiti itong bumalik kay Mang Lando.
“Magaling, bata! Oh… heto ang 20 piso mo,” nakangiting sabi ni Mang Lando. Kinuha ito ng bata. Sumulyap ang bata kay Mang Lando. Hindi man ito nagsalita, bakas sa mga mata ng bata ang malaking pasasalamat sa kaniya.
Hanggang sa araw-araw na ngang nagpupunta ang batang pulubi kay Mang Lando. Sa bawat limos nito ay may iniuutos siya: magtapon ng basura, maghakot ng mga paninda, magwalis sa kaniyang harapan, at marami pang iba. Napag-alaman na rin niya ang pangalan nito: Peter daw ang ngalan niya, at ang mga magulang ay wala na. Naging malaking bahay na niya ang lansangan.
Nang sumunod na araw, kinausap ni Mang Lando si Peter.
“Bibigyan kita ng 100 piso pero kailangan, magtawag ka ng mga mamimili ng prutas. Kaya mo ba?” tanong ni Mang Lando.
Tumango naman si Peter. Simula noon, lagi na itong nasa tapat ng prutasan ni Mang Lando. Matiyaga itong magtatawag ng mga mamimili. Paminsan, sumasayaw-sayaw ito, na kinatutuwaan naman ng mga parukyano. Sa pagtatapos ng araw, nakangiting aabutan siya ni Mang Lando ng 100 piso, at masayang-masayang aalis si Peter.
“Mang Lando, bakit po ninyo ginagawa ang mga bagay na iyon sa batang pulubi? Hindi po ba parang namimihasa?” minsan ay usisa sa kaniya ni Imo.
“Alam mo Imo, gusto kong iparating sa batang iyon na ang mga bagay sa mundong ito ay kailangang paghirapan at hindi basta-basta nakukuha nang biglaan lamang. Malupit ang mundong ito. Hindi sa lahat ng pagkakataon, may magbibigay at magpapalimos sa kaniya. Kailangang maunawaan ng batang iyan ang pagkita ng pera kalakip ang dangal at respeto sa sarili,” paliwanag ni Mang Lando.
“Sabagay tama po kayo… napansin ko pong may mga pinapagawa muna kayo sa bata bago ninyo bigyan ng pera. Sa puntong iyon, parang hindi na siya namalimos kasi pinaghirapan na niya yung pera,” napagtanto ni Imo.
“Kapag nasanay na siya sa ginagawa niya, tingnan mo… siya na mismo ang lalapit sa akin para kumita ng pera,” ani Mang Lando.
At hindi nga nagkamali si Mang Lando. Isang araw, sinabi ni Peter na nais niyang maging utusan nito. Pumayag si Mang Lando sa isang kondisyon.
“Papayag ako subalit kailangan mong mag-aral. Sa umaga, mag-aaral ka. Sa hapon, gagawa ka rito. At sana dito ka na tumuloy sa akin. Ako na ang bahala sa ‘yo,” saad ni Mang Lando.
Pumayag naman si Peter. Sa umaga, siya ay nag-aaral sa pampublikong paaralan. Sa hapon, siya ay naging katuwang nina Imo at Mang Lando sa prutasan. Tuluyan na ngang kinupkop ni Mang Lando si Peter.
Nakikita ni Mang Lando kay Peter ang kaniyang sarili noong bata pa siya: isa rin siyang palaboy noon, at walang direksyon ang tinatahak ng kaniyang mga paa.
Salamat sa mga nag-aruga sa kaniya, na nagpaunawa sa kaniyang magkaroon ng dignidad sa buhay, kahit na mahirap ka pa. At ngayon, alam niyang patungo na rin sa tamang daan ang batang kinupkop niya.