
Nagawang Magtago ng Mister sa Pagitan Mismo ng Kama ng Isang Motel Upang Hindi Siya Mahuli ng Misis Kasama ang Kabit; Sino nga Ba ang Misteryosang Kabit?
“Hindi ko alam kung tama ba ako ang kutob ko, mare. Pero pakiramdam ko, may kabit talaga si Monching.”
Napasipsip naman si Dina, ang kumare ni Nelia, sa kaniyang inorder na tea habang sila ay nasa coffee shop ng kaniyang kumare.
“Baka naman masyado ka lang nag-iisip nang sobra mare kapapanood mo ng mga teleserye, ikaw talaga. Kilala ko si Kumpareng Edgar. Alam kong mahal na mahal ka niya at hindi ka niya sasaktan,” pagko-comfort naman ni Dina sa kumare.
“Hindi eh. Iba talaga ang instinct ko. Pakiramdam ko, iba talaga ang mga ikinikilos niya. May itinatago. Saka ayaw niyang tumingin sa mga mata ko kapag tinatanong ko kung may babae ba siya. Hindi ba ganoon naman iyon? Kasi kung wala kang itinatago, kayang-kaya mong tumingin ang diretso sa mga mata ng asawa mo,” sabi ni Nelia.
“Ganito mare… kung talagang naghihinala ka kay Kumpareng Edgar, mag-hire ka ng private investigator. O kaya naman ikaw na mismo ang sumunod-sunod sa kaniya. Madali lang iyan para sa iyo.”
“Eh paano kapag nahuli niya ako, anong gagawin ko?”
“Face the consequences, mare. Ikaw na mag-isip niyan kung anong palusot ang gagawin mo kung sakaling maabutan o mahuli ka niya.”
At iyon nga ang malalim na pinag-isipan ni Nelia. Inisip niyang maigi kung paano ka niya mahuhuli sa akto ang asawang pinaghihinalaang may kalaguyo. Kailangan lamang niyang planuhin ang lahat. Kailangan, plantsado upang hindi bumalik o bumalandra sa kaniya ang kaniyang gagawin.
Minamatyagan ni Nelia ang bawat kilos ni Edgar, lalo na sa mga panahong nasa bahay ito at tila nasisiyahan sa kausap sa cellphone. Lahat naman ng detalye ay sinasabi niya kay Dina batay sa kaniyang mga obserbasyon.
“Mare, kaninang nasa banyo siya, sinubukan kong pakialaman ang celphone niya. Aba, may pin code na ang loko! Dati naman wala siyang ganoon. Mukhang ayaw niyang ipabasa sa akin kung sino-sino ang mga nakakausap niya.”
“Hay naku mare… huwag kang papahalata, ayaw ng mga lalaki na pinakikialaman ng mga asawa nila ang kanilang cellphone. Ganiyan si Gardo sa akin, ang kumpare mo.” Si Gardo ang mister ni Dina.
“Ganoon ba, mare? Malaman-laman ko lang kung sino ang kabit niya, mata lang niya ang walang latay sa akin. Saka puputulin ko ang kaligayahan niya!” pagbabanta ni Nelia.
“Nakakatakot ka naman, mare!” nahihintakutang sabi ni Dina.
“Bakit mare, kung halimbawang gawin din ni Gardo mo iyan, hindi mo rin ba gagawin ang gagawin ko?” untag ni Nelia kay Dina.
“Siyempre gagawin din… pero alam mo mare, feeling ko mas faithful si Gardo kaysa sa akin,” sagot ni Dina. Hindi na natuloy ang kanilang kuwentuhan dahil nagpaalam na aalis si Edgar.
Isang araw, ipinasya ni Nelia na magtungo sa opisina nina Dina. Nais niyang magpakalunod sa alak ng gabing iyon. Balak niyang sorpresahin ang kaniyang kaibigan kaya hindi na niya ito sinabihan. Mga bandang 5:00 ng hapon, habang siya ay nakaabang sa kotse, nakita niya ang paglabas nito sa opisina. Nagmamadali ito. Sumakay ito sa isang kotse, na maaaring kinuha sa pamamagitan ng Grab.
“Naku saan kaya pupunta ang hitad na ‘to?”
Sinundan ni Nelia ang sasakyan kinalulunan ni Dina. Napansin niyang patungo ito sa Sta. Mesa. Sa lugar kung saan maraming “Biglang Liko.” Pumasok ang sinasakyan nitong kotse sa establisyimentong tila may magkapatong na gagamba.
“Anong ginagawa ni Dina rito sa motel?” naibulong ni Nelia sa kaniyang sarili. Sinundan niya ang kaniyang kumare. Pinayagan naman siyang makapasok ng receptionist.
Maririing katok, at binuksan ito ni Dina. Namutla si Dina nang makita si Nelia.
“N-Nelia? Anong ginagawa mo rito…”
“Sinong kasama mo rito?”
Mabilis na pumasok si Nelia sa kuwarto. Wala siyang nakitang kasama nito. Nakikita niyang tila natataranta at balisa si Dina.
“Okay ka lang ba, mare? Bakit dito ka kumuha ng matutuluyan? May problema ba kayo ni Kumpare?” untag ni Nelia sa kumare sabay naupo siya sa kama. Natutop naman ni Dina ang kaniyang mga labi nang makitang umupo si Nelia.
“Ang lambot naman ng kama rito, pero parang nakaalsa… parang… parang may kung ano sa ilalim,” sabi ni Nelia. Mabilis siyang tumayo at tiningnan ang tila nakadagan sa pagitan ng dalawang kama. Kinapa-kapa ito. Tila may mali. Tila may kung anong malaki sa ilalim. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita.
“E-Edgar? A-anong ginagawa mo riyan? Hayop kayo! Kayong dalawa ang magkalaguyo?” galit na galit na bulalas ni Nelia.
Hindi kaagad nakapagsalita si Edgar dahil hinahabol nito ang hininga dahil sa pagkakadagan ni Nelia. Sa labis na katarantahan sa pagdating ni Nelia nang hindi inaasahan, nagtago na lamang siya sa ilalim ng dalawang magkapatong na kama. Nawala sa isip niya na maaari naman siyang magtungo sa palikuran. Hindi rin siya kakasya sa ilalim mismo ng kama dahil maliit lamang ang espasyo.
“M-Magpapaliwanag ako, N-Nelia…”
Isang mag-asawang sampal ang iginawad ni Nelia sa kumare.
“Hayop ka, Dina! Hindi ka man lang kinilabutan sa sarili mo! Ninang ka ng mga anak ko. Ang mga sampal na iyan ay para sa akin at para kay Kumpareng Gardo na walang kamalay-malay sa ginagawa mo!”
Tuluyang naghiwalay sina Nelia at Edgar gayundin sina Gardo at Dina nang malaman nito ang katotohanan sa lihim na relasyon ng magkumpare. Napagtanto ni Nelia na hindi dapat ibigay nang lubusan ang pagtitiwala sa isang tao, kahit na kaibigan mo pa ito.