Inday TrendingInday Trending
Idolo ng Ginoong Ito ang Mayor ng Kanilang Bayan; Magbago Kaya ang Pagtingin Niya Rito sa Pagiging Bodyguard Nito?

Idolo ng Ginoong Ito ang Mayor ng Kanilang Bayan; Magbago Kaya ang Pagtingin Niya Rito sa Pagiging Bodyguard Nito?

Tuwang-tuwa si Mang Paciano nang matanggap bilang personal bodyguard ng mayor ng kanilang bayan, ang Sta. Barbara. Idolo niya ang kanilang mayor na si Mayor Sonny Altamirano. Huling termino na nito, kaya lalo siyang bumilib dito dahil hindi nito pinatakbo ang kahit na sinumang kaanak niya upang pumalit sa puwesto nito.

“Iyan ang marangal na politiko! Hindi ginagawang negosyo ang puwesto. Kapag tapos na ang termino, tapos na. Hindi na kailangan pang patakbuhin ang mga kamag-anak. Naniniwalang hindi lamang siya ang magaling,” pagbibida ni Mang Paciano sa kanilang mayor sa kaniyang misis at mga anak.

Kasalukuyan silang kumakaing mag-anak. Gaya ng nakagawian, nakakamay lamang si Mang Paciano habang nakataas pa ang kanang binti sa isa pang giray na upuan.

“Hay naku, Paciano, masyado kang bilib diyan sa magiging amo mo. Lahat ng politiko, may itinatagong baho iyang mga iyan kaya huwag kang masyadong bilib sa kanila,” giit naman ng kaniyang misis na si Aling Bandang.

“Puwes, ibahin mo ang idol ko. Tingnan mo nga. Narinig mo ba siyang nanira ng kalaban niya o hindi niya kapartido? Tahimik lang siya sa mga isyung ipinupukol laban sa kaniya. Sinasagot niya nang maayos ang mga bintang sa kaniya. Kaya naman, idolong-idolo ko siya, at susuportahan ko siya sa pagtakbo niya bilang kongresista.”

Kaya naman, bago ang araw na sasabak na sa kaniyang trabaho si Mang Paciano ay talaga namang pinaghandaan niya ito. Nagtungo siya sa kaniyang paboritong barberya upang magpagupit. Tiniyak niyang presentable siya bago humarap sa kaniyang boss. Bumili rin siya ng bagong sapatos. Hindi naman problema ang polo barong dahil bibigyan naman sila. Bumili na lamang siya ng karagdagang itim na slacks at kamiso de chino na panloob.

Sanay nang humawak ng baril si Mang Paciano dahil matagal din siyang nagtrabaho bilang security guard sa iba’t ibang mga kompanya. Nakadalawang taon din siya bilang isang mag-aaral ng kursong Criminology kaya masasabi niyang batak naman siya sa mga pisikalang gawain, lalo na sa pagprotekta sa kaniyang idolong si Mayor Altamirano.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nasa mansyon na ni Mayor Altamirano si Mang Paciano. Kailangan niyang dumalo sa kaunting oryentasyon sa tumatayong pinuno ng mga bodyguards ng mayor. Labing-apat silang bodyguards na tumatayo na rin bilang staff o personal assistant nito.

Sumikdo ang puso ni Mang Paciano nang makaharap na niya ang idolong mayor. Ngumiti naman ang mga ito sa kanila.

“Gawin n’yo lamang ang mga trabaho ninyo nang maayos at magkakasundo-sundo tayo. Hindi ko kayo pahihirapan,” matipid na mensahe ng mayor sa mga bagong bodyguards, kabilang si Mang Paciano.

Simula noon, naging saksi si Mang Paciano sa kung paano ang abalang buhay ng isang mayor ng bayan. Bukod sa kaniyang paninilbihan bilang mayor, abala rin kasi si Mayor Altamirano sa pangangampanya bilang kongresista. Ang tatakbo namang mayor ay ang pangalawang mayor, at isa pang kandidato na lagi nitong nakakabangayan. Lagi silang nagpapatutsadahan sa social media gayundin sa mga kampanya.

“Malayong-malayo ang dalawang ito kay Mayor Altamirano. Kay Mayor pa rin ako,” naibulong na lamang ni Mang Paciano.

Isang gabi, isang espesyal na pagpupulong daw ang magaganap sa mansyon. Ito raw ay sobrang confidential at walang dapat makaalam. Suwerte namang naitalaga si Mang Paciano sa mismong pintuan ng opisina kung saan magaganap ang pagpupulong.

Ganoon na lamang ang gulat niya nang makita kung sino-sino ang makakapulong ni Mayor Altamirano: ang pangalawang mayor at ang kalaban nitong kandidato, na noong mga oras na iyon ay nagkakatawanan at parang hindi nagkakapukulan ng mga maaanghang na salita at pahayag sa isa’t isa.

Sa loob-loob niya, siguro ay ganoon talaga, propesyunal silang mga tao. Kumbaga, trabaho lang at walang personalan.

Subalit hindi niya inaasahan ang mga maririnig mula mismo kay Mayor Altamirano.

“Good job sa inyong pagpapanggap, mga panero! Napapaniwala na ninyo ang publiko na talagang magkagalit kayo. Ipagpatuloy lang ninyo ang bangayan sa harapan nila. Kaya kahit na sinuman sa inyong dalawa ang manalo bilang mayor na hahalili sa akin, ay kaalyado ko pa rin. Ako pa rin ang makikinabang sa lahat,” saad ni Mayor Altamirano.

“Siguradong ikaw na ang mananalo bilang gobernador dito sa ating lalawigan, mayor. Huwag mo kaming kalilimutan sa mga kickback ah,” paalala ng pangalawang mayor.

Hindi makapaniwala si Mang Paciano na nagtatago pala sa kasinungalingan ang mayor na kaniyang iniidolo.

Kinabukasan, inihain na ni Mang Narciso ang resignation letter at tinanggap naman ito ni Mayor Altamirano.

Hindi kaya ng konsensya niyang paglingkuran ang isang taong nabubuhay sa pagkukunwari.

Nag-aplay siya bilang security guard sa isang agency at natanggap naman. Mas mainam na ang ganitong klase ng pagtatrabaho!

Advertisement