Inday TrendingInday Trending
Nakita ng Binatilyo na Inilibre ng Pagkain ng Lalaki ang Matandang Kulang ang Pambayad; Sino kaya Ito?

Nakita ng Binatilyo na Inilibre ng Pagkain ng Lalaki ang Matandang Kulang ang Pambayad; Sino kaya Ito?

Dahil gutom na gutom na ay nagmamadaling pumunta si Rick sa pinakamalapit na fast food chain.

“Di ko na talaga mapigil ang gutom ko,” sabi niya sa isip habang hinihimas ang tiyan.

Maghapon siyang naglaro ng basketball kasama ang mga kaibigan niya kaya nakaramdam na siya ng matinding gutom. Kaya nang maghiwa-hiwalay silang magbabarkada ay naisip niyang kumain na muna.

Sa pagpasok niya sa isang kilalang fast food chain ay kitang-kita niya agad na napakaraming tao na naroon. Agad siyang naghanap nang mauupuan at masuwerte naman siyang nakahanap ng bakanteng upuan at mesa na nasa bandang unahan ng counter.

“Waiter, waiter!” malakas na tawag niya sa lalaking waiter.

Dali-dali naman itong lumapit sa kaniya.

“Ano pong order, sir?” nakangiting sabi nito sa kaniya.

“Isang burger, isang french fries, isang spaghetti at isang regular softdrink,” aniya.

“Okay, sir. Coming up!”

Habang hinihintay ang kaniyang inorder ay nagmasid muna siya sa paligid.

“Ang dami talagang kumakain dito. ‘Di ko naman masisisi ang mga tao na kung bakit dito nagsisikain dahil masarap naman ang mga pagkain nila rito. Ilang dekada na ang fast food chain na ito kaya dinarayo ng mga kustomer,” sabi pa niya sa sarili.

Maya-maya ay may napansin siyang isang matandang babae na tila pagod na pagod. Naupo ito sa bakanteng upuan na malapit sa kinauupuan niya. Imbes na tumawag ng waiter ay lumapit ito sa counter para umorder ng pagkain.

“Pa-order nga ng isang burger,” wika ng matanda.

Nilapitan naman ito ng isang babaeng staff.

“Okay po, ma’am. Wala na po ba kayong ibang order?” tanong nito.

“W-wala na, hija. Ayos na ako sa burger. May dala naman akong tubig na pamatid-uhaw,” sagot ng matandang babae.

“Ganoon po ba? Sige po, bale fifty pesos po ang babayaran niyo,” sambit ng babaeng staff.

“F-fifty pesos?!” gulat na tanong ng matanda.

Napansin ni Rick na beinte pesos lang ang hawak ng babae. Nang muli nitong tingnan ang pitaka ay lumungkot ang mukha nito na tila ang halagang iyon na lang ang dala nitong pera.

Agad na nakaramdam ng awa at kaba si Rick na baka hindi mabigyan ng pagkain ang kaawa-awang matanda.

“P-pasensiya na, pero kulang ang dala kong pera. H-hindi na lang pala ako o-order,” wika ng matanda sa malungkot na boses.

Walang kamalay-malay si Rick na kanina pa pala nakamasid sa matanda ang lalaking waiter na kumuha ng order niya. Matapos nitong ibigay sa kaniya ang inorder niyang mga pagkain ay dali-dali nitong nilapitan ang matanda sa counter.

“Ano pong problema, ‘nay?” tanong nito.

“Gusto niyang i-cancel ang inorder niyang burger kasi kulang daw ang dala niyang pera,” sabad ng babaeng staff.

“Ibigay mo na sa kaniya ang burger na inorder niya, samahan mo na rin ng french fries, spaghetti at softdrinks. Pakisabi kay boss na ikaltas na lang sa suweldo ko ang order ni nanay,” wika ng lalaki.

Ikinagulat ni Rick ang ginawang iyon ng lalaking waiter. Sa isip niya ay hindi naman kalakihan ang sinusuweldo nito sa fast food chain ngunit nagawa pa nitong ilibre ang matandang babae na kulang ang pambayad.

Matapos na maibigay ang order sa matanda ay ibinalik din ng waiter ang beinte pesos na ibinayad nito sa counter. Sinabi pa ng waiter na huwag nang magbayad ng anumang halaga.

“Naku, ang bait mo naman, hijo. Nakaltasan pa tuloy ang sahod mo nang dahil sa akin. Tanggapin mo na itong beinte pesos para kahit paano ay may maibayad naman ako.”

“Itago niyo na lang po ang pera niyo, ‘nay. Maaari niyo pang magamit ang perang iyan sa ibang bagay,” sagot ng lalaki.

“Salamat, hijo. Napakabuti mo.”

“Walang anuman po, ‘nay. Kumain na po kayo,” tugon ng mabait na waiter.

Kitang-kita ni Rick ang kasiyahan sa mukha ng matanda habang kumakain ito.

Nang matapos nang kumain ang matanda ay ‘di nag-atubili ang lalaking waiter na alalayan ito palabas sa fast food chain hanggang sa pagtawid upang maayos na makauwi.

Habang kumakain ay punumpuno ng paghanga si Rick sa ginawa ng waiter. Hanggang sa pag-uwi niya sa kanilang bahay ay hindi maalis sa isip niya ang kabaitan nito.

Ilang sandali lang ay dumating na rin ang kapatid niyang si Dick galing sa trabaho. Nilapitan niya ang kapatid at niyakap.

“Ipinagmamalaki kita, kuya,” aniya.

“Nakita mo pala ang nangyari kanina sa fast food chain. Naawa kasi ako sa matanda, eh, kita ko sa mukha niya na pagod na pagod siya at nagugutom na kaya hindi ko natiis na tulungan siya,” sagot ng kapatid.

“Kahit pa nakaltasan ang suweldo mo, kuya?”

“Maliit na bagay lang naman iyon, eh, pera lang iyon na kikitain ko pa rin naman. Ang mahalaga ay nakatulong tayo sa ating kapwa kahit na sa maliit na paraan,” makahulugang tugon ni Dick sa bunsong kapatid.

Ang lalaking waiter na nagbigay sa kaniya ng order at nagbigay ng libreng pagkain sa matandang babae ay ang nakatatanda niya palang kapatid.

Sa nasaksihan ni Rick na ginawa ni Dick sa fast food chain ay mas lalo siyang humanga sa kuya niya. Hindi lang ito masipag na kapatid na pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho para makatulong sa kanilang magulang at sa kaniyang pag-aaral, isa rin itong mabait at matulunging kapatid na karapat-dapat niyang tularan.

Advertisement