
Tinulungan ng Babae ang Matandang Kuba; May Kapalit Palang Biyaya ang Kaniyang Ginawa
Matagal nang hinahanap ni Olivia ang nawawala niyang ina na si Antonia. Bata pa lang daw siya nang iwan siya nito sa kaniyang lola. Nang pumanaw ang kaniyang ama ay nawala raw sa tamang pag-iisip ang ina kaya naglayas ito. Mula noon ay wala na silang balita kung saan na ito naroon.
“Inay, kay tagal na kitang hinahanap. Gustung-gusto na kitang makita,” sabi ni Olivia sa isip habang patuloy na naghahanap sa internet.
Kung kani-kano na siya nagtanong, lumapit na rin siya sa iba’t ibang ahensiya na maaaring makatulong sa kaniya ngunit wala pa rin siyang makuhang sagot sa mga ito.
“Hayaan mo apo at matatagpuan mo rin ang nanay mo. Magkikita ulit kayong dalawa,” wika ng Lola Rosenda niya.
“Buo pa rin po ang pag-asa ko na magkikita pa rin kami, lola. Matutupad din po ang hiling ko sa Diyos. Hindi po ako titigil hangga’t hindi ko siya nahahanap,” sagot niya.
Isang umaga ay nakatanggap siya ng tawag mula sa isang non-government organization na nilapitan niya at sinabi sa kaniya na may nakuha na itong impormasyon kung nasaan ang nanay niya kaya nagmamadali niyang pinuntahan ang isang ahensiya na kumukupkop sa mga taong wala ng pamilya. Laking panghihinayang niya nang malamang ang babaeng tinutukoy sa impormasyon na ibinigay sa kaniya ay hindi pala ang tunay niyang ina.
“Ang akala ko ay tapos na ang paghahanap ko, pinaasa lang pala ako,” aniya sa sarili.
Lulugo-lugo siyang umalis sa lugar na iyon at nagdesisyong maglakad-lakad muna para kahit paano ay mapawi ang lungkot na kaniyang nararamdaman. Nang biglang may nakita siyang isang matandang babae na may kapansanan. Isa itong kuba.
Labis siyang nahabag sa matandang kuba dahil kahit hirap na hirap na sa kalagayan nito ay nagagawa pa nitong maglako ng kakanin sa kalsada.
“Kawawa naman ‘yung ale,” sambit niya sa isip.
Nilapitan niya ang matanda at tinawag.
“Lola, lola, pabili nga po ng tinda niyo!”
Dali-dali namang lumapit ang matandang babae.
“Bili ka na, ineng nitong paninda ko! Masarap itong tinda kong puto at suman,” wika ng tindera.
“Naku, mukhang masarap nga po ang mga paninda niyo, lola. Sige po, pagbilhan niyo ako ng dalawampung pirasong puto at sampung pirasong suman,” sagot niya.
Tuwang-tuwa ang matanda na kumuha ng mga paninda sa bitbit na basket at inilagay sa isang plastik.
“O, ito na ineng!” saka iniabot ang plastik na may lamang puto at suman.
“Salamat po, lola, Ito po ang bayad ko!” sabay abot ng pera sa matanda.
“Naku, wala akong panukli, ineng,” sambit ng tindera.
“Sa inyo na po ang sukli,” tugon niya.
“Aba, maraming salamat, ineng. Napakabait mo naman!” sabi ng matanda.
Maya-maya ay bigla itong nahilo at biglang nawalan nang malay. Nabigla si Olivia sa nangyari at mabilis na dinala sa malapit na pagamutan ang tindera.
Nang makausap niya ang doktor na tumingin sa matanda, sinabi nito na dahil sa matinding pagod kung bakit nawalan ito nang malay. Kailangan lang ng pahinga para manumbalik ang lakas nito.
‘Di nagtagal ay nagising na ang matanda na nagpakilalang si Lola Lerma.
“Nagpapasalamat ako sa iyo, ineng, dahil dinala mo pa ako rito sa ospital. ‘Di ko alam kung paano makakabawi sa iyo,” buong kababaang loob na sabi ng matandang babae.
“Huwag niyo na pong alalahanin ‘yon. Ang mahalaga po ay maayos na ang lagay niyo at makapagpahinga. Nga po pala, dapat po ay hindi na kayo nagtatrabaho dahil matanda na po kayo lola. Nasaan po ang asawa niyo at mga anak?” tanong niya.
“Matagal nang yumao ang asawa ko. Iniwan na rin ako ng nag-iisa kong anak dahil sa aking kapansanan. Ang tangi ko na lamang na kasama sa buhay ay ang aking apong si Klea na anak sa pagkadalaga ng aking anak. Tatlong taong gulang pa lang ang aking apo nang iwan siya ng kaniyang ina sa akin kaya ako na ang nag-aalaga sa kaniya,” tugon ng matanda.
“Kaya po kayo ang naghahanap-buhay para sa inyong apo? Sino po ang nag-aalaga at nagbabantay sa kaniya kapag naglalako kayo ng inyong mga paninda?” tanong ni Olivia.
“Hindi naman siya nag-iisa sa munti naming tahanan. Kasama niya roon ang kaibigan kong may kapansanan naman sa pag-iisip. Matagal ko na siyang kakilala, nakasama ko siya sa kalye habang nagtitinda. Nakita ko siyang pagala-gala at hindi alam kung saan patutungo. Naawa nga ako dahil mukhang wala nang pamilya kaya kinupkop ko na siya at itinuring na ring pamilya. Kahit wala siyang matandaan sa nakaraan niya at minsan ay hindi makausap nang matino ay mabait naman siya, tahimik at hindi nananakit. Magkasundung-magkasundo sila ng aking apo kaya tiwala ako kahit palaging sila ang magkasama sa tuwing naglalako ako ng aking mga paninda. Para ngang anak na rin ang turing ko sa kaniya, eh,” wika ni Lola Lerma.
Nang banggitin ng matanda ang tungkol sa kapansanan sa pag-iisip ay bigla niya itong tinanong.
“A-ano pong pangalan ng babaeng kinupkop niyo, lola?”
“H-hindi ko alam, eh. Hindi rin kasi niya alam kung ano ang pangalan niya kaya ako na lang ang nagbigay ng pangalan sa kaniya. Hmmm, ang ibinigay kong pangalan sa kaniya ay Melisa na pangalan din ng nag-iisa kong anak,” sagot ng matanda.
Nangilid ang luha sa mga mata ni Olivia. Bigla siyang nakaramdam ng kakaibang pakiramdam.
“Maaari ko ba siyang makiala, lola?”
“Oo naman, ineng. Ipapakilala kita sa kaniya.”
Nang gumaling si Lola Lerma at nakalabas na sa ospital ay agad siyang isinama nito sa maliit nilang bahay na malapit sa palengke.
Nang makita niya ang tinutukoy nitong babae ay laking gulat niya nang mamukhaan ito. Muli niyang sinulyapan ang dala niyang lumang litrato at nang mapagtanto kung sino ang babae sa larawan ay hindi na niya napigilan ang mga luhang lumabas sa kaniyang mga mata.
“I-inay, inay ikaw nga!”
Nilapitan niya at niyakap nang mahigpit ang inang matagal na niyang hinahanap.
“S-siya ang nanay mo, ineng?!” gulat na tanong ni Lola Lerma.
“Opo, lola. Siya po ang nawawala kong ina na matagal ko nang hinahanap. Maraming salamat po sa pagkupkop niyo sa kaniya,” sambit niya saka ikinuwento ang lahat.
Nang tingnan siya ni Antonia ay tila ba nakaramdam ito ng kasiyahan at agad din siya nitong niyakap. Naramdaman ng babae ang ‘di matukoy na pakiramdam nang makita siya nito. Lukso ng dugo.
“Hindi na tayo magkakahiwalay, inay. Mahal na mahal po kita,” naluluhang sabi ni Olivia.
Hindi pa rin siya makapaniwala na nahanap na niya ang inang matagal na nawalay sa kaniya. Malaki ang pasasalamat niya kay Lola Lerma dahil ito ang naging daan para magkita silang mag-ina. Dinala niya ang ina sa ospital na nangangalaga sa may mga kapansanan sa pag-iisip para maipagamot. Kinupkop din ni Olivia sina Lola Lerma at ang apo nitong si Klea.
Lubos ang kasiyahan ni Olivia dahil natupad na ang matagal na niyang hiling. Kasama na niya ang pinakamamahal na ina at nadagdagan pa ng mga taong itinuring na rin niyang pamilya.
Napagtanto niya na ang pagtulong niya ay nagbunga rin ng mas magandang biyaya.