Inday TrendingInday Trending
Pinatira Niya nang Libre sa Bahay Nila ang Kapatid ng Kaniyang Asawa at ang Pamilya Nito; Ngunit Nais pa Siyang Gawing Katulong ng mga Ito!

Pinatira Niya nang Libre sa Bahay Nila ang Kapatid ng Kaniyang Asawa at ang Pamilya Nito; Ngunit Nais pa Siyang Gawing Katulong ng mga Ito!

“Mahal, nagsabi sa akin si Lindsay. Pinalayas daw sila ng biyenan niya sa bahay. Nakikiusap nga kung p’wede bang makituloy raw muna sila rito sa atin pansamantala habang hindi pa nakakahanap ng trabaho ang asawa niya. Natanggal din daw kasi si Mike sa pinagtatrabahuhan nitong supermarket,” isang gabi habang sila ay patulog nang mag-asawa ay nagsabi si Jerwin sa asawang si Kriselda tungkol sa problema ng kaniyang nakababatang kapatid na si Lindsay. Ang totoo ay ayaw rin sana ni Jerwin na patuluyin ang mga ito sa kanilang bahay dahil kakakasal lamang nila ni Kriselda at baka maudlot pa ang plano nilang pagkakaroon ng anak sa lalong madaling panahon, ngunit naaawa naman siyang isiping walang matutuluyan ang kaniyang mga pamangkin.

“Naku, nakakaawa naman sina Lindsay! Kumusta ’yong mga bata? Sana sinabi mo nang maaga at nang napapunta agad natin sila rito kanina pa. Saan sila tumutuloy ngayon?” Rumehistro ang pag-aalala sa mukha ni Kriselda habang sunod-sunod ang naging pagtatanong nito sa kaniya.

Agad namang naantig ang puso ni Jerwin sa hindi pagdadalawang-isip na tumulong ng kaniyang asawa. Lalo tuloy siyang napapamahal dito habang tumatagal.

“Hindi ko alam, e. Hayaan mo’t bukas na bukas din, kokontakin ko ang kapatid ko at nang masabi kong pumapayag kang dito muna sila,” nakangiti pang sabi ni Jerwin sa asawa.

Kinabukasan ay maagang gumising si Kriselda upang ayusin ang kwartong ipagagamit muna niya sa mag-anak nina Lindsay at Mike. Mga bandang tanghali naman ay dumating na ang mga ito at labis ang pasasalamat ng mga ito sa kanila dahil sa pagpayag niyang makituloy muna sila.

Asikasong-asikaso ni Kriselda ang kanilang mga bisita, lalong-lalo na ang mga bata. Halatang gustong-gusto na niyang magkaroon na agad sila ni Jerwin ng mga supling. Walang kaso kay Kriselda na sila na muna ang magpapakain sa mga ito hangga’t wala pang pinagkakakitaan si Mike na bayaw ng asawa niya. Sa totoo lang ay ikinatutuwa pa ni Kriselda na malakas kumain ang mga bata.

Palaging naiiwan si Kriselda sa bahay, kasama ang mag-anak dahil pumapasok sa trabaho si Jerwin. Noong mga unang linggo ay ayos lang naman iyon dahil kahit papaano ay tinutulungan naman siya ni Lindsay sa mga gawain sa bahay. Katulong niya ito sa paglalaba, pagluluto, kahalinhinan sa paghuhugas ng pinggan o pamamalengke. Hindi na kasi sumasapat ang grocery nila ni Jerwin kaya halos araw-araw na silang namamalengke.

Ngunit unti-unting nagbago ang pakikitungo sa kaniya ng kapatid na ito ni Jerwin. Nagsimula kasi iyon nang tanungin niya kung nakahanap na ba ng trabaho si Mike dahil napapansin niyang hindi naman umaalis ang lalaki at palagi lang nakakulong sa kwarto at natutulog.

Unti-unti ay nakikita na ni Kriselda na kinatatamaran na ni Lindsay ang mga gawaing bahay at halos lahat ay iniaasa na sa kaniya. Maging ang pagpapakain sa mga anak ng mag-asawang ito ay siya ang nag-iintindi!

Nagtataka na rin si Jerwin kung bakit tila ba pagod na pagod si Kriselda sa tuwing siya ay uuwi galing sa trabaho. Hindi naman kasi nagsusumbong ang babae dahil ayaw niyang magkasira ang magkapatid na Jerwin at Lindsay… ngunit si Jerwin na mismo ang nakakahalata sa nangyayari.

“Lindsay, baka p’wedeng ikaw na muna ang magluto ngayon at hindi lang talaga maganda ang pakiramdam ko,” isang araw ay pakikiusap ni Kriselda kay Lindsay. Ilang araw na kasing iniinda ni Kriselda ang pagkahilo’t pagsusuka sa tuwing gigising siya sa umaga kaya napilitan na siyang makiusap sa kaniyang hipag.

“Ano ba naman ’yan, ate! Maglilinis ako ng kuko, e! Tinatamad ka lang yata,” mabilis na reklamo ni Lindsay na may kasama pang paglamukos sa sariling mukha.

Tila bigla namang nagpantig ang tainga ni Kriselda sa narinig. Talaga namang makapal na ang mukha ng hipag niyang ito porque palagi niyang pinagbibigyan!

“Kung ayaw mong sumunod, makakaalis na kayo sa pamamahay ko,” galit na aniya ngunit pinipilit pa rin niyang maging kalmado. Hindi na niya kailangan pang isa-isahin ang kasalanan ni Lindsay sa kaniya dahil alam niyang alam nito iyon.

“Ang sama naman ng ugali mo, ate! Alam mong walang-wala kami ng asawa ko, bakit paaalisin mo kami?” tila aping-aping sagot naman ni Lindsay na sinundan pa ng kung anu-anong drama. “Isusumbong kita sa kuya! Sana, hindi na lang ikaw ang naging asawa niya!” sabi pa nito sa huli.

Nang mga sandaling iyon ay nagdidilim na ang paningin ni Kriselda sa sobrang hilo. Hindi na rin siya makasagot. Basta ang alam niya lang ay nakita niyang pumasok ang asawa niyang si Jerwin sa bahay nila at kinumpronta ang kapatid nito.

Nagising na lamang si Lindsay na nakahiga na siya sa hospital bed. Ibinalita sa kaniya ni Jerwin na pinalayas nito ang kapatid na si Lindsay sa bahay. Bukod doon ay sinabi rin nitong nagdadalang-tao na pala siya!

Samantala, sising-sisi naman si Lindsay at Mike sa naging asal nila. Muntik pang mapahamak ang kanilang Ate Kriselda at ang anak nito dahil sa kanila! Ngayon ay hindi na nila alam kung saan sila pupunta, ngunit alam nilang panahon na upang tumayo sila sa sariling mga paa at hindi iyong aasa lang sila sa iba, pagkatapos ay aabuso pa.

Advertisement