
Sinugod ng Babae ang Kumareng Mayroong Utang sa Kaniya; Ngunit Imbes na Makasingil ay Tila Lalo Yatang Nabawasan ang Kaniyang Pera!
“Nanay, mag-juice ho muna kayo, oh.” Iniabot ni Isabel sa inang si Graciela ang isang baso ng malamig na inumin. “Kanina ko pa ho kasi napapansing nakasimangot kayo riyan habang titig na titig sa cellphone n’yo,” sabi pa nito.
Napabuntong-hininga naman si Graciela. Hindi na talaga niya maitago ang inis na kaniyang nararamdaman simula pa kaninang umaga. “Paano, ’yang si Mareng Hilda, aba’y ngayong araw ang usapan naming magbabayad siya ng utang sa akin, pero kaninang umaga pa ako text nang text pero hanggang ngayon, hindi pa rin siya nagre-reply! Wala na yatang balak magbayad ang lintik na ’yon!” paglalabas niya ng saloobin sa anak.
“E, inay, baka ho kasi wala pang pera si Aling Hilda. Hayaan na ho ninyo. Ako naman ho’y sasahod na mamayang hapon. Magbibigay ho ako ng panggastos dito sa bahay pati na rin pambayad sa kuriyente at tubig,” pagpapakalma naman ng kaniyang anak na si Isabel kay Graciela.
“Naku, anak, namimihasa na kasi ’yang taong ’yan! Hindi na natutong tumupad sa usapan kahit kailan! Aba’y palagi na lamang bang gan’on, anak? Kung hindi nga lang ako naawa sa kaniya noong nakaraang buwan ay nuncang pauutangin ko ang babaeng ’yon! Nakakadala na, e!” patuloy pa ring pagsesentimiyento ni Graciela tungkol sa kaniyang kumareng utangera.
“Bakit ho hindi n’yo na lang puntahan, inay, kung talagang hindi kayo matahimik? Para ho makita n’yo kung ano talaga ang totoong dahilan at bakit hindi siya nagre-reply sa inyo,” maya-maya ay suhestiyon na lamang ni Isabel dahil sa nakikitang matinding pagkasiphayo ng ina.
“Alam mo, anak, tama ka. Abutin mo nga ang payong ko’t pupuntahan ko na ang babaeng ’yon nang sa kanila na mismo masingil.” Agad namang sinunod ni Isabel ang utos ng ina.
Pagkaabot pa lang ng ipinakukuha niyang payong ay agad nang lumarga si Graciela papunta sa bahay ng kaniyang kumareng si Hilda. Buo ang kaniyang loob na singilin ito at ipinangako niya sa sarili na hindi na niya ito muling pauutangin kailan man!
“Tao po? Tao po! Kumareng Hilda, nariyan ka ba?” Nang marating na ni Graciela ang bahay ng kaniyang kumare ay agad siyang nagsisigaw sa labas ng bakuran nito. Hindi naman siya nabigo dahil maya-maya ay isang batang lalaki na naglalaro sa edad na siyam hanggang sampu ang edad ang lumabas upang pagbuksan siya ng kahoy na gate. Ito iyong batang inampon ni Hilda dahil iniwan ng mga magulang.
“Hello po, Aling Graciela, hinahanap n’yo po si mama? Nasa loob po siya,” anang bata sa kaniya at inanyayahan siya nitong pumasok sa kanila. Agad namang sumunod si Graciela sa bata papasok sa bahay ng mga ito.
Hindi akalain ni Graciela na maaabutan niya sa isang kalunos-lunos na kalagayan ang kumare niyang si Hilda! Pagbungad pa lamang niya sa loob ng bahay ay sumalubong na sa kaniya ang higaang kinalalagakan ni Hilda na ngayon ay halos hindi na niya makilala dahil halos buto’t balat na ito! Tila may malubhang sakit ang kaniyang kumare at animo hinang-hina na!
“Hilda, ano’ng nangyari sa ’yo?!” bulalas ni Graciela at agad na dinaluhan ang kaibigan. Agad niyang nakalimutan ang tunay na pakay ng kaniyang pagpunta sa bahay ng mga ito dahil napalitan iyon ng matinding awa at pag-aalala!
“K-kumareng Graciela, b-ba’t naparito ka? Due date na ba ng utang ko?” Tila naman biglang naalala ni Hilda ang pagkakautang sa kaniya nito nang siya’y makita. Agad na rumehistro sa mukha nito ang biglang pagkataranta. “P-pasensiya ka na, mare, wala pa akong pera sa ngayon. Bigla kasi akong nagkasakit at ilang linggo nang hindi makabangon kaya hindi ako makapaghanap-buhay… kung maaari ay hihingi pa ako nang kaunting palugit sa ’yo. Tubuan mo na lang ang utang ko,” may pagsusumamong anang may sakit niyang kumare.
Sunod-sunod naman ang naging pag-iling ni Graciela. “Huwag mo nang intindihin ang utang mo, Hilda. Kalimutan mo na ’yon. Sa kalagayan mong ’yan ay mas dapat mong intindihin ang pagpapagaling mo. Hindi ko alam na ganiyan na pala ang sitwasyon mo kaya kanina’y galit akong sumugod dito. Iyon pala’y—” Hindi na maituloy ni Graciela ang kaniyang sinasabi. “Hayaan mo’t ilalapit ko kay mayor ang kalagayan mo. Maghahanap din ako ng iba pang makakatulong sa ’yo. Magpagaling ka, mare!”
Awang-awa si Graciela sa kaniyang kumare. Bago siya umuwi ay inabutan niya pa ito ng panggastos kaya’t imbes na madagdagan ay lalo pang nabawasan ang pera niya. Ganoon pa man, hindi iyon pinanghihinayangan ni Graciela. Katuwiran niya ay totoo namang nangangailangan ng tulong si Hilda at hindi ito basta nagdadahilan lamang upang makatakas sa utang. Madali lamang kitain ang pera, pero ang buhay ng kaibigan niyang si Hilda ay hindi na maibabalik pa kung ito ay hindi niya tutulungan.

Hinusgahan ng Dalaga ang Binatang May-ari ng Isang Malaking Kompanya; Hindi Niya Akalaing May Nakaaantig Palang Kuwento sa Likod ng Pagkatao Nito
