Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ng Dalaga ang Binatang May-ari ng Isang Malaking Kompanya; Hindi Niya Akalaing May Nakaaantig Palang Kuwento sa Likod ng Pagkatao Nito

Hinusgahan ng Dalaga ang Binatang May-ari ng Isang Malaking Kompanya; Hindi Niya Akalaing May Nakaaantig Palang Kuwento sa Likod ng Pagkatao Nito

Maraming tao ngayon sa Plaza ng San Luis kung saan naninirahan ang dalagang si Paloma. Mayroon kasing isang mayamang negosyante na darating ngayon sa kanilang bayan upang mamigay ng tulong sa mga batang kapus-palad sa kanilang lugar.

Masayang-masaya ang lahat at excited nang matanggap ang kahit anong ibibigay ng nasabing negosyante. . . maliban na lang kay Paloma.

“Ano bang nakaka-excite sa pagdating ng negosyanteng ’yan, e, kapareho lang din naman ’yan ng mga pulitikong nagpunta rito sa atin n’ong nakaraan para tumulong kunwari, pero ang totoo, gusto lang namang gamitin tayong mahihirap para sa sarili nilang kapakanan. Nagpapabango lang ’yan ng pangalan sa madla para lumago ang negosyo niya’t tangkilikin ng mas maraming tao!” diretsahang akusasyon pa ni Paloma sa binatang negosyanteng pupunta ngayon sa kanila.

“Grabe ka naman, Paloma, malay mo naman, hindi gan’on,” kibit-balikat naman ng kausap niyang si Mercy.

“Hay naku, sinasabi ko sa ’yo, pakitang tao lang ang pagtulong ng negosyanteng ’yan dito sa atin!” giit pa rin niya na hindi naman na pinansin ni Mercy.

Lingid sa kaalaman ni Paloma ay naririnig na pala ni Peter ang kaniyang mga akusasyon. Ito ang mayamang negosyanteng napiling magbigay ng tulong sa kanilang lugar nang mabalitaan nitong ang lugar nila ang pinakanasalanta ng bagyong kalalabas lamang ngayon sa bansa.

Napapailing na lamang ito sa kaniyang mga tinuran. Paano’y wala naman kasing alam ang dalaga sa tunay na dahilan ng pagtulong ni Peter sa kanila.

Tumikhim ang binata at dahil doon ay napalingon si Paloma. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang mamukhaan siya, dahil noong ianunsyo ng kapitan sa barangay na ’yon ang kaniyang pagtulong ay ipinakita nito sa mga tagaroon kung sino si Peter Herrera. Bahagyang nakaramdam ng hiya si Paloma, ngunit imbes na humingi ng tawad ay tinalikuran lamang niya si Peter.

Nagsimula ang pagbibigay ng mga groceries sa mga bata. Bakas sa mgamukha nila ang labis na tuwa, lalo na nang hindi lamang mga pangunahing pangangailangan ang kanilang natanggap mula sa mabait na negosyanteng si Peter Herrera kundi pati mga laruan at mga gamit pang-eskuwela. Mayroon ding mga damit na hindi lamang basta-basta ang presyo dahil lahat ng ito ay branded at bago. Namigay din si Peter ng gatas at diaper para sa mga baby, pati na rin vitamins para sa lahat.

Matapos ang pamimilgay ng ayuda ay nagkaroon din ng malaking salu-salo sa lugar. Maganang-magana sa pagkain ang mga bata dahil napakasasarap ng pagkaing nakahain sa kanilang hapag.

Samantala, si Paloma naman ay kunot-noo lamang na pinanunuod ang mga kababayan niyang masayang tumatanggap ng tulong mula sa mayamang negosyanteng si Peter Herrera. Bahagya siyang nakadama ng pagkaantig sa puso ngunit mas nangingibabaw ang kaniyang pagdududa sa tunay na hangarin ng ginagawang pagtulong ni Peter.

Marami na kasing mga pulitiko at iba pang mga malalaking tao ang gumawa ng gan’on sa kanila. Ginamit ang kanilang kahirapan upang makuha ang simpatiya ng karamihan para magamit nila iyon sa pansarili nilang pakinabang!

Nasa ganoong tagpo si Paloma nang bigla na lamang siyang lapitan ulit ni Mercy. May hawak-hawak itong cellphone at humahangos na ipinakita nito sa kaniya ang isang article na nakita nito sa internet.

“O, Mercy, ano ’yan?” takang tanong ni Paloma sa kaibigan.

“May nalaman akong sa tingin ko ay makakapagpabago sa pananaw mo tungkol kay Peter Herrera.” Napakunot agad ang noo ni Paloma sa narinig.

“Ano naman ’yon?” aniya.

“Alam mo ba, lumaking batang lansangan ’yang si Peter Herrera? Siya iyong batang tinulungan lang ng isang pulitiko na makapag-aral nang minsang makita siya nitong kumakain ng pagpag sa tabi ng munisipyo,” saad pa ni Mercy. “Bukod doon, naulila pala siya nang malagutan ng hininga ang kaniyang buong pamilya nang matabunan ng lupa dahil sa landslide ang bahay na tinitirhan nila. Siya lang ang tanging nakaligtas kaya’t simula noon ay nagpalaboy-laboy na siya at nakaranas na maghirap.”

“Kaya ngayong mayaman na siya, kasama sa kaniyang adbokasiya na tumulong sa mga bata at pamilyang kapus-palad, ganoon din ’yong mga naaapektuhan ng sakuna. Alam mo, Paloma, sa tingin ko ay totoo naman at sinsero si Peter sa kaniyang ginagawa lalo na at minsan na rin niyang naranasang maghirap. Kita mo nga, o, sa mga ipinamigay niya, wala namang nakalagay na pangalan niya.”

Nang matapos ang paliwanag ni Mercy, pakiramdam ni Paloma ay nanliit siya. Napahiya siya sa kaniyang sarili dahil inuna niya pang manghusga sa tunay na hangarin ng isang tao kaysa magpasalamat na mayroong tumutulong sa kanila. Isa itong leksyon para sa dalaga.

Advertisement