Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Inis na Naramdaman ng Matandang Lalaki sa Walang Galang na Babae’y Handa Itong Mawalan ng Trabaho; Ito Pala ang Pinagmulan ng Kanilang Pagtatalo

Dahil sa Inis na Naramdaman ng Matandang Lalaki sa Walang Galang na Babae’y Handa Itong Mawalan ng Trabaho; Ito Pala ang Pinagmulan ng Kanilang Pagtatalo

Payapang nagwawalis si Mang Pablo ng mga lantang dahong nahulog mula sa malalaking punong kahoy na nakapalibot sa paaralang kaniyang pinagtatrabahuan. Sitenta’y singko na si Mang Pablo, ngunit hanggang ngayon ay gusto pa rin niyang nagtatrabaho, kahit na mahigpit na iyong ipinagbabawal ng kaniyang pamilya.

Kaysa naman tumambay sa bahay at umupo nang maghapon ay mas pinili ni Mang Pablo na makiusap sa kaniyang anak na punong-guro ng eskwelahang ito na hayaan siyang magtrabaho bilang taga-linis sa eskwelahang pinagtatrabahuan nito may mapaglibangan man lang siya’t hindi maburyong sa bahay. Labag man sa loob ay napilitan si Josefa na sundin ang ipinakiusap niya.

Masaya naman siya sa kaniyang ginagawa at walang reklamo niyang ginagawa ang kaniyang trabaho. Noong kaniyang kabataan ay isang siyang militar, kung tutuusin ay hindi na niya kailangan pang magtrabaho dahil pensyonado naman siya. Sadyang nalulungkot lamang siya sa bahay nila.

“Tatay, pwede mo ba akong tulungan?” Nakikiusap na wika ng babaeng hindi pamilyar sa kaniya.

Hindi niya alam kung guro rin ba ang babae sa paaralang ito. Ngunit hinihingi nito ang tulong niya, kaya bakit hindi niya ito pagbibigyan.

“Sige ‘neng,” walang pagdadalawang-isip na wika ni Mang Pablo.

Sinundan niya ito sa nakaparadang sasakyan at maya-maya lang ay binuksan nito ang likurang bahagi ng sasakyan.

“Tatay, pakibuhat naman no’ng upuan na iyon saka pakibalikan ang mesa,” turo nito sa bakal na upuang malaki at sa mesang gawa sa matigas na kahoy.

Pagkakita ni Mang Pablo sa ipinapabuhat ng babae’y gusto na niyang umatras agad. Matanda na siya’t hindi kagaya noong kaniyang kabataan ay malakas pa ang kaniyang katawan. Kaya pa naman niyang magbuhat, pero hindi na sa ganitong klaseng bigat na gamit. Sa tingin pa lang niya sa mga bagay na ipinapabuhat nito’y alam na niyang mababalian siya ng buto sa katawan. Sa kaniyang tantiya’y hindi kaya ng isang tao ang upuan ay mesang iyon.

“P-pasensiya ka na ‘neng, ngunit hindi ko yata kayang buhatin ang mga iyan,” tanggi ni Mang Pablo.

Agad na nagsalubong ang kilay ng babae saka pinagsalikop ang dalawang braso patungo sa dibdib nito. “Sinong gusto mong magbuhat niya’n tatay, ako? Kaya nga kita tinawag rito kasi hindi ko iyan kaya!” mataray na wika ng babae.

Umiling si Mang Pablo. “Hindi naman sa hindi kaya, pero masyado na akong matanda ‘neng, baka hindi na kayanin ng mga kasu-kasuhan ko ang bagay na iyan. Marurupok na ang mga buto ko sa katawan dala ng katandaan. Hayaan mo’t maghahanap tayo ng medyo bata-bata pa upang tulungan kang buhatin ang mga iyan,” ani Mang Pablo at akmang tatalikod na upang maghanap nang makakatulong sa pagbuhat ng mga kagamitan nito.

“Ano pang silbi mo sa eskwelahang ito kung ganyang sa simpleng pagbubuhat ay hindi niyo magawa?!” mataray na wika nito sabay irap. “Mga matatanda talaga, mga walang kwenta!” Dugtong nito sabay padabog na isinara ang pintuan ng sasakyan.

Hindi na nakapagtimpi si Mang Pablo sa sinabi ng babae. Muli niya itong hinarap upang pagsabihan.

“Anong sinabi mo?” pigil ang galit na wika ni Mang Pablo, hinawakan niya ito sa pala-pulsuhan. “Kung kaming matatanda’y walang kwenta para sa’yo, bakit hindi mo tanungin ang sarili mo? Bata ka pa, kung tutuusin ay malakas ka pa, pero wala kang ibang alam kung ‘di ang mang-utos! Ano ka ba rito? Guro ka ba?”

“Pwes ngayon pa lang sinasabi ko na sa’yong walang mabuting matutunan sa’yo ang magiging estudyante mo, dahil ikaw mismo sa sarili mo hindi ka marunong gumalang sa mga nakakatanda. Wala ka bang papa? Kung iisipin mo baka kasing edad ko lang ang ama mo, pero wala kang galang sa mga matatanda!” gigil na wika ni Mang Pablo.

“Bitawan mo nga ako! Ipapasibak kita sa pinakamataas sa eskwelahang ito!” matigas na banta ng babae.

“Handa akong masisante, maturuan ka lang ng leksyon!”

Maglilitanya pa sana si Mang Pablo nang biglang nagsidatingan ang iba pang mga guro pati na ang kaniyang anak na si Josefa. Nagulat ito sa nangyari at hindi ito makapaniwalang pinatulan ng kaniyang ama si Teacher Lourdes, ang bagong guro ng eskwelahan.

Papagalitan na sana ni Josefa ang kaniyang amang si Mang Pablo nang biglang may nagsalitang ina ng isa sa mga estudyante sa paaralang ito.

“Mrs. Principal, nakita ko po ang lahat. Ang totoo po’y walang kasalanan si Tatay Pablo, nagwawalis po siya kanina sa may school garden ng tawagin siya ng babaeng iyan para utusang pagbuhatin ng mabibigat na upuan at mesa. Nagalit siya nang tumanggi si tatay kasi hindi na kaya ng matandang bumuhat ng mabigat kaya sinabihan niya ito nang hindi maganda. Bastos po kasi siya at wala pang galang sa matatanda,” salaysay nito sa buong pangyayari.

Dahil marami ang nakasaksi sa nangyari ay naabsuwelto si Mang Pablo sa ginawang paninigaw kay Lourdes. Hindi pa man nakakapagsimula ang naturang guro ay agad na itong sinibak ni Josefa, na ayon sa kaniya’y hindi ito magiging mabuting ehemplo sa kinasasakupan niya.

Hindi na nila inalam ang dahilan ni Lourdes kung bakit tila may galit ito sa mga matatanda at nais nitong pahirapan ang mga iyon, dahil ayon sa pinanggalingan nitong eskwelahan ay may nakaaway rin itong matandang babae kaya nagdesisyon ang punong-guro doon na ilipat ang guro sa ibang lugar.

Hindi masamang humingi ng tulong sa kapwa, pero sana naman ay tantiyahin natin kung kakayanin ba nila ang hinihingi nating tulong o hindi. Hindi habambuhay ay bata tayo’t malakas, kaya maging magalang sa matatanda.

Advertisement