Inday TrendingInday Trending
Matigas ang Paniniwala ng Dalagang Walang Madrastang Mabait sa mga Anak-Anakan Nila; Tama Naman Kaya ang Kaniyang Paniniwala?

Matigas ang Paniniwala ng Dalagang Walang Madrastang Mabait sa mga Anak-Anakan Nila; Tama Naman Kaya ang Kaniyang Paniniwala?

Anim na taon na ang nakakaraan mula noong nabiyudo ang kaniyang ama. Sa nakalipas na anim na taong iyon ay nakapokus lamang ang atensyon nito sa kanilang dalawa ng kaniyang kapatid. Ngunit nitong mga huling buwan ay panay ang pasaring nito na natagpuan na nito ang babaeng maaaring papalit sa kanilang mama.

Bilang panganay na anak nito’y sinabihan niya ang ama na oras na siguro upang ipakilala nito ang babaeng muling nagpatibok sa puso nito. Ngayon na nga ang araw na mangyayari ang sinabi niya. Ayon sa kaniyang papa ay dadalhin nito si Sofia— ang nobya nito upang ipakilala sa kanilang dalawa ni David.

Kaninang umaga pa abala ang lahat ng katulong nila upang paghandaan ang espesyal na araw na ito. Nasasabik ang lahat— maliban na lamang siguro sa kaniya.

Anim na taon na ang nakakalipas mula noong namayapa ang kaniyang mama, pero tila kahapon lamang nangyari ang lahat. Kaya siguro kahit kaunting pananabik ay hindi man lang niya maramdaman. Ang daming negatibong tumatakbo sa isipan niya at mga eksenang palagi niyang napapanuod sa telebisyon kung gaano kasama ang mga stepmother. Kaya imbes na masabik ay mas kinabahan siya sa pwedeng mangyari.

“Hello,” nakangiting bati ni Sofia sa kaniya.

Sa tantiya ni Danica ay nasa early 30’s pa ang edad ng babaeng ngayon ay magiliw na nakangiti sa harapan niya, tantiya niya’y lamang lang siguro ng tatlong taon ang tanda ng kaniyang ama sa babae. Mukha itong anghel na bumaba sa lupa at panay lamang ang ngiti sa kanila habang magiliw na kinakausap si David na ngayon ay sampung taong gulang pa lang.

Ngunit tila napakahirap pagkatiwalaan ang kabaitang ipinapakita nito. Ganitong-ganito ang mga napapanuod at nababasa niya. Mababait lamang sa una ang mga stepmothers, pero kalaunan ay lalabas rin ang totoong ugali ng mga ito.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari at ngayon ay ikinasal na ang kanilang papa kay Sofia, kaya ngayon ay dito na rin ito nakatira sa bahay nila. Ang dating kabaitan nito noong una silang nagkakilala’y hindi man lang nagbago.

Nakangiti pa rin itong nakikipag-usap sa kanila at matiyagang inaalagaan ang kaniyang bunsong kapatid. Hanggang sa hindi na niya namalayang napakabilis palang lumipas ng panahon dahil halos tatlong taon na mula noong ikinasal ang kaniyang ama at si Sofia, pero hindi man lang nagbago ang pakikitungo ng kaniyang madrasta sa kanila, mas naging close pa nga si David kay Sofia.

“Hi, Danica, may inihanda akong pancake d’yan sa ref, gusto mo bang initin ko?” salubong nito sa kaniya.

Galing siya sa eskwelahan at totoong kanina pa siya nagugutom. “S-sige po tita,” aniya.

Matapos initin ni Sofia ang pancake ay agad nito iyong ibinigay sa kaniya. Akmang babalik na sana ito sa hardin upang ipagpatuloy ang pagdidilig sa mga halaman nang matigilan dahil sa sinabi niya.

“Tatlong taon na tayong magkasama sa iisang bubong pero hanggang ngayon ay hindi ko man lang nakitang nagalit ka sa’min at inalipusta kami. Kailan mo ba talaga ilalabas ang totoo mong ugali, Tita Sofia?” tanong niya rito.

Alam niyang hindi ito ang totoong ugali ng madrasta, magaling lang siguro talaga itong magtago.

“H-ha? Nagagalit rin naman ako, Danica—”

“Hindi gano’ng galit ang sinasabi ko. Ang sinasabi ko’y iyong mga kagaya sa mga ev*il stepmother na palagi kong napapanuod at nababasa!”

“H-ha? Bakit naman gano’ng klase ang gusto mong maging ugali ko, Danica?” nagtatakang tanong nito.

“Kasi gano’n naman kayo ‘di ba? Gusto niyong mawala ang unang anak ng asawa niyo. Gusto niyong solohin lang ang atensyon ng asawa niyo, kaya pahihirapan niyo kaming mga anak para kami na ang kusang umalis sa poder ninyo,” aniya.

Ngumisi si Sofia sabay iling sa hindi kapani-paniwalang imahinasyon ni Danica. “Alam mo Danica, dapat sigurong iwasan mo na ang kakapanuod ng mga ganiyang palabas,” anito saka humakbang palapit sa kaniya.

“Danica, hindi lahat ng stepmother ay ev*il, may mga madrasta pa ring mababait at ang tanging nais lamang ay mapalapit sila sa mga anak ng lalaking minamahal nila. Alam mo Danica, hindi ko pa kayo nakikilala ni David ay minahal ko na kayo kagaya ng pagmamahal ko sa papa niyo. Kailanman ay hindi niyo kasalanan kung bakit kayo nawalan ng ina at mas lalong hindi iyon kasalanan ng papa niyo, kaya bakit ko kayo mamaltr*tuhin?”

“Sa totoo lang, tuwing gabi ay wala akong ibang hinihiling na sana dumating ang araw na matanggap niyo ako bilang bagong asawa ng papa niyo. Mahirap ang papel ng isang madrasta, Danica, pero hindi ko alintana ang bagay na iyon, kasi para sa’kin ang swerte ko kasi agad-agad may dalawa na akong maganda at gwapong anak.”

“Wala akong ibang hangad kung ‘di ang tanggapin mo ako sa buhay mo, Danica, wala akong masamang binabalak sa inyo ni David, mas magiging masaya ako kung magkakasundo tayong apat bilang isang pamilya, hindi man ako ang tunay niyong ina. Gusto kong maging ina para sa inyo,” mahabang paliwanag ni Sofia.

Hindi na napigilan ni Danica ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Sapat na ang mga narinig niya sa bibig ni Sofia upang isiping nagkamali siya sa paghusga rito.

“Gusto mo bang mag-protesta ako sa mga palabas na ginagawang masama ang papel ng isang stepmother?” natatawang sambit ni Sofia.

Hindi na sumagot si Danica, sa halip ay niyakap na lamang niya si Sofia at humingi ng tawad dito.

Simula sa araw na iyon ay mama na ang tawag niya kay Sofia, matagal man niyang natanggap si Sofia sa buhay niya’y alam niyang sulit naman ang lahat nang iyon. Tama si Sofia, hindi madali ang papel ng mga madrasta. Mahirap ang maging ina sa mga anak na hindi nanggaling sa’yo, kailangan mo nang malawakang pang-unawa at pasensiya. Salamat at iyon ang ginawa ni Sofia sa kaniya na talaga namang nakatulong upang lubos niyang maunawaan ang lahat.

Advertisement