
Laki sa Lolo ang Binatilyong Ito na Nag-aaral sa Maynila; Paano Kaya Kung Makalipas ang Ilang Linggo, Hindi na Ito Nagparamdam sa Kaniya?
Kilala niya ang Lolo Betuel niya. Hindi nito sasabihin sa kaniya na may iniinda itong sakit. Kasi ayaw siyang mag-alala. Nasa Maynila siya, nanunuluyan sa isang dormitoryo, upang matapos ang kaniyang kursong Political Science. Balak niyang maging abogado. Gusto niyang maging tagapagtanggol ng mga walang tinig sa lipunan.
“Lolo, kumakain ba kayo nang husto? Umiinom po ba kayo ng maintenance ninyo?” nag-aalalang tanong ni Arthur sa kaniyang lolo. Magkausap sila sa video call. Siya nasa roof top ng kaniyang dormitoryo, tanaw ang mga gusali, na sinlawak ng kaniyang mga pangarap.
“Apo, huwag mo akong intindihin. Maayos ang kalagayan ko. Ikaw ang kumusta? Baka naman puro bulakbol ang ginagawa mo riyan sa Maynila? Tatandaan mo ang mga pangaral ko sa iyo. Huwag ka munang mag-aasawa. Matutong magtimpi. Magkontrol…”
“Lolo… hindi na po ninyo kailangang ipaalala iyan. Hindi na po kailangan kasi alam ko po ang ginagawa ko. I can take care of myself, Lolo,” sansala ni Arthur sa kaniyang abuelo na nagsilbing tatay sa kaniya, matapos siyang maging ulilang-lubos.
Naging biktima ng pangangamkam sa lupa ang mga magulang dahil sa kasakiman ng isang mayamang haciendero.
“Mabuti nang nagkakaintindihan tayo, apo…” hindi na natapos ni Lolo Betuel ang kaniyang mga susunod na sasabihin dahil dinalahit na ito ng ubo. Alalang-alala naman si Arthur. Wala pa namang kasama ang kaniyang lolo sa bahay.
“Iyan ang sinasabi ko po sa inyo lolo eh. Umuwi na lang po kaya ako diyan? Matigas po yata ang ulo ninyo. Hindi kayo tumitigil sa paghithit ng tabako. Mapapaaga kayo niyan.”
“Tumigil ka ngang bata ka. Mas malakas pa ako sa kalabaw. Magpokus ka lamang diyan. Sige na, tapusin na natin ang pag-uusap na ito at may gagawin pa ako. Paliliguan ko pa si Kalakian dahil napakainit ng panahon,” paalam ng kaniyang lolo. Si Kalakian ang kanilang kalabaw.
Mahal na mahal ni Arthur ang kaniyang lolo. Ito na lamang ang natitirang kaanak niya, at ayaw niyang mawala ito sa kaniya. Gagawin niya ang lahat upang maprotektahan lamang ang taong nagbigay sa kaniya ng lahat; ang nag-aruga sa kaniya.
Mahigpit ang naging bilin ni Lolo Betuel sa kaniya. Huwag munang magkaroon ng kasintahan. Subalit lalaki si Arthur. Nasa Maynila siya. Nakapalibot sa kaniya ang mga ‘tukso’. Pumapayag naman ang mga babaeng naaaya niya dahil gumagamit siya ng proteksyon. Isang gabi lamang. Walang emotional attachment. Palagay niya, normal na pagdaanan iyon ng binatilyong tulad niya. ‘Pagbibinyag’ nga ang tawag doon ng ilan.
Ngunit sa isang pagkakataon, tinamaan ng pag-ibig si Arthur sa isa niyang ‘kalaro.’ Hindi niya malaman ang gagawin nang magpasya itong lumayo sa kaniya, nang malaman nitong nahuhulog na ang kaniyang kalooban sa kaniya. Nakaapekto ito kay Arthur. May mga pagkakataong nagka-cutting class siya.
Nagkataong sa araw na hindi siya pumasok ay nagkaroon ng mahabang pagsusulit ang kanilang propesor. Naging dahilan ito upang magkaroon siya ng markang 2.0. Nasira sa isang iglap lamang ang kaniyang pangako sa sarili na makakukuha siya ng parangal sa kaniyang pagtatapos. Munting regalo lamang sana para sa kaniyang Lolo Betuel.
Ngunit dahil sa isang damdaming hindi kayang tanggapin, heto’t ni Cum Laude ay tila hindi na makukuha pa ni Arthur. Lalong nangipuspos ang pakiramdam ni Arthur. Kailangan niya ang kaniyang lolo. Kailangan niya ng kausap.
Saka lamang niya napansin na hindi na pala sila nagkakausap ng kaniyang lolo. May dalawang linggo na. Nag-alala na si Arthur. Hindi man lamang tinitingnan ng kaniyang lolo ang mga padala niyang mensahe sa Messenger. Ano kayang nangyari dito?
Dala ng labis na pag-aalala, agad na umuwi ng kanilang probinsya si Arthur. Iba ang kabog sa kaniyang dibdib.
Pagdating sa kanila, agad siyang pumasok sa loob ng kanilang bahay. Bagama’t hindi naman nakapinid ang pinto hudyat na may tao sa loob, wala naman ang kaniyang lolo.
“Lolo? Lolo Betuel?”
Umikot siya sa kusina at banggerahan. Wala. Nagtungo siya sa silid nito, sa palikuran. Wala pa rin. Sinilip niya ang kanilang bakuran. Si Kalakian lamang ang naroon, tahimik na nanginginain ng mga dayami.
Nasaan ang lolo niya?
Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Posible kayang may nangyari habang nasa bukid ito? O baka natambangan ng mga tulisang-bundok? O binalikan ng hayop na haciendero na naging dahilan ng kanilang pagdurusa?
Napansin ni Arthur ang isang papel na nakatupi sa gitna ng kanilang mahabang mesa. Dala ng kuryosidad, kinuha niya ito. Isang liham. Sulat-kamay ng kaniyang lolo. Nakasulat ang isang pahayag na “Sa sinumang makababasa nito, marahil ay wala na ako…”
Hindi na napigilan ni Arthur ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Anong nangyari sa kaniyang Lolo Betuel? May sakit ba ito na inilihim sa kaniya?
“Apo? Anong ginagawa mo rito?”
Agad na sinalubong ng yakap ni Arthur ang kaniyang lolo. Nagpunta lamang pala ito sa bukid upang manguha ng mga dayami at maipakain kay Kalakian. Iniwan nito ang liham sa mesa para sa kanilang mga tauhan, na magtataka kung saan nagpunta ang kaniyang lolo.
“Walang signal dito ngayon sa atin kaya hindi ako makapag-chat sa iyo. Ang sabi ko naman, tiyak na uuwi ka naman dito kapag hindi na ako nakikipag-usap sa iyo, na ginawa mo nga,” natatawang sabi ni Lolo Betuel. Kabisadong-kabisado talaga siya nito!
At ipinagtapat ni Arthur ang isa sa mga dahilan kung bakit siya umuwi sa probinsya. Nakinig lamang ang kaniyang lolo at sa halip na pagalitan siya, inunawa na lamang siya nito. Pinagsabihan siya na ayos lamang ang magmahal dahil hindi naman mapipigilan ang damdamin, subalit huwag pa ring kalilimutan ang mga bagay na mahalaga rin, lalo na ang pag-aaral.
Iniwan man siya ng kaniyang nagustuhang babae, o wala na siyang pagkakataong maging Cum Laude, may isa naman siyang kayamanan na tanging siya lamang ang nagmamay-ari: si Lolo Betuel!
Matapos ang ilang mga taon, nakapagtapos na rin ng pag-aaral si Arthur. Hindi man siya Cum Laude, nakaakyat pa rin sa entablado ang kaniyang Lolo Betuel dahil Dean’s lister naman siya. Matapos ng kaunting pahinga, saka siya nag-enrol ulit upang kunin naman ang kursong Law. Itutuloy-tuloy niya ang pagkamit ng kaniyang pangarap na maging isang ganap na abogado kapiling ang kaniyang pinakamamahal na lolo.