Inday TrendingInday Trending
Libangan ng Ginang na Maglubid ng Kuwento Hinggil sa Kaniyang mga Kapitbahay; Anong Karma Kaya ang Balik Nito sa Kaniya?

Libangan ng Ginang na Maglubid ng Kuwento Hinggil sa Kaniyang mga Kapitbahay; Anong Karma Kaya ang Balik Nito sa Kaniya?

Wala nang ginawa si Aling Nympha kundi mamintas ng kaniyang kapwa, lalo na sa kaniyang mga kapitbahay. Puro na lamang hinala at pag-iimbot ang lumalabas sa kaniyang bibig kapag nakikita niyang may magagandang bagay na nakakamit ang mga ito.

Tulad ngayon, napansin niyang may bagong nakaparadang magarang kotse sa katapat na bahay nila.

“Wow, ganda ng kotse nila ano, Nympha?” bulong sa kaniya ng kaibigan at kaututang-dila na si Aling Tina na bilib na bilib sa kaniya, dahil kaya niyang ungkatin ang mga pinaka-katago-tagong lihim ng kanilang mga kapitbahay.

Sagap na sagap kasi ni Aling Nympha ang mga kuwento dahil may maliit siyang sari-sari store na pinagtatambayan ng mga kagaya niyang ginang na ginagawang pampalipas-oras ang pakikipagkuwentuhan at pag-urirat sa buhay ng iba.

“Sus… pakiramdam ko utang lang iyan. Hindi pa tapos bayaran iyan. O kaya naman, baka naman miyembro ng sindikato yung lalaki,” saad ni Aling Nympha.

Pinatahimik siya ng kaniyang kumare. “Hoy, baka may makarinig sa iyo. mabait iyang pamilya na iyan! Hindi iyan gagawa ng masama…”

“Sus, alam ko ang likaw ng bituka ng pamilyang iyan!” sansala naman ni Aling Nympha kahit na ang totoo, hindi pa naman niya nakakausap ang mga ito.

Nasasabi lamang niya ang mga ito dahil sa kanilang hitsura. Nang makita niya ang padre de pamilya, palagay niya ay mukha itong ‘goon’ sa pelikulang aksyon na madalas ay napapanood niya sa mga pelikula ng paborito niyang si FPJ.

Pakiramdam naman niya ay tamad na ina ang ilaw ng tahanan dahil pusturang-pustura ito lagi, kahit nasa bahay lamang, nakaayos ang mukha, may pahid ng make-up at lipstick sa kaniyang mga labi. Naiinis si Aling Nympha dahil nasa bahay lang naman, bakit kailangang mag-ayos nang ganoon?

Samantalang siya, lumilipas yata ang maghapon na hindi man lamang niya nasulyapan ang kaniyang pagmumukha sa salamin. Naniniwala siyang hindi na kailangan pang magpaganda kung nasa loob din lamang ng bahay. Kaya naman, naaartehan siya sa babaeng iyon.

Isang araw, nakita ni Aling Nympha na maraming pinamili ang kanilang kapitbahay. Narinig din niyang masayang-masaya ang ginang dahil binilhan siya ng air fryer na sikat na sikat ngayon. Ngitngit na ngitngit naman si Aling Nympha.

“Ang yayabang naman ng mga ito! Akala mo naman kung sinong mayayaman. Magkakaroon din ako niyan!” bulong ni Aling Nympha sa kaniyang sarili.

Kaya naman sa sumunod na araw, ginawan na naman niya ng isyu ang kanilang kapitbahay.

“Narinig ko, bumili sila ng air fryer na usong-uso ngayon. Tapos nag-away yung mag-asawa dahil wala na silang pera, dahil ang misis niya ay saksakan nang luho! Kung ano-ano ang pinabibili sa asawa niya. Tapos narinig ko pa na parang may ibang babae yata yung padre de pamilya. Kita mo iyan! Kaya huwag silang magmamayabang!” kuwento ni Aling Nympha kay Aling Tina. Ang totoo niya, gawa-gawa lamang niya ang lahat.

Ngunit sabi nga, lahat ay may katapusan. May karma.

Ito palang si Aling Tina ay may iba ring mga ka-tsismisan. Nagkataon naman na kumalat ang naturang gawa-gawang kuwento at nakarating sa kaalaman ng mag-asawa. Galit na galit ang mag-asawa kay Aling Nympha. Hindi nakapagtimpi ang ginang at sumugod ito sa kaniyang bahay.

“Mawalang galang na ho. Bakit ho kayo gumagawa ng mga kuwento tungkol sa amin ng pamilya ko? Akala ho ba ninyo ay hindi makararating sa amin, na naglulubid kayo ng kuwento tungkol sa pamilya ko? Naku po, hindi po maganda iyan!” galit na sabi ng ginang.

Tila naman umurong ang dila ni Aling Nympha. Hindi niya inaasahang susugurin siya ng mag-asawa sa kaniyang bahay at malalaman ng mga ito ang kaniyang mga tsismis na ginagawa tungkol sa kanila. Tila nabahag ang buntot niya. Hindi siya nakapagsalita.

“Alam ho ba ninyo na puwede namin kayong kasuhan ng paninirang-puri? May matibay po kaming ebidensya dahil nakausap po namin ang kaibigan ninyong si Aling Tina, na sa kaniya nagmula ang kuwentong kumakalat tungkol sa amin, at nang tanungin namin siya, sa inyo raw ho nanggaling ang lahat,” saad naman ng mister.

Nauutal na humingi na lamang ng patawad si Aling Nympha sa mag-asawa. Hindi siya magkandatuto sa kaniyang pagsasalita.

“N-Naku, patawarin na ninyo ako. Hindi ko naman sinasadya. Naging OA lang ako sa pagkukuwento, kaya pasensiya na…”

Subalit hindi nagpatinag ang mag-asawa. Inireklamo at kinasuhan nila si Aling Nympha ng defamation, sa salang slander o paninirang-puri sa pamamagitan ng pasalitang paraan, dahil sa mga malisyosong mga kuwentong gawa-gawa nito, na ipinalabas na totoo.

Dahil sa matibay ang naging ebidensya, natalo sa asunto si Aling Nympha, kaya nagbayad siya ng danyos o penalty para sa perwisyong kaniyang ginawa sa mag-asawa.

At ito na ang malaking aral sa buhay ni Aling Nympha na hinding-hindi niya malilimutan, at nagpaunawa sa kaniya na hindi dapat ginagawan ng kuwento ang buhay ng ibang tao, lalo na kung hindi naman totoo at makasisira sa kanilang dignidad at pagkatao.

Sa wakas, tuluyan na nga siyang nagtanda.

Advertisement