Inday TrendingInday Trending
Isa sa mga Nakuha Bilang Bahagi ng Private Army ng Isang Politiko ang Tatay na Ito; Makapasa Kaya Siya’t Makatulong sa Kaniyang Pamilya?

Isa sa mga Nakuha Bilang Bahagi ng Private Army ng Isang Politiko ang Tatay na Ito; Makapasa Kaya Siya’t Makatulong sa Kaniyang Pamilya?

Kailangang-kailangan ni Mang Torio ng pera kaya pinasok niya ang trabahong palihim na inalok sa kaniya ng kumpare.

Alam niyang sensitibo at confidential ang trabahong papasukin niya dahil pabulong kung kausapin siya ng kumpare. Nire-recruit siya nito sa trabahong bibihira lamang ang pumasok: maging kasapi ng private army ng isang kilalang politiko. Tamang-tama, nawalan siya ng trabaho bilang factory worker dahil lagpas na raw siya sa age limit. Ngunit tantya niya, sinadya lamang ito dahil nagbabawas sila ng mga tauhan.

“Malaki ang bayad, pare. Malaki naman ang kaha ng katawan mo. Kayang-kaya mo ‘yan. May bayad ang training. Pasukin na natin… naghahanap lang ako ng kasama eh. Ako kasi umoo na, sasabak na ako sa training at oryentasyon. Kaya sumama ka na…” aya sa kaniya ng kumapreng si Mang Nato.

At narito na nga sila sa oryentasyon. Sa isang pribadong property ng kanilang magiging boss ang naging venue. Nalula sila sa mala-mansyong bahay nito. May malawak na bakuran, malaking swimming pool, at napalilibutan ng mga punong mangga. Stay-in daw kaya may mga dala na silang gamit. Nagpaalam naman sila sa mga pamilya nila.

Mahigpit ang bilin sa kanila ng nagsisilbing trainer nila: bawal sabihin ang trabahong iyon kahit na kanino. Walo silang lalaki na naroroon. ‘Master’ ang sinabi ng trainer na itawag sa kaniya.

“Araw-araw, sasanayin kayo para mapabilang kayo sa private army ng ating boss. Alam ba ninyo ang magiging trabaho ng isang private army? Bukod sa kailangan ninyong proteksyunan ang ating boss na isang makapangyarihang politiko sa pamahalaan, kailangan din ninyong sundin ang mga ipag-uutos niya, sa ayaw man ninyo o sa gusto,” matatag, baritono, at masungit na paliwanag ni Master. Nakakatakot ang kaniyang tinig.

Tahimik na nakikinig lamang sila. May isang naglakas-loob na nagtanong.

“Ano po ba ang mga halimbawang i-uutos ng ating boss?” tanong nito.

Hindi sumagot si Master. Bagkus, kinuha nito ang baril na nakasukbit sa baywang. Nilagyan ng punglo. Pagkaraan, inasinta nito ang isang bibe na nasa lupa, tahimik na nanginginain. Kinalabit ang gatilyo. Asintado ang kaawa-awa at walang kamalay-malay na bibe. Nagkikisay-kisay ito. Nagulat silang lahat.

“Ganiyan. Ganiyan ang gagawin ninyo. Kahit kanino.”

Hindi kumibo sina Mang Torio, Mang Nato, at ang iba pa nilang mga kasama. Inasahan na nila na may posibilidad na humawak sila ng sandata, subalit hindi nila inasahang may ipagagawa sa kanila na maaaring labag sa kanilang kagustuhan.

“Siyempre, kailangan ninyong proteksyunan ang ating boss. Bahagi ng pagsasanay ang paggamit ng baril, pakikipagsuntukan, at pagresponde kapag may nakaambang panganib. Bayad ang training ninyo. Malaki ang susuwelduhin ninyo buwan-buwan. Insured ang mga pamilya ninyo kapag may nangyari sa inyo.”

Maya-maya, pumasok ang ilang mga armadong lalaki na akala mo ay mga karakter sa isang pelikulang aksyon. May hawak silang mga cute na cute na tuta.

“Kasabay ng training ninyo sa loob ng isang buwan, kailangan ninyong alagaan ang mga tuta na ito. Bibigyan kayo ng tig-isang tuta. Kailangang palakihin ninyo sila at alagaang mabuti dahil balang araw, sila ang makakatuwang ninyo sa mga tungkulin ninyo,” utos ni Master.

Tuwang-tuwa si Mang Torio nang mapunta sa kaniya ang tutang sa una pa lamang ay nakapukaw na sa kaniyang atensyon. Mahilig kasi siya sa pag-aalaga ng aso. Pinangalanan niya itong ‘Simba,’ halaw sa paboritong pelikulang cartoons ng anak. Kulay-brown ito at talaga namang cute na cute!

Matapos niyon ay isang buwang training. Sinanay sila sa paghawak at paggamit ng baril, gayundin sa martial arts. May mga panahong pinagsasabong sila sa isang suntukan. Tuwing umaga at gabi, sila ay nag-eehersisyo. Pakiramdam nila, sila ay mga pulis at sundalo.

Mabuti na lamang at binigyan sila ng alagang aso. Mabilis lumaki si Simba. Matakaw. Kahit paano, naiibsan ang kaniyang pagkalungkot at pagka-miss sa kaniyang pamilya. Katabi pa niyang matulog ang tuta.

Dumating ang huling pagsusulit para sa kanila; kung makakapasa ba siya o hindi.

“Kunin ninyo ang mga baril ninyo. Tingnan natin kung asintado kayo.”

Inihanda nga ng walo ang kani-kanilang mga baril. Ngunit hindi nila inasahan ang susunod na mga mangyayari. Nakita na lamang nila ang kani-kanilang mga alagang tuta na nakahilera, kinuha ng iba pang mga tauhan ng kanilang boss.

“Ito ang huling pagsusulit sa inyo. Kailangan ninyong barilin ang mga tuta na pinaalagaan sa inyo sa loob ng isang buwan. Tiyakin ninyong mapupuruhan at malalagutan ng hininga.”

Tila sila nanigas sa kanilang pagkakatao, lalo na si Mang Torio.

“Kapag nagawa ninyo, pormal at opisyal na kayong makakapasok sa team. Makikilala na ninyo ang ating boss. Kapag hindi naman, sinayang lang ninyo ang isang buwang pamamalagi rito; wala pa kayong makukuha ni isang kusing. Sayang ang pribilehiyo. Sayang ang malaking suweldo.”

“P-Parang hindi ko yata kaya…” anas ni Mang Torio kay Mang Nato.

“Ano ka ba naman Torio, aso lang iyan… mag-alaga ka na lang ulit. Huwag mong sayangin yung isang buwan. Wala kang maiuuwi sa pamilya mo.”

Isa-isang nagpakawala ng bala ang unang limang lalaki. Nangisay ang kanilang mga alagang aso at nalagutan ng hininga.

Isa pang putok. At isa pa. Mula kay Mang Nato.

Nakaabang ang lahat kay Mang Torio. Siya na lang ang hindi bumabaril sa alagang aso.

“Oh ano na? Tumitiklop ka na ba dahil sa alagang aso mo? Tandaan ninyo: dapat matibay ang loob ninyo rito, kasi kahit na sinong ipatrabaho sa inyo, dapat magagawa ninyo ang trabaho ninyo…”

Iniumang ni Mang Torio ang baril kay Simba. Mag-aaral na sa kolehiyo ang panganay niya. Baon sila sa utang. Nangako siya sa pinagkakautangang tindahan na matapos ang isang buwan, makakabayad siya. Kailangan niya ng pera. Kailangan ng pamilya niya.

Ngunit nagtama ang paningin nila ng alagang si Simba. Ang alagang isang buwan pa lamang niyang inalagaan subalit minahal na parang tunay na anak. Ito ang pumawi ng kaniyang mga kalungkutan… Nakipagtitigan sa kaniya ang alaga…

“Tatay! Tatay! Nariyan na si Tatay, ‘Nay!” masayang salubong ng kaniyang bunsong anak. Tumayo naman ang misis ni Mang Nato mula sa paglalaba, nakangiting sinalubong ang asawa. Pagkaraan, napakunot ang noo at napatingin sa sa sahig.

“Aw! Aw! Aw!”

“Ang cute naman ng asong ito, ang taba-taba!” nakangiting turan ng kaniyang misis. Dinila-dilaan naman ni Simba ang mga kamay ng kaniyang misis. Kinarga naman ito ng kaniyang anak, at pinaupo sa kandungan. Tahimik na tinitigan lamang ni Mang Nato ang naturang eksena.

Mamaya-maya, ipaliliwanag niya sa misis na hindi siya nakapasa sa kanilang training. Hahanap na lamang siya ng ibang trabaho. Iyong hindi mawawala sa kaniya ang alagang aso. Iyong hindi mababahiran ng dugo ng tao ang kaniyang mga kamay.

Advertisement