Inggit ang Dalaga sa Sarili Niyang Kapatid Dahil sa Talino at Talentong Mayroon Ito, Isang Pangyayari ang Magwawaksi ng Kanyang Nararamdaman
“Ang gagaling naman ng mga anak mo, Cora!” wika ng isang nanay sa eskwelahan ni Hanna at Miggy.
“Naku! Salamat ha,” nahihiyang sagot ng ina.
Kilalang kilala ang magkapatid na ito dahil sa kanilang katalinuhan at mga talento at palagi din ipinagmamalaki ni Cora ang kanyang dalawang anak.
Panganay si Hanna at tatlong taon lamang ang agwat niya kay Miggy.
Elementarya pa lamang sila ay isa na sila sa mga napipiling pambato ng kanilang baitang tuwing may patimpalak sa kanilang paaralan at maging sa iba pang paaralan.
Hindi lamang sa akademiko sila magaling, dahil pati sa larangan ng pag-sayaw at pagkanta ay napipili rin silang para irepresenta ang kanilang paaralan.
Kaya naman maiintindihan kung bakit ang magkapatid na Hanna at Miggy Hernandez ay sikat na sikat sa buong paaralan at maging sa kanilang barangay!
Marami din ang natutuwa dahil malapit sa isa’t isa ang magkapatid. Halos magkasundo sila sa lahat ng bagay at parehas pa sila ng hilig. Kaya bihira lang din silang mag-away.
Ngunit simula nang tumuntong ng high school si Hanna ay unti-unti siyang nakaramdam ng pagkairitable sa kapatid. Kahit maging sa paaralan ay para bang ayaw makasalubong ni Hannah si Miggy.
Hindi niya maintindinhan yung bakit konting kibot ni Miggy ay naiinis siya rito.
“Ate! Alam mo ba kanina sa school, pinili nanaman ako para magrepresent para sa math quiz bee. Turuan mo ako ha?” nakangiting kwento ni Miggy.
“Marami akong projects na gagawin. Wag ka sa akin mag paturo. Saka magaling ka naman diba? Di mo na kailangan yun, galing galing mo eh!” iritang sagot ni Hanna.
“Ate naman eh, inaasar mo naman ako eh,” malungkot na sagot ng bata.
“Ewan ko sayo Miggy. Napaka-arte mo, para kang bata!” at sabay na nilayasan ni Hanna ang kapatid.
Naramdaman ni Miggy ang unti-unting paglayo ng loob ng kanyang ate ngunit hinayaan niya lamang ito. Naisip na lang niya na baka nagdadalaga na kasi ang kanyang kapatid kaya naman lagi siyang inis sa kanya.
Simula nang maghigh school si Hanna, hindi na siya masyadong sumasali sa mga patimpalak sa paaralan. Pwera na lang kung ito’y sa pagsasayaw. Ito na lamang ang naging hilig niya at katwiran niya, tinatamad na siyang sumali sa iba.
Kaya naman laging napapagsabihan ni Cora ang kanyang anak na para bang unti-unti siyang nagbabago, ngunit hinahayaan niya lamang si Hanna dahil ayaw niya itong pilitin.
Si Miggy naman, tuwing may kompetisyong sasalihan, ate niya ang una niyang babalitaan. Siguro ay nasanay na rin siya dahil ganito naman sila noon pa ng kanyang kapatid.
“Ate! Kasali ako dun sa competition sa school bukas, manood ka ha?” pag-aya ni Miggy.
“Eh! May klase ako. Saka kung wala man, ayaw kong manood. Ikaw nanaman ang bida dun no.” naiinis na sagot ni Hanna.
Hindi na lamang umiimik si Miggy. Ayaw niyang magalit pa lalo ang kanyang kapatid.
Sa kanilang eskwelahan..
“Girl! Ang galing ng kapatid mo kanina ha?” bati ng isa niyang kaklase.
“Ah. Ok,” Mataray na sagot ni Hanna.
“Bakit ikaw, ‘di ka na sumasali sa mga activities ng school pala?” tanong muli ng kanyang kaklase.
“Oh eh ‘di ikaw ang sumali, baka gusto mo eh,” inis niyang sagot.
“Eto naman, nagtatanong lang naman ako,” mahinang sagot ng kanyang kaklase.
Doon napagtanto ni Hanna na unti-unti siyang nakakaramdam ng inggit sa kapatid. Dahil palaging si Miggy ang napapansin, palaging mas marami ang kompetisyong nasasalihan ni Miggy, mas marami rin ang nauuwi niyang medalya. Nagseselos rin si Hanna sa tuwing napupuri ang kanyang kapatid at madalas ay naipagkukumpara pa sila.
Nakita rin ni Hanna na tila mas paborito ng kanilang ina si Miggy kaysa sa kanya.
Kaya naman mula noon ay nawalan na siya ng gana.
Unti-unti na ding napalayo ang loob ni Miggy sa kanyang kapatid dahil palagi lang naman siyang inaaway nito at nasasabihan ng masasakit na salita.
Nang ika-apat na taon ni Miggy sa high school, tuwang tuwa niyangibinalita sa kanyang ina ang pagiging Valedictorian ng kanilang klase.
“Ma! Valedictorian ako, ma! Pero sana ‘wag na lang nating sabihin kay ate. Baka kasi mainis na naman siya sa akin eh,” ani ni Miggy.
“Ano ka ba naman, anak? Hindi iyon mangyayari dahil magkapatid kayo. Hayaan mo, kakausapin ko ang ate mo.”
Tumango na lamang si Miggy ngunit nag-aalala parin na magalit sa kanya ang kanyang kapatid.
“Anak, sa sabado na pala ang graduation ni Miggy. Wala ka namang pasok nun di ba? Samahan mo ako ha?”
“Eh ayoko ma. Ang dami kong tambak na projects na kailangan kong gawin!” sagot ni Hanna na halatang nagiimbento lang.
“Gawin mo lahat pagkauwi natin. Sasama ka sa akin. Tapos ang usapan.”
Alam ni Hanna na hindi na siya makakalaban pa sa kanyang nanay pag ganoon na ang kanyang salita. Kaya kahit ayaw niya ay wala na siyang magagawa.
Nang dumating ang araw ng pagtatapos ni Miggy, inanyayahan siya sa entablado para magbigay ng mensahe para sa lahat ng mga magtatapos.
Nang simulan niya na ang pagsasalita ay tumungo si Hanna at naglaro na lamang sa kanyang cellphone. Ayaw niyang pakinggan si Miggy dahil alam niyang maiinis lamang siya rito.
Nang mapunta ang mensahe ni Miggy na alay niya sa kanyang pamilya ay napatigil sa kanyang ginagawa si Hanna. Naluha siya nang biglang banggitin ng kapatid ang kanyang pangalan…
“At para sa ate ko. Nagpapasalamat ako sayo dahil nanatili kang number one na inspirasyon ko. Kaya ako nakatayo sa harapan ngayon ay dahil sa’yo. Bata pa lang ako hinahangaan na kita. Masayang-masaya ako dahil tuwing binabanggit ang pangalan mo, nadadamay ang pangalan ko pakiramdam ko ang galing-galing ko na rin kasi magaling ang ate ko. Lahat ng mga bagay na kaya kong gawin ay nagawa ko dahil ginagaya kita kasi idol talaga kita ate, eh. Kaya maraming salamat sayo.”
Hindi na natapos pa ni Hanna ang mensahe ni Miggy dahil tumakbo na ito papunta sa pinaka malapit na banyo. Doon, humagulgol siya ng sobra-sobra dahil hindi niya alam na ganito pala ang tingin sa kanya ng kanyang kapatid.
Pagkauwi nila sa kanilang bahay ay doon kinausap ni Hanna ang kanyang kapatid.
Ngunit bago pa man siya makapagsalita ay niyakap niya ng napakahigpit ang kanyang kapatid.
“Patawarin mo ako Miggy,” bulong niya. “Hindi ko alam na ganun pala -,” nauutal niyang salita.
“Sana mapatawad mo ako dahil naging masama akong kapatid sayo ng ilang taon. Dahil punong puno ako ng inggit imbis na matuwa ako sa mga nararating mo. Sana maibalik ko pa ang dating samahan natin,” sambit niya habang umiiyak.
“’Wag kang mag-alala ate, kahit kailan naman hindi ako nagalit sa’yo. Saka ano ka ba ate, magkapatid tayo, habang buhay,” sagot ni Miggy at muli ay niyakap niya ang kanyang ate.
Magmula noon ay naging napakasaya ng samahan ng magkapatid. Naging malapit na sila sa isa’t-isa, at natutunan ni Hanna na imbis na mainggit ay maging masaya para sa mga tagumpay ng kanyang kapatid.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!