Nagrebelde ang Mabait na Anak ng Mag-asawa, Naiyak Sila Nang Malaman Ang Dahilan Nito
“Ano nanaman bang problema!?” “Palagi na lang ganito?!” “Pagod na pagod na ako sayo!” “Sana maghiwalay na lang tayo!”
‘Yan ang palaging linya na naririnig ni Jessa galing sa kanyang mga magulang. Sa edad na kinse, naaalala ng dalaga na simula pa lang na magkaroon siya ng muwang sa buhay ay wala na atang araw na hindi nagaaway ang kanyang mga magulang.
Dahil sa pamilyang nakalakihan niya, labis siyang naapektuhan at walang kamalay-malay ang kanyang mga magulang.
Kung sa kanilang bahay, palagi lamang siyang tahimik, sa kanyang eskwelahan naman ay isa siya sa mga estudyanteng palaging naipapatawag sa opisina ng prinsipal.
Iba-iba ang kanyang nagiging kaso – nangaaway ng kaklase, hindi pumapasok sa klase, hindi gumagawa ng mga asignatura, at minsan ay sumasagot pa sa mga guro.
Dahil dito ay madalas rin na ipinapatawag ang kanyang mga magulang para makausap.
“Miss Castro, please tell your parents na pumunta sa dito sa school bukas. We need to talk to them,” wika ng prinsipal.
“Sige sasabihin ko na lang ho sa kanila,” sagot ni Jessa sabay irap sa kanyang kausap.
“Kapag ka may problema ka Jessa bukas lang ang opisina ko para sayo, kung kailangan mo ng kausap, andito lang ako, okay?” sabi ng prinsipal na nakakahalatang may pinagdadaanan ang kanyang estudyante.
“Sige lang ho,” sagot ng dalaga para matapos lang ang usapan.
Ngunit, kahit ilang beses na ipatawag ang mga magulang ni Jessa ay hindi sila nagpapakita. Ang nangyayari pala ay hindi talaga sinasabi ni Jessa ang totoong nangyayari sa kanyang eskwelahan, at buong akala ng kanyang mga magulang ay maayos naman siya at ang kanyang pag-aaral.
Maiisip lamang ng dalaga na, “Sus, kahit naman sabihin ko, pagagalitan lang nila ako pero wala lang naman sa kanila yun, wala naman silang pakialam sakin. Puro lang naman sila away.”
Ilang taon pa ang lumipas at tanging naging ganito lamang ang ikot ng kanyang buhay.
Madalas ay nagigising na lamang siya sa umaga dahil sa sigawan ng kanyang mga magulang. Kapag siya’y wala namang pasok, nagiging tanghalian niya pa ang sagutan nila. At bago siya matulog, sigaw ng mga magulang niya ang huling beses niyang maririnig.
Pero unti-unti ay naging manhid na siya sa lahat ng mga nangyayari. Mas lumala ang kanyang pagrerebelde nang siya ay nagkolehiyo na. Halos hindi na talaga siya pumapasok sa eskwelahan at kung saan-saan na siya nakikitang nagiinom kahit tanghaling tapat.
Madalas ay gabing-gabi na rin siya umuuwi at magsisinungaling kung saan siya galing.
“Saan ka na naman nagpunta at bakit ginabi ka na?” tanong ng kanyang ina.
“Sa school lang po. May mga inasikaso lang,” palagi niyang palusot.
“Eh gabi-gabi ka nalang atang may inaasikaso. Uwi pa ba ng estudyante ‘yan?” galit na tanong ng kanyang ina.
Hindi na lamang umiimik ang dalaga. Sanay na rin naman na siyang mapagalitan. Bukod pa doon, saglit lang naman ang pagalit ng kanyang ina dahil maya-maya ang mag-aaway nanaman silang mag-asawa.
Ngunit umabot sa puntong, sobrang sama na ng loob ni Jessa sa mga nangyayari. Na binging-bingi na siya sa pag-aaway ng kanyang mga magulang.
Kaya naman nagdesisyon siya isang araw na hindi siya uuwi ng kanilang bahay at makikituloy na lamang muna sa siya sa isa sa kanyang mga kaklase.
Mga alas siyete na ng gabi noong araw na iyon ng mapansin ng kanyang ina na hindi pa siya nakakauwi kaya’t siya’y maya’t maya’y tinatawagan.
Ni isang tawag ng kanyang ina ay hindi niya sinagot. Sinadya niya ito dahil gusto niya munang makatakas sa problema ng kanyang pamilya.
Pinatayan niya ng telepono ang kanyang mga magulang para hindi na siya makakuha pa ng tawag o text mula sa kanila.
Kinabukasan ay umuwi siya sa kanila na parang walang nangyari. Pagpasok niya sa kanilang pintuan ay nandoon ang kanyang mga magulang, nasa sala – inaabangan ang kanyang paguwi.
“Saan ka galing?! Bakit ngayon ka lang umuwi?!” sigaw ng kanyang ina.
“Jessa! Anong kalokohan ang pinaggagagawa mo at saan ka galing?!” sabay na salita ng kanyang ama.
Sa dami ng sinasabi ng kanyang ina at ama na magkasabay ay na malaman ng dalaga kung sasagot pa ba siya.
Ngunit hindi na rin siya nakapagpigil dahil rinding-rindi na siya sa kanyang mga magulang.
“Galing ako sa kaklase ko. Doon ako nakitulog dahil gusto kong makawala pansamantala sa inyo!” sagot ng dalaga.
“Bata pa lang ako wala na kong narinig sa inyo kung hindi pag-aaway.
Umaga hanggang gabi – walang tigil ang pag-aaway niyo! Hindi niyo ba alam na sobra na akong naaapektuhan. Kahit ayaw kong magpaapekto ay hindi pwede, dahil magulang ko kayo. Pamilya ko kayo! Sana naman kahit minsan naiisip niyo na nasasaktan na yung anak niyo!” dagdag na sabi ni Jessa.
Dahil sa kanyang mga sinabi, tameme ang kanyang mga magulang. Napaiyak na lamang ang kanyang ina at niyakap ang kanyang anak.
Hindi niya alam na matagal na pala itong kinikimkim ni Jessa. Maging ang kanyang mister ay natauhan nang makita ang epekto ng kanilang pag-aaway sa kanilang anak.
Kaya naman nagsilbing aral ito sa kanila. Naging maganda pa ang nangyari dahil naiiwasan na talaga nilang magsigawan. Tuwing may hindi pagkakaunawaan ay nakikita ni Jessa na nag-uusap na ng maayos ang kanyang mga magulang.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!