Inday TrendingInday Trending
Naging Babaero at Sugarol ang Mister Na Ito, Dahilan Niya’y Naiisenkyur Pala Siya sa Kanyang Misis

Naging Babaero at Sugarol ang Mister Na Ito, Dahilan Niya’y Naiisenkyur Pala Siya sa Kanyang Misis

Limang taon ng kasal si Gwen at Edgar at mayroon silang isang supling.

Sa unang taon ng kanilang pagiging kasal ay wala naman silang naging problema. Ngunit habang tumatagal ay nakakaramdam ng matinding pagka-insekyur si Edgar sa kanyang misis.

Mas malaki ang naiuuwing sweldo ni Gwen kaysa sa kanya dahil isa siyang guro.

Samantalang siya naman ay isang school bus driver sa paaralang pinagtuturuan ng kanyang misis.

Nakatapos kasi ng pag-aaral si Gwen at si Edgar naman ay hindi. Ngunit kahit kailan ay hindi pinaparamdam ni Gwen kay Edgar ang kanilang diperensya sa swelduhan.

Naniniwala si Gwen na masipag ang kanyang asawa at hindi batugan tulad nang ibang lalaki.

“Hayaan mo na iyon, honey. Ang mahalaga niyan ay nagtatrabaho ka pa rin para sa atin. Mabuti nga at hindi ka tamad tulad ng iba,” nakangiting sabi ng kanyang asawa.

Ngunit hindi maiwasan ni Edgar ang ganitong mga pagiisip lalo pa’t hindi naman malaki ang kanyang sweldo.

Kaya naman, imbis na magpatuloy ay nagsimulang maging laman ng sugalan si Edgar.

Dito niya binubuhos ang lahat ng kanyang sama ng loob. Tuwing hahanapin siya ng kanyang misis ay dito lang siya makikita.

Naging dahilan ito ng madalas nilang pag-aaway.

“Nasaan ka na naman? Bakit hindi ka pa umuuwi?” ani Gwen na halatang nagpipigil ng galit sa telepono.

“Uuwi rin ako maya-maya,” tinatamad na sagot ni Edgar.

“Umuwi ka na sana ngayon. Kasi hinahanap ka na ng anak mo,” kalmado paring sagot ni Gwen.

“Eh ‘di ikaw mag-alaga dyan! Sinabi ko nga sa’yo nasa labas pa ako,” galit na galit na sagot ni Edgar.

Ngunit bago pa man makasagot si Gwen, naibaba na ni Edgar ang telepono.

Gabi-gabi nalang ay ganito ang nangyayari sa mag-asawa. Ngunit pilit iniintindi ni Gwen ang sama ng loob ng asawa dahil alam niyang matatapos rin naman ang kanilang problema.

Mali pala siya rito.

Isang araw habang siya’y nasa eskwelahan, isang kapwa guro niya ang lumapit sa kanya.

“Mars, kumusta ka naman?” nag-aalalang tanong ng guro.

“Okay naman ako mars, bakit?” nagtatakang tanong ni Gwen.

“Eh may sasabihin sana ako sayo. Pero wag mo na lang sanang sabihin kay Edgar na ako ang nagsabi sa iyo,” nauutal na sagot ng guro. Napakunot ang noo ni Gwen sa narinig.

“Ha? Hindi ko maintindihan. Bakit? Ano bang meron kay Edgar?” sagot niya.

“Eh kagabi kasi magkasama kami ng asawa ko sa mall. Nakita ko yung asawa mo may kasamang iba na babae,” mahinang sagot ng guro.

“Ah. Eh baka naman kaibigan lang namin yun,” nakangiting sagot ni Gwen para mapagtakpan ang asawa.

“Hindi ko alam kung kaibigan niyo yun. Pero sobrang malapit naman sila sa isa’t isa dahil naka-akbay si Edgar sa babae at may pahalik halik pa sa noo.”

Hindi malaman ni Gwen kung ano ang isasagot sa kaibigan, gusto niyang malaman ang totoo sa asawa mismo niya kaya’t nagpaalam na lamang muna siya at umalis.

“Totoo ba ang nalaman ko Edgar?” naiiyak na tanong ni Gwen sa mister.

“Ano na naman ba yun?!” iritang sagot ni Edgar.

Nang sinabi niya ang tungkol sa nabanggit ng kanyang kapwa guro kinaumagahan, hindi na ito itinanggi pa ni Edgar, at dinaan na lamang sa galit.

“Eh ano bang paki mo? Kaysa naman sa magmukmok ako dito sa bahay habang ipinamumuka mo sa akin na mas magaling ka sa lahat ng bagay?!” galit na galit na sagot ni Edgar.

“Kahit kailan ay hindi ko iyon ginawa, Edgar. Pero kung nagawa ko man iyon sayo, sana mapatawad mo ako dahil hindi ko naman sinasadya,” naiiyak na sagot ng misis.

“Oo eh ‘no? Ang galing galing mo kasi diba? Bahala ka na nga! Bahala kayo!” sagot ni Edgar bago tuluyang lumayas sa kanilang pamamahay.

Sa sakit ng mga sinabi ng mister ay hindi na nagawang sumagot pa ni Gwen. Ilang araw na hindi umuwi ang kanyang mister sa kanilang bahay, ngunit hindi naman pwedeng magmukmok na lamang siya dahil mayroon pa siyang anak na umaasa sa kanya. Kaya’t araw-araw nalang niyang pinagdasal na sana ay umuwi na ang kanyang mister.

Dalawang linggo ang lumipas at laking gulat ni Gwen nang biglang magpakita sa labas ng kanilang bahay si Edgar. Malaki ang ipinayat niya at halatang nagpabaya talaga ito.

Bago pa man makapagsalita ang mister ay tumakbo si Gwen palapit sa kanyang asawa at niyakap niya ito ng mahigpit.

Buong akala ni Edgar ay magagalit ang misis niya sa kanyang matagal na pagkawala kaya’t naiyak na lamang siya dahil kahit puro sakit ang binigay niya sa kanyang misis ay tinanggap parin siya nito ng buong buo.

“Patawarin mo ako. Imbis na mas maging mabuting asawa ako, ay naging dagdag pa ako sa mga problema mo. At imbis na solusyonan ko ang problema natin ay nagsugal at nambabae pa ako. Sana mapatawad mo pa ako. Nangangako akong hindi na ito uulitin,” naiiyak na sagot ni Edgar.

“Huwag kang mag-aalala. Pinapatawad kita. Naiintindihan ko na nahihirapan ka dahil mas malaki ang kinikita ko kaysa sayo. Pero sana alam mo na kahit kailan, ay hindi magbabago ang pagtingin ko sayo dahil lang doon. Rerespetuhin at mamahalin parin kita may pera man tayo o wala,” sagot ni Gwen habang pinupunasan ang mga luha ng kanyang mister.

Mula noon ay pinagtulungan ng asawa ang lahat ng usaping pera nila. Dahil dito, nakapagpundar sila ng negosyo para sa kanyang mister. Apat na van ang kanilang nabili para gawing pang renta, o school service.

Naintindihan ng dalawa, lalo na ni Edgar na kailangan lang nilang magtulungan sa lahat ng bagay dahil sila ay mag-asawa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement