“Ano ba naman ‘yan Sonya, palagi ka na lang late kung umuwi. Pareho lang kayo ng anak kong si Jaime, mas importante sa inyong dalawa ang trabaho niyo. Napapabayaan niyo na ang apo ko,” wika ng kaniyang beyanan na si Lourdes.
“Sorry po talaga ma, marami kasi kaming ginagawa ngayon sa opisina. Kaya laging gabing- gabi na ako nakakauwi. Salamat sa matiyagang pagbabantay kay Pauline, Ma,” tugon ni Sonya.
“Hindi naman sa tinatakot kita, Sonya, pero sa sobrang abala mo sa trabaho, hindi mo na halos naaalagaan ang anak at asawa mo. Paano kung maghanap ng iba si Jaime? Iyong babaeng kayang ibigay ang atensiyon na hindi niya nararamdaman sa’yo?” wika ng kaniyang beyanan.
“Ma, malaki naman po ang tiwala ko kay Jaime, at tsaka imposible naman na magagawa iyon ng asawa ko,” malumanay na wika ng babae.
Si Sonya at ang biyenan niyang si Lourdes ay hindi tulad sa ibang hindi magkasundo. Mabunganga lang talaga ang kaniyang biyenan, pero sanay na siya rito at alam naman niyang mahal lang siya nito kaya lagi siya nitong pinagsasabihan.
Isang araw ay dumalaw si Lourdes sa opisina ng kaniyang anak na si Jaime upang dalhan ito nang makakain at nang makita na rin kung anong ginagawa nito sa trabaho. Sabi kasi ni Sonya ay parang may kakaiba kay Jaime dahil lagi na lang itong late kung umuwi at lagi itong nakaharap sa cellphone. At ngayon ngang nandito na siya ay nakumpirma niyang nagloloko nga ang kaniyang anak. May kasama itong seksing babae habang hawak kamay na naglalakad.
“Jaime!” tawag niya sa anak upang kunin ang atensiyon nito. Para namang napaso ang dalawa at agad na naghiwalay.
“Ma, ano po ang ginagawa niyo rito?” kinakabahang tanong ni Jaime.
Tinignan ng matanda mula ulo hanggang paa ang babae tsaka nagsalita. “Anong pangalam mo hija?”
“M-Myla po,” nauutal nitong sagot.
“Alam mo bang may asawa ang anak ko?” agad niyang tanong. Hindi niya dapat ginagawa ang bagay na ito, ngunit hindi niya kayang palampasin ang ginagawa ng anak sa kaniyang mabait na manugang.
“O-opo,” nauutal pa rin ang babae.
“Oh! Tapos pinatulan mo pa rin?” mataray niyang wika.
“Ma,” saway ni Jaime.
“Anak kita pero hinding-hindi kita kukunsintihin sa mali mong ginagawa. Alam kong isang workaholic ang asawa mo pero hindi iyon sapat na dahilan upang lokohin mo siya Jaime! Nakikita ko ang pagtitiis at pag-aalaga niya sa’yo at sa anak mo, kaya hindi tama ang ginagawa mong ito,” sermon niya sa anak sabay baling ng tingin sa malanding kabit nito.
“Ikaw naman, magpasalamat ka dahil ang bait ng asawa nito. Kahit nagdududa na siya sa asawa niya’y hindi niya ginawang sugurin ka rito at ipahiya. Babae ka rin at alam mo ang hirap at sakit ng maloko, pero bakit pumatol ka pa rin sa anak ko? Balak mo bang sirain ang pamilya niya? Ito lang ang masasabi ko sa’yo hija, walang-wala ka sa kalingkingan ng manugang ko,” dagdag pa ng galit na galit na matanda.
“Ma nakakahiya sa mga katrabaho ko,” saway ni Jaime.
“Ngayon pa kayo nahiya? Ito lang ang masasabi ko sa’yo Jaime, anak kita pero kung lolokohin at sisirain mo ang pamilya mo, dahil sa babaeng ito’y magkapatawaran tayo, pero lalayasan din kita at kalimutan mo nang ako ang iyong ina,” madiin na wika ni Lourdes tsaka tinalikuran ang dalawang taksil.
Sinumbong niya ang lahat kay Sonya at sa galit nito’y walang humpay itong umiyak sa kaniya. Hindi siya isang kunsintidor na ina, alam niyang mali ang anak niya at wala siyang balak pagtakpan ang kasalanan nito.
Naabutan ni Jaime na umiiyak ang kaniyang anak habang nag-iimpake naman ang kaniyang asawa.
“Saan kayo pupunta?” pigil niya sa asawa.
“Aalis na kami ng anak mo Jaime, pagkatapos ng lahat nang sakripisyong ginawa ko ito ang isusukli mo sa’kin?” hagulhol na wika ni Sonya.
“Patawarin mo ako, Sonya, nagawa ko lang iyon dahil masyado mo nang nilulunod ang sarili mo sa trabaho kaya hindi mo na kami masyadong naaalagaan. Tuwing uuwi ako galing trabaho ay si mama ang naaabutan ko at hindi ikaw. Gusto ko iyong luto mo, yung pag-iintindi at aruga mo, pero dahil nasa trabaho ka pa kaya si mama na ang nagluluto para sa’min ng anak mo,” wika ni Jaime.
“Pero hindi pa rin iyon sapat para lokohin mo ako Jaime, ginagawa ko iyon para sa pamilya natin,” sambit niya.
“Mahal kita, pero minsan hindi ko na naiintindihan kung kami pa rin ba ang importante para sa’yo o ang trabaho mo lang,” nagtatampong wika ni Jaime.
“Mahal ko kayo ng anak natin, Jaime, kayo ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Patawarin mo ako kung mas inuuna ko ang trabaho kaysa sa inyo, patawarin mo ako…” lumuluhang paghingi ng tawad ni Sonya.
“Sorry din, Sonya, magsimula tayong muli,” wika ni Jaime at mahigpit na niyakap an asawa.
Simula nga sa araw na iyon ay hindi na masyadong nilulunod ni Sonya ang sarili sa trabaho. Mas binibigyan niya na ng oras ang kaniyang asawa at anak, sinisigurong naaalagaan niya ang mga ito ng maiigi.
Tama ang kaniyang biyenan, hindi masamang maghanap ng sariling pagkakakitaan kahit may asawa ka na, pero huwag kakalimutan ang obligasyon bilang magulang at asawa.