Inireklamo ng mga Katrabaho ang Lalaki Dahil Araw-Araw Niyang Isinasama ang Ina sa Opisina; Mapapahiya ang mga Ito sa Matutuklasan Nila

Inireklamo ng mga Katrabaho ang Lalaki Dahil Araw-Araw Niyang Isinasama ang Ina sa Opisina; Mapapahiya ang mga Ito sa Matutuklasan Nila

HeartbreakingInspiringStories

Sampung taon nang nagtatrabaho si William sa isang malaking kumpanya sa Makati bilang Marketing Specialist. Isa siya sa mga mahuhusay na empleyado roon. Sa araw-araw na pumapasok siya sa opisina ay kasama rin niya ang sitenta y dos anyos niyang ina na si Aling Virgie.

“O, ayan mama maayos na ang buhok mo at nilagyan ko na rin ng kaunting make up ang iyong pisngi. At para makumpleto ay papahiran ko ng lipstick ang iyong labi. Dyaraan! Ang ganda-ganda na ng mama ko!” wika ni William habang inaayusan ang ina.

Nakangiti naman si Aling Virgie sa ginagawa sa kaniya ng anak. Gustung-gusto rin nito na inaayusan at pinapaganda siya ni William.

“Tara na, mama. Alis na tayo!” yaya niya sabay akay sa ina palabas ng kanilang bahay.

Ilang minuto lang ay narating na nila ang opisina. Malapit lang kasi ang bahay nila sa pinagtatrabahuhan niya. Nang makapasok na sila sa loob ng gusali ay agad silang nagtungo sa departamento kung saan siya nakadestino. Bago umupo sa kaniyang puwesto ay inalalayan niya muna sa pag-upo ang ina sa upuan na malapit din sa mesa niya.

“Diyan ka lang, mama ha? Huwag kang aalis. Panoorin mo lang ako habang nagtatrabaho ha?” sabi niya sa ina.

Tumango lang ito na tanda na naintindihan ang sinabi niya. Tahimik lang at palinga-linga si Aling Virgie habang nakaupo sa isang tabi. Ilang sandali lang ay umupo na rin siya at sinimulan na ang pagtatrabaho.

Walang kamalay-malay si William na lihim siyang pinagtsitsismisan ng mga kasama niya sa opisina.

“Nariyan na pala ang dakilang mama’s boy,” natatawang sabi ni Greg.

“Baka naman hanggang dito sa opisina ay gusto pang bantayan pa siya ng nanay niya,” sabad ni Paco.

“Dati crush ko ‘yang si William, eh, pero ngayon ay nabawasan na ang paghanga ko sa kaniya. Gustong palaging kabuntot ang nanay niya kung saan siya naroon. Ayoko sa ganyang klaseng lalaki,” wika ni Selena.

“Ang laki-laking lalaki, palaging kasama pa ang nanay pati sa opisina ay dinadala pa. ‘Di ba, bawal ‘yan dito? Bakit pinapayagan ‘yan ni boss?” naiinis namang sabi ni Albert.

Buong araw na pinag-uusapan ng mga kapwa niya empleyado si William. Hindi gusto ng mga ito ang araw-araw niyang pagsama sa kaniyang ina sa opisina.

Kahit sa pagkain ay sabay na kumakain ang mag-ina. Sa pantry ng opisina ay sinusubuan pa niya ito.

“Masarap ba ang ulam, mama? Sige lang, kain lang nang kain,” habang pinapahiran pa ang mumo sa bibig ng ina.

Tanging ngiti lang ang sagot ni Aling Virgie sa kaniya.

Pinagtitinginan at pinagbubulungan naman siya ng mga tsismoso niyang katrabaho sa ginagawa niyang pagpapakain sa ina.

“Hindi lang pala mama’s boy itong si William, dakilang caregiver din pala,” wika ni Albert sa mapang-asar na tono.

“Kailangan ba talaga subuan pa? May mga kamay naman ‘yung nanay niya para kumaing mag-isa. At ang kalat pang kumain , o! My gosh, puwede ba na lumipat tayo ng mesa? Nawawalan ako ng ganang kumain sa nakikita ko!” inis na sabi ni Selena.

Nang sumapit ang alas-tres ng hapon ay ipinatawag siya ng kanilang boss para sa isang importanteng meeting. Bago umalis ay kinausap niya ang ina.

“Mama, huwag kang aalis diyan ha? May meeting lang kami nina boss. Babalik ako agad, pramis!”

Tumango naman si Aling Virgie.

Ilang minuto lang ang nakalipas, pagbalik ni William sa working station ay nakita niyang wala na roon ang nanay niya. Wala na si Aling Virgie sa kinauupuan nito.

“Mama? Mama, nasaan ka na? Sabi ko ay huwag kang aalis, eh!” nag-aalala niyang sabi sa isip.

Hinanap niya sa paligid ang ina ngunit hindi niya ito makita. Ipinagtanong na rin niya sa mga kasama kung may nakakita rito pero wala kahit isa na nakapansin kung saan ito nagtungo.

Akmang aalis siya nang bigla siyang tinawag ni Greg.

“Uy, William, pinapatapos na ni boss ‘yung marketing proposal mo. Saan ka pupunta?”

“Pakisabi na gagawin ko ‘yon, pero kailangan ko munang hanapin si mama. Nawawala kasi siya, eh. Iniwan ko lang siya na nakaupo rito kanina,” sagot niya.

“Pero, dapat na matapos iyon agad,” hirit pa ni Greg.

“Oo, ako na ang bahala roon. Hahanapin ko muna si mama ha?”

Nagmamadaling umalis si William. Pawis na pawis at natatarantang hinanap ang ina sa labas ng opisina. Nakaramdam ng matinding inis si Greg sa ginawa ng lalaki kaya idinulog niya iyon sa mga kasama.

“Nabubuwisit na talaga ako sa William na ‘yan. May pinapagawang trabaho si boss pero ayun, umalis para hanapin ‘yung nanay niya!”

“Bakit, anong nangyari?” tanong ni Selena.

“Nawawala raw ‘yung nanay niya kaya hinanahap niya. Oras ng trabaho iba ang inaatupag!” gigil na sumbong ni Greg.

“Aba, napapabayaan na niya ang trabaho dahil sa nanay niya. Dapat kasi hindi na niya isinasama rito, eh!” gatol ni Albert.

“Hindi ko na papalampasin ito, kailangan na malaman na ito ni boss. Hindi na maaari ang ginagawa niyang pagsama sa nanay niya rito. Napapabayaan na niya ang trabaho at ginagawa pa niyang Home for the Aged itong opisina. Mas marami pang oras na inaalagaan niya ang nanay niya kaysa sa pagtatrabaho,” sambit ni Greg.

“Sige, kasama mo kami, Greg. Sasabihan din namin ang iba nating ka-opisina na magreklamo. Kung hindi titigilan ni William ang kahibangan niya ay maaari natin siyang ipatanggal sa opisinang ito,” sabad ni Paco.

Nagsabwatan sila para ireklamo si William sa kanilang boss at sa may-ari ng kumpanya na si Mr. Dela Riva. Nasulsulan naman nila ang iba pa nilang kasama na maghain din ng reklamo kaya sabay-sabay nilang pinuntahan si Mr. Dela Riva sa pribadong opisina nito.

“O, bakit kayo naritong lahat? Anong kailangan niyo?” gulat na tanong ng matandang lalaki.

“Narito po kami para ireklamo si William Montero. Hindi na po namin nagugustuhan ang ginagawa niyang pagsama rito sa nanay niya sa opisina. Napapabayaan na po niya ang kaniyang trabaho. Sa ngayon po ay mas inaasikaso pa niya ang paghahanap sa nanay niya kaysa sa tapusin ang pinagagawa niyong marketing proposal,” hayag ni Greg.

“’Di ba ay maaari po siyang matanggal sa trabaho sa ginagawa niyang kapabayaan? Kailangan niyo pong aksyunan ito, sir. Naaagrabyado naman po kaming mga empleyado na mas ginagawa nang tama ang aming trabaho kumpara sa kaniya,” giit pa ni Paco.

“Ang totoo ay pinakiusapan ako ni William na kung maari ay isama niya rito sa opisina ang nanay niya na may alzheimer’s disease at pinayagan ko naman iyon,” tugon ni Mr. Dela Riva.

“Ano po, m-may alzheimer’s disease ang nanay niya?” gulat na tanong ni Greg.

Hindi makapaniwala ang mga kasama ni Greg sa kanilang nalaman.

“Oo. Nang pumanaw ang ama ni William ay silang dalawa na lang mag-ina ang naiwang magkasama. Wala naman siyang mga kapatid, ang iba nilang kamag-anak ay ayaw tumulong sa pag-aalaga sa nanay niya. Ayaw naman niyang iasa at ipaalaga sa ibang tao ang nanay niya, ang gusto niya ay palagi itong nakikita at kasama dahil nga sa kundisyon nito. Ang sabi nga niya sa akin, matanda na ang nanay niya, ano mang oras ay maaari na siya nitong iwan. Nais niyang iparamdam sa nanay niya na kahit mayroon itong karamdaman ay hindi ito nag-iisa, na palagi siyang nariyan para alagaan ito. Gusto niya na sa mga nalalabing araw ng nanay niya ay kapiling niya ito. Hinding-hindi niya papabayaan ang nanay niya anuman ang mangyari dahil ito ang tanging inspirasyon niya sa buhay. Alam niyo ba na dahil siya ang pinakamagaling na Marketing Specialist ay ilang beses na siyang nakatanggap ng offer mula sa ibang malalaking kumpanya? Ang tatlo roon ay kilalang kumpanya sa ibang mga bansa pero mas pinili niyang manatili sa kumpanyang ito hindi lang dahil sa malaki ang utang na loob niya rito at gusto niya ang mga kasama niya sa trabaho, gusto niyang manatili rito dahil mas malapit nga naman ang opisina natin sa bahay nila at mas malapit siya sa kaniyang ina.

Hindi rin totoo na napapabayaan niya ang trabaho, sa katunayan ay mas magaganda pa nga ang mga proposal na ginagawa niya at wala akong nakikitang mali o mairereklamo sa trabaho niya. Hindi rin nakakaabala o nakakaistorbo ang nanay niya dahil nakikita kong tahimik at mabait naman si Aling Virgie kapag narito sa opisina. Pero kung nais niyo pa rin talaga siyang ipatanggal dahil mali ang kaniyang ginagawa ay pirmahan ninyo ang papel na ito. May karapatan kayo bilang mga empleyado sa kumpanya para ilabas ang inyong hinaing. Kapag lumagpas sa dalawampung pirma ay pagbibigyan ko ang hiling ninyo,” wika ng matanda sabay abot sa kanila ng petition paper.

Tinablan at naantig ang mga empleyado sa mga inihayag ni Mr. Dela Riva. Tila napahiya pa sila sa pagrereklamo nila. Napagtanto nila na mas mabuti pa palang anak si William kaysa sa kanila dahil sa kanilang lahat, ito lang ang naglakas loob na isama at alagaan ang sariling ina sa opisina. Samantalang ang ilan sa kanila ay nakalimot nang kumustahin man lang ang mga magulang. Kaya ang kinalabasan, wala kahit isa man sa kanila ang pumirma sa petition paper na ibinigay ng kanilang boss.

Maya-maya ay dumating na si William kasama ang nanay nito. Napag-alaman nila na lumabas itong mag-isa sa opisina dahil sumumpong na naman ang sakit nito.

“Mabuti na lang at naabutan kita sa labas. Sa susunod ay huwag ka na aalis ha, mama? Mamaya ay bibilhan kita ng paborito mong burger at fries,” sabi ni William kay Aling Virgie habang yakap-yakap ang ina.

“Talaga? Gusto ko ‘yan, I love you, ‘nak!” tuwang-tuwang sagot ni Aling Virgie.

“I love you too, mama!” ani William.

Hindi naiwasang maiyak ng mga kasama niya sa opisina lalo na sa si Mr. Dela Riva nang masaksihan ang tagpo nilang mag-ina.

Mula noon ay hindi na nagreklamo pa ang grupo nina Greg sa pagsama ni William kay Aling Virgie sa opisina. Naintindihan na nila ang ginagawang sakripisyo nito para sa pinakamamahal na ina. Tinutulungan din nila si William sa pag-aalaga kay Aling Virgie kapag may libre silang oras.

More Stories