
Hindi Paborito ang Panganay na Anak Dahil Hindi Siya Nakatapos ng Pag-aaral; Paano Niya Mapatutunayan ang Kaniyang Halaga sa Kanilang Ina?
“Salamat anak sa bigay mong pera! Anong gusto mong ulam? Ipagluluto kita!”
Pinakikinggan lamang ni Lando ang mga sinabi ng kaniyang inang si Aling Salome sa kaniyang bunsong kapatid na si Lance, graduate ng kursong Industrial Engineering, at ngayon nga ay may matatag na trabaho na. Ngayon nga ay nakakapagbigay na ito ng suweldo para panggastos sa kanilang bahay.
“Ikaw na bahala, ‘Nay. Alam mo namang kahit anong luto mo, the best!” saad ni Lance sa kanilang ina. Nakapag-intrega na ito para sa gastusin nila sa bahay.
“Mabuti na lang talaga anak at matalino ka,” sabi na lamang ni Aling Salome. Napasulyap naman nang palihim si Lance sa kaniyang kuyang si Lando, na nagtitinda at naglalako ng samalamig.
Bantulot na lumapit naman si Lando kay Aling Salome. Inabutan ito ng 500 piso.
“‘Nay, pasensiya na kayo, medyo mahina ang benta ko ng samalamig…” nahihiyang sabi ni Lando.
Napatingin lamang si Aling Salome.
“Sigurado ka ba? Baka wala ka na? Paano ka naman?”
Tila nanliliit naman si Lando. Hindi ganoon kalaki ang maaabot niya bilang ambag sa panggastos, pero alam naman niyang taos sa puso ito.
“Oo naman ‘Nay. Meron pa naman po akong naitabi para sa sarili ko. Huwag po kayong mag-alala,” tugon naman ni Lando.
“Ikaw kasi. Pinag-aaral kita noon, ayaw mo naman. Tingnan mo ang kapatid mong si Lance. Maganda trabaho. Malaki suweldo. Nakakapagbigay dito sa bahay. Ikaw ‘tong panganay, dapat ikaw ang mas may marating na mataas…”
“‘Nay, akala ko ba magluluto ka pa? Ikaw talaga. May naisip na akong ulam, gusto ko ng mechado,” singit naman ni Lance. Alam niyang magsisimula na naman silang pagkumparahin ng kaniyang kuya, na palagay niya ay hindi naman dapat.
Minabuti na lamang ni Lando na pumasok sa kanilang kuwarto ni Lance.
“Pagpasensiyahan mo na ulit ang Nanay, Kuya…” paghingi ng paumanhin ni Lance sa kaniyang kuya.
“Hayaan mo na si Nanay, bunso. Okay lang. Totoo naman kasi. Mas matalino ka kaysa sa akin. Nagkataon lang na ako ang unang isinilang, pero ikaw talaga ang paborito niya. Pasensiya ka na…”
“Kuya, huwag mong ikumpara ang sarili mo sa akin. Magkaiba tayo, may kaniya-kaniya tayong galing. Mapapatunayan mo rin kay Nanay na hindi ka basta-basta.”
Bata pa lamang si Lando, alam na niya sa kaniyang sariling wala siyang interes sa pag-aaral. Kahit anong gawin niya, hindi pa sumampa sa 85 ang kaniyang mga marka. Masuwerte na kung makakuha siya ng 80. Sabi ni Aling Salome, ipinaglihi raw siya sa bugok na itlog kaya bugok daw siya.
Kaya bata pa lamang siya, alam niyang ang paborito ng kaniyang mga magulang ay ang bunsong si Lance. Palibhasa, guwapo na, matalino pa. Tanggap na iyon ni Lando. Tanggap niyang mas may tiwala sila kay Lance kaysa sa kaniya.
Minabuti na lamang ni Lando na magtinda ng samalamig sa kalsada. Malakas ang benta nito lalo na tuwing tanghali at hapon, lalo na kapag nakapuwesto siya sa tabi ng paaralan. Halos mga mag-aaral ang suki niya, kaya kilalang-kilala siya nila.
Isang araw, matapos magtimpla at maghanda ng mga panindang samalamig, inilagay na ito ni Lando sa kaniyang kariton. Itinulak na niya ito patungo sa paaralan. Maya-maya, nagulat siya dahil bigla na lamang may sumigaw na “Sunog!” “Sunog!”
Paglingon niya, nagliliyab ang isang tindahan ng mga laruan. Hindi siya nagdalawang-isip na kunin ang mga basyo ng samalamig at ibinuhos sa apoy na nagliliyab. Nang hindi pa ito maapula, kinuha niya ang mga suplay na tubig at ipinagpatuloy ang pagbuhos dito, hanggang sa tuluyang mawala ang apoy.
“Maraming salamat, Lando! Isa kang bayani!” umiiyak na pasasalamat sa kaniya ng tinderang si Aling Loida. “Kung hindi dahil sa iyo, malamang tupok na ang puwesto ko at nakapandamay pa ng iba.
Kaya naman, bilang kabayaran sa dapat sana ay kikitain niya, binayaran na lamang ni Aling Loida ang halaga ng samalamig na ipinambuhos niya. Binigyan pa siya ng ekstra bilang pasasalamat. Nabalitaan ng buong bayan ang kaniyang ginawa kaya pinasalamatan siya ng kanilang punong barangay.
“Anak, patawarin mo ako kung pakiramdam mo minamaliit kita. Proud na proud ako sa iyo!” saad ni Aling Salome kay Lando. Halos maiyak sa tuwa si Lando, dahil buong buhay niya, ngayon lamang narinig mula sa kaniyang mahal na ina, na ipinagmamalaki siya nito. Kaya naman simula noon, kinalimutan na niya ang insecurity na nararamdaman sa kaniyang kapatid at sarili. Alam niya, hindi man ganoon katalas ang kaniyang isip, mabuti naman ang kaniyang kalooban.